Kabanata 6

461 22 7
                                    

Kabanata 6

Laging updated

"ANONG plano mo ngayon, anak? Malapit nang fiesta dito sa 'tin, baka may makakilala r'yan sa nobya mo. Dumugin pa iyan dito."

Nagkatinginan sina Koa at ang ama niya. Sumenyas itong sagutin ang tanong ng nanay niya. 

Ang alam ng kanyang ina ay nobya niya ang artista pero kagabi nang mag-inuman sila ng kanyang tatay ay nadulas siya at nasabi ditong hindi niya naman nobya ang kasama niya.  Ikiniwento niya dito ang buong pangyayari kung bakit may kasama siyang artista sa pag-uwi niya.

Ayaw niyang maglihim. Pero wala siyang ibang paraan kundi 'wag sabihin ang totoo sa nanay niya dahil alam niyang tututol ito. Mabuti na lang at suportado siya ng ama sa ginawa niya.

Sumimsim ng kape si Koa saka ngumiti. "Ipapasyal ko ho dito Nay, si Jade Paris sa Bayan natin. Saka kilala naman ako ng mga tao dito di'ba?  Hindi nila pwedeng mahawakan ang anu mang bagay na ipinagbabawal ko. Ano pa kaya kung siya ang ipagdadamot ko."

Bumuntonghininga ang kanyang ina na agad namang dinaluhan ng ama niya at hinaplos ang likod.

"Relax, Senya. Nag-aalala ka ba r'yan sa anak natin? Ayaw mo 'nun? Magkakaapo na tayo."

Halos mabilaukan siya sa sinabi ng ama.

"Tigilan mo ako Adantor. Ayos lang sa 'kin na mag-asawa na iyang si Koa, pero bakit sa dinamirami ng magiging nobya niya, ay iyong artista pa. Ang tahimik na buhay n'yan ay gugulo dahil doon."

"Wala eh. Gwapo talaga itong anak natin at pati artista nagkagusto--"

Tumaas ang sulok ng labi ni Koa. Iyan ang gusto niya sa kanyang tatay eh. Gwapong-gwapo sa kanya.

"Heh! Tigilan mo 'ko Adantor! Alam ko kung saan na naman ito patungo."

Naiiling na lamang na inilagay ni Koa ang tasa sa lababo at saka sumandal doon habang pinagmamasdan ang magulang niya.

Ganito ang gusto niya. Pinapanalangin niya na sana maging ganito rin sila ni Sinta. Simpleng pamumuhay pero masaya.

Tumango siya sa kanyang tatay bago ibinalingan ang bahay niya. Isang sulyap lang muna kay Jade Paris para ganahan siya.

Tulog na tulog pa ang dalaga nang pumasok siya sa kwarto. Umangat ang sulok ng labi niya nang makita kung gaanong balot na balot ng kumot ang katawan nito.

Hindi niya maiwasang mapangiti nang halos mandiri ito sa kanya kagabi nang kumuha siya ng unan sa higaan niya at dinala sa upuan sa labas.

Pinanlisikan pa siya nito ng mata saka padabog na pinulupot ang kumot sa katawan. "'Wag na 'wag mo akong papasukin dito sa kwarto. Dahil kung hindi--"

Hindi nito naituloy ang sasabihin at nanlaki ang mata nang hubarin niya ang T-shirt at pantalon niya. Tanging boxers na lang ang tinira.

Kung ito lang ang tanging paraan para matigil sa pagmamaldita si Sinta sa kanya, gagawin niya.  Hindi sa binabastos niya ito, natutuwa lang siya kapag nakikita ang pamumula ng pisngi nito.

"Alis na muna ako, Sinta," ani Koa at hinalikan ang kanyang daliri bago dinala sa noo ng dalaga.

Lumabas siya ng bahay at kinuha ang lambat. Madaling araw pa lamang at papalaot sila ng tatay niya para may maiulam at maibenta sa palengke mamaya.

Namiss niya din gawin ito.  Nung mga panahong hindi pa siya nakakapasa sa board exams, ito ang madalas na gawin niya. At ilang taon niya na din itong hindi nagagawa nang magtrabaho siya sa Siyudad.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 30, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Mister Fanboy, Itanan Mo Ako Pakiusap!Where stories live. Discover now