"Mas okay lagyan ng pagkain 'to kaysa sa paper takeout eme ninyo." Inilapat ni Ada ang hintuturo sa bibig. "Huwag ka maingay kay Inay, Badet, ha? Ninenok ko lang 'tong mga tupperware kay Nanay. Hindi kasi uso ganito sa mansion. Puro babasagin! Hirap bitbitin! Kumakalansing sa bayong ko!"

     Ikinumpas ni Bernadette ang mga kamay sa ere. "Ay,  bahala ka riyan, Ate, ha. Alam mo naman 'yong bibig no'n. Kapag ikaw pinuntahan ni Inay sa mansion, labas ako riyan. Alam mo naman 'yon, parang si Itay noong nabubuhay pa. Kung mga anak ni Tatay 'yong mga manok niya, si Nanay mga kapatid niya 'yang mga tupperware na 'yan."

     Sukat doon ay hinampas siya ni Ada sa braso. "Kaya nga 'wag ka nang maingay. 'Di naman mapapansin ni Inay na nabawasan mga kapatid—este, mga tupperware niya ro'n."

     Sinapo-sapo ni Bernadette ang nasaktang braso. Ang bigat talaga ng kamay ng ate niya. Sigurado naman siya na hindi dating boksingero ang kapatid niya, pero bakit mapanakit ito?

     Nang matapos ang mga ito sa pagsimot sa laman ng lamesa. Basta-basta na lamang hinaklit ni Ada sa palapulsuhan si Bernadette.

     "Tena, aalis na tayo. Dadalhin na kita ro'n sa The Esplanas," ani pa ni Ada na para bang kinakaray lang siya papunta sa palengke. Ang tinutukoy nito ay ang bagong gawang café bar na pag-aari ni Trent Esplana—ang chef na brother-in-law ng ate niya.

     Pumiksi siya. "Ate, naka-drugs ka ba? Ano ba tinitira n'yo ni Ate Raye? Hindi nga po puwede."

     Biglang napahalakhak nang makahulugan si Raye. Itinutop pa nito sa bibig ang kamay na may nagsisihabaang fake nails. "Ako sigurado ako, wala pa. Iyang ate mo, mukhang gabi-gabing—aray ko naman, Adalina!"

     Hindi na natuloy ng huli ang sasabihin dahil kinurot ito ng kapatid niya sa kili-kili. Halos magkandirit ang kaibigan nito sa sakit.

     "Mahiya ka nga sa kapatid ko. 'Tong Manuelo na 'to," namumulang sikmat ni Ada kay Raye. Muli itong bumaling sa kaniya. "Ano ba, aalis ka ba o hindi?"

     "Ate, hindi nga po ako puwedeng basta-basta na lang umalis dito. Ilang taon na ako rito sa Bistro & Coffee, ta's kaka-promote lang sa akin last month bilang manager, ta's gusto mo layasan ko sila?" mahinahong sabi ni Bernadette.

     "Hindi ka naman maglalayas, magpapaalam ka naman. Hindi 'yon layas kapag gano'n," anito't nakuha pa talagang magbiro. Nang lumipat siya sa counter ay sumunod naman ito, tila hindi alintana ang bigat ni Belina. Mabuti na lang at hindi rin umiimik ang bata, may nakasuksok din kasing pacifier sa bibig nito. "Pag-isipan mo muna, Badet."

     "Ate, ilang linggo mo na ako kinukulit diyan. Napag-isipan ko na rin, at ang sagot ko po ay ayoko. Alam mo naman din pong malaki ang utang na loob ko sa may-ari ng café na 'to kahit na pinag-aral ako ng mga Esplana. At saka, hindi ko kayang iwan 'yong pamilya na nabuo ko rito."

     "'Yan kasi, ang bilis-bilis ma-attach. Kaya ka nasasaktan, Badet, e," hirit naman ni Raye na lumapit din sa kanila habang bitbit ang pitsel ng orange juice na nilagyan nito ng straw at sinisipsip-sipsip na para bang nakalagay lang iyon sa baso. Hinablot niya iyon mula rito. Sinamaan naman siya ng tingin ng huli.

     Pumamaywang ito, nakapulupot sa isang kamay nito ang eco bag na naglalaman noong mga tupperware. "Kayong magkapatid, may problema ba kayo sa akin, ha? Ba't parang tutol kayo sa kaligayahan ko? Nai-insecure ba kayo sa beauty ko, ha? Kasalanan ko bang mas maganda ako sa inyo?"

     "Ba't may jowa ka po ba?" pang-iistir ni Badet kay Raye.

     Kulang na lang ay dumikit sa kisame ang isang kilay nito. "Ay, bakit ikaw ba meron?" Ikinawit nito ang kamay sa braso ni Ada. "Friend, o, may jowa raw kapatid mo nang hindi mo alam. Payag ka no'n?"

DIS #2: The Right OnesWhere stories live. Discover now