Chapter 5

62 5 1
                                    

Hila-hila ko ang maleta. Sumulyap pa ako sa apartment building na naging tahanan ko ng halos limang taon. Mula pa noong first year college hanggang makapagtapos ako ng kolehiyo, ang gusali na ni Aling Josefina ang naging kanlungan ko. Kaya mami-miss ko ang kuwarto sa 3rd unit. Pumihit ako at muling naglakad pasunod kay Rey na nauna na.

"Vivid!"

Napahinto ako sa paghakbang at nilingon ang tumawag. Si Yuri. Nakatayo siya sa likuran ng tarangkahan at nasa likod niya si Marlon na asawa niya. Nakasuot siya ng mask at nanunubig ang mga mata.

Ngumiti ako nang marahan. "Mag-ingat kayo."

"Vivid!" Humawak siya sa riles ng tarangkahan. Humakbang si Marlon palapit sa kaniya at hinawakan siya sa balikat. Suminghot si Yuri. "Kayo ni Rey ang mag-ingat! Vivid naman. Pwede naman kayo rito sa bahay. Sobrang luwag pa rito."

Tinaas ko ang kamay. "Makakaabala lang kami sa inyo ng asawa mo. Buntis ka, Yuri. Hindi ka naturukan ng bakuna dahil baka makasama sa bata. Mas malaki ang risk lalo na't frontliner si Rey. Kahit pa sabihin nating nabakunahan na kami, pero 'yong contact through things... sobrang delikado, Yuri."

"V-Vivid..."

Ngumiti ulit ako at tumitig kay Marlon. "Bantayan mo ang asawa mo."

"Gagawin ko. Mag-ingat kayo, Vivid."

Tumango-tango ako at pumihit. Dinig ko ang pakiusap ni Yuri pero mariin kong hinawakan ang hawakan ng maleta at mabilis na humakbang palayo ng tarangkahan ng bahay nila. Nakita ko pa ang pagtango ni Rey habang nakatitig sa akin. Nakahinto na siya para hintayin ako. Siguro, narinig niya ang pag-uusap naman ni Yuri. Ngumiti ako nang marahan at huminto sa harap niya.

"Gusto mo bang mag-taxi?" tanong niya.

Umiling ako. "Saan nga 'yong apartment ng Sir Walrus mo?"

"Sa Lapu-Lapu. Kailangan pa nating tumawid ng tulay. O gusto mong mag-ferry na lang tayo?" tanong niya habang nakatitig palampas sa akin. Alam kong tinitingnan niya ang driveway sa tapat ng tarangkahan nina Yuri.

Bumuntong-hinga ako. "Mag-ferry na lang. Sana bukas ang ticketing area ngayon," sabi ko at nagpatuloy sa paghakbang papunta gawi ng Pier 1. Sumabay sa akin si Rey habang bitbit ang malaking bag sa kaliwang kamay.

"Sana pala sumama na tayo sa baranggay. Baka nandoon na tayo sa Pier 3 ngayon."

Napailing ako sa sinabi niya. "Papunta sa Lahug ang baranggay truck na 'yon. Saka, ayos na rin ang maglakad-lakad. Ilang buwan na rin nang huli kong makita ang ganda ng dagat."

"Sa tingin mo, Vivid..." Nagpalinga-linga siya sa magkabilang gilid bago tumawid ng kalsada. Sumabay lang ako sa kaniya. "... matapos 'tong dalawang virus outbreak, ilang years pa ba bago magkaroon ulit? Kasi sabi ni Madel na nagkaroon na raw ng bubonic plague noon, saka hundred years yata ang agwat ng bawat pandemya."

"Hindi ko alam." Tumingala ako sa kahel na kalangitan bago nagbaba ng tingin sa daan. "Hindi ko nga alam kung anong dapat gawin. 'Yong pakiramdam na napaka-hopeless. Minsan, naiisip kong pwede na ba akong kunin ni Lord para hindi ko na makita kung anong hinaharap. Natatakot ako sa kung anong mangyayari sa mundo pagkatapos nito."

"Natatakot?" Natawa siya. "Ba't ka naman matatakot?"

"Kasi... pabagsak nang pabagsak ang ekonomiya ng mga bansa. Iba't ibang sakuna na ang nangyayari. Lindol, malakas na bagyo, pagputok ng bulkan, mga naglalabasang kakaibang nilalang, at 'yong signs sa heaven. Ibig kong sabihin, 'yong mga blue moon, super moon, strawberry moon... nakapagtataka. Bakit nagsabay-sabay ang paglabas ng lahat ng mga 'to. Baka nasa last days na nga tayo."

Last Degree (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon