Pahinga (A Christmas Special)

1 0 0
                                    

          Lumaking mabuting tao at marunong makipagkapwa si Lyanna. Kaya’t hindi niya agad naunawaan kung bakit sa dinarami-rami ng tao sa mundo, siya pa ang binigyan ng karamdamang maaring tumapos sa buhay niya anumang oras. Bagama’t punong-puno siya ng takot at pangamba, nanatili pa rin siyang positibo sa buhay. Sa natitirang panahon niya sa mundo, gusto niyang mag-iwan ng masasayang alaala na babaunin niya saanman siya magpunta. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, sa maling panahon at pansamantalang oras, natagpuan niya ang panibagong rason para manatili pa sa mundong ibabaw. Paano niya kaya haharapin ang bukas kung ang ibig sabihin nito’y unti-unting pagkaubos ng mga nalalabi niyang oras? Paano siya magdiriwang ng Pasko kung nakatakda na ang araw ng kanyang pahinga? Handa ba siyang lumisan gayong maiiwan niya ang pag-ibig na natagpuan niya nang biglaan? Hanggang kailan niya ipaglalaban ang buhay na ipinahiram sa kanya sa ngalan ng pag-ibig? Hanggang kailan siya lalaban?

-------------------------

“PAHINGA”
Isinulat ni Rose Ann Pardilla

Kasalukuyang nag-iingay ang kampana ng simbahan, hudyat na mag-uumpisa na ang misa sa araw na ito. Marahan akong naglakad papunta sa ikatlong hanay ng mga upuan sa pinakamatandang simbahan sa aming bayan. Nagpapasalamat ako sa Diyos na binigyan ako ng sapat na lakas sa araw na ito upang makadalo sa misa para sa araw ng Linggo. Minsan lang umayon ang pagkakataon sa akin kaya’t lulubusin ko na.

“Uy! Lyanna? Ikaw pala.” Masayang bati ng isa sa aking kaklase noong highshool na katabi ko pala sa upuan ngayon.

Kaagad akong napatango dahil sa hindi inaasahang pagpansin niya sa akin. Ang buong akala ko ay hindi na ako naaalala pa ng mga kaklase gayong madalas naman akong absent noon.

“Oo, ako ito. Mabuti naman at kilala mo pa ako” nahihiyang tugon ko.

“Ano ka ba! Sinong hindi makakalimot sa’yo? Ikaw kaya ang isa sa pinakamabait at matalinong kaklase namin noon” at humagikhik pa siya kaya’t nahawa ako sa kanyang mahinang tawa.

“Siya nga pala, asawa ko” sambit niya at itinuro ang lalaking katabi bilang pagpapakilala.

Tinanguan naman ako nito na sinuklian ko ng tipid na ngiti. Nagkuwentuhan pa kami sandali ng aking kaklase hanggang sa nag-umpisa ang misa. Umayos na kami ng pagkakaupo at tinuon ang pansin sa pari. Ngunit hindi ko rin maiwasang isipin, ilan taon na kaya ang kaklase ko at may asawa na agad siya? Nasa ikatlong taon na kasi ako sa kolehiyo at nasa edad dalawampu pa lamang. Pero, hindi ko naman siya nais husgahan dahil halatang masayang-masaya siya sa pinili niyang buhay.

“Peace be with you” mahinang usal ko sa mga taong malapit sa aking kinatatayuan.

Ang gaan sa pakiramdam kapag may mga tao kang nabibigyan ng ngiti. Pakiramdam ko tuloy ang laki ng naidudulot kong pag-asa sa kanilang buhay kapag nakikita ko ang saya sa kanilang mukha. Isang simpleng ngiti at pagbati, kaya mo nang magbigay ng pag-asa sa bawat tao. Nakakapagtaka nga lang na libre naman ito ngunit ipinagkakait ng iilan.

“Ang pogi nung sakristan oh” bahagya akong siniko nang aking kaklase at mayroon siyang inginuso sa akin.

Nahihiya naman akong sinundan nang tingin iyong isinesenyas niya sa akin. Hindi nga ako nagkamali. Tama siya. Guwapo ngang matatawag ang sacristan na nakatayo sa bandang likuran ng pari. Matangkad, maamo ang mukha, singkit ang mga mata, makakapal ang kilay at ang higit na nakadagdag ng ganda sa kanyang panlabas na kaanyuan ay ang dalawang malalim na dimples sa kanyang pisngi.

“Oh diba? Gwapo ‘no? Sayang lang at may asawa na ako.” Halos mapapitlag ako nang bumulong ang aking katabi na may kasamang hagikhik.

Kaagad siyang sinaway ng asawa sa kanyang tabi.

A Set of Tears And JoyNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ