"Ang lakas naman ng loob mong paalisin ako?"

"Maayos ang pakiusap ko, Maksimo," seryoso, nakikiusap nga niyang sinabi.

Inubos ko ang kape sa tasa. "Binabalaan kita, Mr. Wood,"nakangiti man ay seryoso ako sa sinabi. "Hindi mo kilala ang Domangja habang ang buo kong pamilya ay kilala mo na."

"Hindi ko alam ang sinasabi mo"

"Alam mo ang sinasabi ko, masyado ka lang gahaman at pinipilit mong tawaging trabaho ang masangsang na pamumuhay mo," angil ko. "Hindi mo 'ko maloloko."

Sumama ang tingin niya at humugot ng hininga. "Makakaalis ka na, Maksimo Moon."

Tumayo ako at isinara ang butones ng coat ko. "Huwag mong kalilimutang pumarito ako para magtanong sa 'yo."

"Ako na lang lagi ang pinagdidiskitahan mo sa t'wing may problema kayo."

"Na magiging problema mo rin sa mga susunod na buwan, nasisiguro ko," dagdag ko.

Natigilan siya at muling pinalis ang nakita ko na. Nagmamalaki siyang ngumisi. "Uulitin ko, hindi ko alam ang tinutukoy mo, 'wag mo nang ipilit."

Bumuntong-hininga ako. "Mahabang buhay para sa 'yo, Mr. Wood."

Hindi na siya sumagot ngunit nabasa ko ang alinlangan sa kaniyang mga mata bago ko siya tuluyang talikuran. Inihatid ako palabas ng kaniyang tauhan, panay pa rin ang panunuri nito sa kabuuan ko habang naglalakad kami papalabas.

"Pinasabog ng apo ko ang kwartong ito," itinuro ko sa tauhan ang kwarto sa kaliwa. "Maging ang kwartong ito," sabi ko sabay turo sa sumunod na kwarto. "Hanggang doon sa dulo," natatawa kong itinuro sa kaniya ang unang kwarto papasok.

Sandaling nagulat ang tauhan at naiinis na tumitig sa akin. Pero hindi ito nakapagsalita. Sa halip ay pinag-alinlanganan ang pagsasabi ko nang totoo at katinuan ko. Ang hangal na ito, iniisip na nagsisinungaling ako o nahihibang.

"May pamilya ka?" tanong ko nang makalabas kami ng tauhan.

Dumeretso ako palabas habang siya ay huminto na sa pintuan ng gusali. Hindi siya sumagot at sa halip ay tinitigan muli ako ng may alinlangan. Ngumiti ako at nakatalikod kong pinindot ang susi ng aking sasakyan.

"Mahabag ka sa mga anak at apo mo kung meron man,"ngumiti ako muli. "Kung wala naman ay ayusin mo ang buhay mo sa ibang paraan." Saka ko sinuyod ng tingin ang kabuuan ng building ni Mr. Wood. "Kung ako sa 'yo ay pipiliin kong mamatay sa katandaan kaysa karumaldumal na paraan." Iyon lang at tinalikuran ko na siya.

Nakangiti muli akong nagmaneho, walang kasing presko ang hangin sa gawing 'yon. Isinara ko na lang muli ang bintana ng sasakyan ko nang makarating sa bungad kung saan puro usok na ng tambutso ang malalanghap ko. Saka ako dumeretso sa bahay ng pinakamataas na rango.

"Eesa!" tumakbo si Spaun papalapit sa 'kin, hirap na hirap dahil sa bag na nakasabit sa likuran niya.

"Maxspaun!" pagtawag ko.

"The son of Maxpein," awtomatiko nitong sagot, hindi man lang nabulol.

"Mukhang may lakad kayo, ah?" nakangiti kong sabi sabay upo sa paanan ko upang salubungin ang yakap niya.

Tumango siya bilang tugon. Nakangiting tiningnan ni Maxspaun ang mukha ko saka napatitig sa bagong tubo na bigote at balbas kong nakalimutan ko na namang ahitan. Ipinatong niya ang maliit na mga daliri at inosenteng kiniskis doon.

MWhere stories live. Discover now