"A-ano'ng ginagawa mo? M-mainit," hindi magkandautong saad ni Bernadette kay Trent. Nahihiya rin siya dahil mamaya ay mag-isip ng kung ano ang mga nakakakita sa kanila. Isipin pa ng mga ito na may namamagitan sa kanila lalo pa't lumabas na walang pang-itaas ang lalaki.

     Itinukod ni Trent ang magkabilang siko sa nakabukas na bintana ng passenger seat. "Kanina pa ako nagsasalita nang nagsasalita, pero dito ka lang nakatingin. Were you even listening to me? Ano ba meron dito sa side na 'to?" Bahagya itong lumayo at sinitsitan ang mga magsasakang nasa kabilang kalsada. Palayan kasi ang kaharap ng Bistro & Coffee. Pag-aari rin ng pamilya ng boss niya.

     "Señorito Trent, pumasok na po kayo," aniya, ngunit nagpatuloy ito sa pagtawag sa mga lalaking abala sa pag-aani.

     "Mga manong! Kuya, kuya!" Nang tumingin ang mga ito kay Trent ay itinuro siya nito. "Isa ba sa inyo ang boyfriend niya?"

     Nanlaki ang mga mata ni Bernadette. Parang sinilaban ang magkabila niyang pisngi. "H-hoy, Señorito! Ano bang pinagsasabi mo riyan? W-wala akong nobyo sa kanila!" Tinangka niyang hilahin ang binata, pero ni hindi ito natinag. "Pumasok na kayo rito, please."

     Sukat sa sinabi ni Trent ay nagsibabaan ang tingin ng mga lalaki sa kaniya. Kuntodo naman siksik si Bernadette sa backrest upang maitago ang sarili, ngunit ang magaling na Trent Esplana, gumilid pa para lalo siyang humantad sa mga ito. Ay, talaga naman! Kung kaya niya lang talaga itong tirisin, naku! Ilang taon itong nawala sa San Gueverra, 'tapos babalik nang ganito?

     "Ah, si Badet ho ba iyan?!" rinig niyang sigaw ng isa.  Malawak-lawak kasi ang kalsada kaya kinakailangang lakasan ang boses upang magkarinigan.

      "Oho, si Bernadette po. Bernadette Palma," ganti naman ni Trent. At talagang sinabi pa ang buo niyang pangalan? "Ayaw kasi ako kausapin, e. Sa inyo lang nakatingin. Girlfriend n'yo ho ba? O nililigawan ninyo?"

     "Ah, hindi ho, ser! Hindi ho!" sagot naman ng isa pa.

     Malakas na natawa ang isa pang kasama ng mga ito. "May mga asawa't pamilya na po kami, ser. Baka kulang lang po sa lambing iyang kapatid ni Ada!"

     Ibig nang lumubog ni Bernadette sa kinauupuan at magpakain sa lupa. Itinakip niya ang collar sa kalahati ng mukha kasehodang malagyan iyon ng lipstick—na para bang maitatago pa niyon kung sino siya.

     "Gelpren n'yo ba si Badet, ser?!"

     Nangatal ang buong pagkatao ni Bernadette nang marinig iyon. Hindi ba naisip ni Trent na maaring panimulan ng tsismis ang pinaggagagawa nito? Abnormal talaga! Iluluwa na sana ni Bernadette ang ulo sa bintana para sabihing mali ang iniisip ng mga ito, ngunit imbes na sagutin ang tanong, bumalik sa pagkakadukwang sa bintana si Trent. Tuloy ay napaurong siya dahil kamuntikan nang bumangga ang mukha niya rito. Muntik na niya itong mahalikan! Dios mio! Natutop niya ang bibig.

      Ngingiti-ngiting ginalaw-galaw nito ang mga kilay. "Are you my girlfriend daw ba?"

     Ipupusta niya ang lahat ng sira-sirang pantalon ni Ton-ton na singpula na siya ng kamatis nang mga sandaling iyon. Nilabas niya ang kamay sa binata at buong lakas na iginilid ang lalaki.

     "Aba'y iba nga rin talaga ang mga Palma, ano?" ang narinig niyang sinasabi ng isang magsasaka sa kasama nito.

     "Naku, mga manong, pasensya na ho! Hindi ho niya ako nobya! Hindi po. Wala akong nobyo, wala po!" paglilinaw ni Bernadette habang winawasiwas ang mga palad sa ere. "Wala po kaming relasyon o ano man ng lalaking 'to!"

     Laking pagsisisi talaga ni Bernadette na inamin niya noon kay Trent na crush niya ito. Pero bata-bata pa siya noon! Walang karanasan sa kahit ano, malay ba niya na dapat pala secret lang ang mga ganoong bagay. E, tinanong siya nito, e! E di umamin siya. Ang kaso, ang hudyo, matapos siyang paaminin ay tinawanan lang siya at sinabihan ng, "You're too young for my liking, Badet". Totoo naman. Walong taon ang agwat ng mga edad nila kung hindi siya nagkakamali, ngunit kung umakto ito, parang mas bata pa sa Ate Ada niya.

DIS #2: The Right OnesWhere stories live. Discover now