CHAPTER 17

129 19 4
                                    

CHAPTER 17

"SOMEONE YOU USED TO REMEMBER IN CAPSULES AND SYRINGE"

THIRD PERSON'S POV



"Pucha!" mura ni Gian nang magulat dahil biglaang sa pagsulpot ng isang itim na pusa sa daraanan niya. Napasandal tuloy siya sa pader ng isang establishment habang hawak ang dibdib. Mukhang magkakasakit pa siya sa puso dahil sa pusang iyon.

Nang maka-recover ay itinutok muli niya ang dalang flashlight sa madilim na pathway. Ingat na ingat at magagaan ang bawat hakbang niya upang hindi makagawa ng ingay. Oras na may makaalam na normal siyang tao, ay tiyak malalagay ang buhay niya sa kapahamakan.

Nakaligtas at natakasan niya sina Sassy at Stephen kanina noong hinabol siya. Ngunit pakiramdam niya, kahit anong gawin niyang pagtatago ay maaabutan siya ng mga ito anumang oras kaya kailangan niya ng ligtas na lugar upang pagtaguan. Hindi siya dapat mamatay ng dahil lang sa Life Note na iyon.

Natigil siya sa tapat ng isang abandonadong ospital na may dalawang palapag. Iginala muna niya ang paningin sa kanyang paligid bago napatitig sa nakasarado nitong pintuan. Mayamaya ay kumuha siya ng isang malaking bato at pinukpok sa kandado. Nasira ito at nabuksan. Napangisi siya.

"Hindi naman siguro nila ako masusundan rito, ano?" tanong niya sa sarili at agad pinasok ang looban. Isinara niyang mabuti ang pintuan upang masiguro na hindi siya masusundan ng mga patay na humahabol sa kanya.
Katahimikan ang bumungad sa kanya sa unang pasilyo pa lamang. Agad niyang tinahak ang hagdan patungo sa ikalawang palapag dahil sigurado siyang sira ang elevator nito.

Pagdating roon ay bumungad ang ilang higaan. Maayos pa rin at malinis pa ang bedsheets ng ilan. Tila nakaramdam si Gian ng pagod at pagkaantok. Na-mimiss niya ang sarili niyang higaan. Kanina pa siya takbo ng takbo dahil sa mga humahabol sa kanya. Wala naman sigurong masama kung magpapahinga muna siya bago hanapin ang iba pa niyang kasamahan.

Pinagpagan niya ang isang hindi kalakihang kama at humiga roon. Ibinaba niya ang hawak na flashlight at ang napulot niyang dos por dos na kahoy na siya naman niyang pinaghahampas kanina pa sa mga bangkay.

Mabibigat ang hininga niya. Nag-aagaw na ang diwa at antok niya pagkahiga pa lamang. Bumibigat na ang kanyang mga talukap. Sa isang iglap ay bumalik sa alaala niya kung paano patayin ang kaibigan niyang si Zach. Mariin niyang ipinikit ang mga mata.

Ayaw na niyang maalala. Ayaw niyang matulad sa kaibigan. Hindi siya magpapaabot sa mga demonyong iyon.

Mayamaya pa ay nakarinig siya ng kalabog mula sa unang palapag. Napabalikwas siya ng bangon at mahigpit na napahawak sa kahoy. Pinakiramdaman niya ang paligid. Nakahinga siya ng maluwag nang makita ang isa pang pusang itim na dumaan sa pintuan ng kwarto kung nasaan siya mismo.

"Bakit ang dami kasing pusang itim rito?" nakangiwi niyang sambit sa sarili at napahiga ulit habang nakatitig sa blankong kisame.

"Magpapa-check up ka ba?" Nanlaki ang mata niya nang marinig ang isang pamilyar na tinig mula sa pintuan. Dahan-dahan siyang bumangon at nakita ang pares ng mga mata na nakatitig sa kanya ngayon. Nagtatago ito sa dilim.

"Sino ka? Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?!" sunod-sunod niyang tanong at hinawakan na ng mahigpit ang dos por dos niyang dala.

"Ikaw ang tinatanong ko. Paano ka nakapasok rito? Dito kasi ako nagtatrabaho," sagot ng tinig at bumungad kay Gian ang nakangising nurse na may hawak na isang syringe. Malademonyo ang ngiti nito habang pinaglalaruan ang malaking karayom sa mga daliri. Nakasandal na ito sa pintuan at inaabangan siya.

Lumakas ang tibok ng dibdib ni Gian.

"Sino ka?!" Imbes na sagutin siya, tumawa lamang ang babae.

"Ang bilis mo naman makalimot. Parang dati lang, sinasamahan ka pa ng parents mo dito tuwing may sakit ka dahil takot rito," ani ng nurse at pinakita ang karayom na kinatatakutan ng binata simula pa noong bata siya. Napalunok laway siya dahil sa kaba.

"Sino ka ba?!" sigaw ulit ng kinakabahan na si Gian. Mas humalakhak ang nurse.

"Hindi mo na ba ako naaalala?"

Sa isang iglap ay nanlaki ang mga mata niya nang mapagmasdan ang babaeng nurse na nasa harapan niya ngayon. Nakasuot pa rin ito ng uniporme ngunit may bahid na ito ng putik at tuyot na dugo. Pero ang mas ikinabilis ng tibok ng puso niya ay ang pangalan na tumatak sa kanyang isip nang makita ang nameplate nito sa suot na blouse.

"N-Nurse Jane?"

"Kumusta, Gian?" Isang ngisi ang pinakawalan ng babae at agad humalakhak na parang wala nang bukas. Tila nababaliw na ito.

Hindi siya pwedeng magkamali. Jane Villacruz ang pangalan ng nurse na kaharap niya ngayon. Ang nurse na naging tagapag-alaga niya noong nagkakasakit siya lagi. Maging ang lolo at lola niya ay kilala ang nurse dahil malapit nila itong kamag-anak.

Namatay ito ilang taon na ang nakararaan. Hindi niya maalala kung ano ang ikinamatay. Pero isa lang ang sigurado niya.

Pangalan ni Jane ang inilagay niya dahil ang nabunot niyang papel ay may kaugnayan sa capsule at syringe. Napilipit ang dila niya at hindi siya makapagsalita dahil sa takot.

"Mukhang masama ang pakiramdam mo. Gusto mo bang turukan ulit kita nito?" Malambing at may pag-aalala sa tono ng boses ng nurse na naging dahilan para kilabutan ang binata. Hindi na siya ligtas rito.

Napasigaw siya nang sugurin siya nito at akma nang itatarak sa kanya ang hawak na syringe ngunit naitulak niya rito ang isang swivel chair. Bagsak ang nurse sa paanan niya. Nakakuha siya ng tiyempo upang tumakbo palabas ng kwarto.

"Shit!" paulit-ulit niyang mura nang mapagtanto na nakalimutan niya ang flashlight at dos por dos na kahoy. Ngayon ay madilim niyang tinatahak ang pasilyo na walang kailaw-ilaw. Nakarinig siya ng mga yabag. Nagtago siya sa kabilang pader at sinilip ang nurse na paika-ikang naglalakad. Hinahanap siya nito. Napangiwi siya.

"Gian, huwag ka mag-alala. Parang kagat lang ito ng langgam," ani ng nurse at humalakhak na naman.

Nangangapang humanap si Gian ng matigas na bagay na maaaring ipanghampas sa nurse na iyon. Nahawakan niya ang isang tubo sa sulok. Kung paano napunta ito rito ay hindi niya alam. Marahas niya itong ipinukpok sa papalapit na nurse na naging dahilan para mapatigil ito. Hindi pa siya nakontento. Paulit-ulit niya itong pinukpok hanggang sa bumulagta ang babae at mayupi ang ulo.
Pabagsak rin siya napaupo sa paanan ng bangkay ng nurse. Habol niya ang hininga.

"Potangena, hindi ako papayag na isang patay lang ang makakapatay sa akin! Hayup!" bulalas niya at pinahid ang dugong tumalsik sa pisngi niya.

"Anak ng!" Napapitlag siya nang marinig niya itong humalakhak at imulat ang mata. Napasigaw siya sa takot. "Tangina! Buhay ka pa rin?!"

Akma na siyang tatayo at pupukpukin ulit ang babae nang mahawakan siya nito sa pulso at hilahin pahiga. Ngayon ay ito ang bumangon at sinalakay siya. Hindi siya makahinga dahil sa pananakal nito. Hindi pa man niya naaabot ang tubo na kanina'y hawak, nanigas na ang katawan niya nang itarak ng nurse ang syringe sa lalamunan niya.

Nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib at kawalan ng hangin. Nanunuyo na ang kanyang lalamunan niya. Wala siyang ibang nagawa kundi ang mangisay-ngisay na lamang.

Napangisi ang nurse at mas idiniin ang karayom sa nag-aagaw buhay na binata.

"Sabi sa'yo, eh. Parang kagat lang ng langgam," sambit ng nurse na halos hindi na makilala dahil wasak na ang ulo ngunit nakakakilos pa rin ng normal.

Umalingawngaw sa tahimik na pasilyo ang nakakapanindig-balahibong halakhak ng nurse habang tuluyan nang nalagutan ng hininga ang walang kalaban-laban na si Gian.



***

Life-Note | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon