"Pwede raw ba 'yun? Dalawa sa isang kabaong?" Napakunot ang noo ni Kino, mukhang interesado pa sa biro ni Sevi! Hindi ko akalaing seseryosohin niya 'yon! 


"Pwede naman, basta nakatagilid kayong dalawa," seryosong sabi rin ni Sevi. 


"Pwede naka-back hug?" Tumaas ang dalawang kilay ni Kino. 


Napatakip ako sa tenga ko at binilisan ang lakad ko para hindi na marinig ang pinag-uusapan nilang wala namang kwenta. Dire-diretso lang ako pumuntang locker room para magpalit ng pang-training at dumiretso na kami ni Kino sa volleyball court. May nakahanda na kaagad siyang jug ng tubig doon sa bench habang nagwawarm up kami. 


"Cute ng boyfriend mo, Via," tumatawang sabi ng captain namin habang nag-iistretching kami sa sahig. 


"Hindi ko ho siya boyfriend," tanggi ko kaagad. "May iba akong crush." 


Mas lalo siyang natawa sa sinabi ko. Nagkanya-kanya muna kaming partner para mag-practice naman ng skills ng isa't isa depende sa posisyon. Ka-partner ko ang ace namin ngayon para ma-practice ko ang pag-set ko. Sa kabila naman ay may magre-receive ng spike ng ace. Tahimik lang na nanonood si Kino roon sa bench at pumapalakpak pa kapag namamangha. 


Pagkatapos ng training ay sabay ulit kaming umuwi ni Kino. Buhat niya ang duffel bag ko at nagkekwento siya tungkol sa nangyari sa araw niya habang naglalakad kami papunta sa gate. May kasama pang pang-aasar sa akin ang kwento niya kaya naman umatras ako at sinipa siya sa pwetan. Tumawa ako nang mapatalon siya at muntik nang madapa. Sinamaan niya 'ko ng tingin at pabirong inipit ang leeg ko sa gitna ng braso niya.


"Bagay kayo." Napalingon kaming dalawa kay Sevi na nakangisi na ngayon, hawak din ang duffel bag niya. Kakatapos lang nila sa training kaya naka-itim na sando at jersey shorts na lang siya ngayon. 


"Pre, okay ka lang?" Binitawan kaagad ako ni Kino at lumapit siya kay Sevi. Lumayo pa silang dalawa sa akin at may seryosong pinag-usapan kaya nakatayo lang ako sa may gate habang pinapanood sila, hinihintay matapos. 


Tinapik ni Kino ang balikat ni Sevi bago siya naglakad pabalik sa 'kin. Tinaasan ko siya ng kilay dahil medyo natagalan pa sila roon, e ang sakit na ng binti ko. "Ang tagal n'yo naman nag-usap..." Sabi ko at nauna nang naglakad. 


Kinabukasan ay kumain ulit kami ng lunch kila Sevi at nagmamadaling bumalik ng school dahil malapit nang magsimula ulit ang klase. Madalas na kaming kumain doon at napansin ko ring wala palagi ang Papa niya. 


"Pa, kumusta si Engineer Camero?" Tanong ko kay Papa habang kumakain kami ng dinner. Nacu-curious lang ako dahil hindi na rin siya nababanggit ni Papa. 


"Ah, bago na ang boss ko sa trabaho, nak. Nag-resign na si Engineer Camero," sagot naman ni Papa. "Balita ko ay lumipat siya sa malayong lugar. Sa Cebu ata? Hindi ako sigurado." 


Napaawang ang labi ko at tahimik na tinapos ang pag-kain ko. Kaya ba malungkot si Sevi palagi? Hindi ko alam kung ako lang ang nakakapansin dahil palagi naman siyang nakangiti. Hindi ko na lang 'yun binanggit noong nagkita kami kinabukasan para sa training dahil may rason naman siguro siya kung bakit hindi niya kinwento. Personal na sa kaniya 'yon, e, pero sigurado akong alam ni Kino. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon