Chapter 8:

187 11 0
                                    

Nagsimula ang media sa pagcocover ng isang babaeng tatalon sa isang mataas na gusali. Hindi ko pinansin ang mga balita sa TV dahil sa sobra kong pagkaabala. May isa ring numero na tawag nang tawag sa akin nang hapong iyon. Hindi ko napapansin dahil tambak talaga ng mga papeles sa aking mesa. Nakasilent pa ang phone ko noon kaya hindi ko napapansin ang mga tawag. Nagtaka na lang ako kung bakit mabigat ang traffic sa dadaanan ng jeep nang pauwi na ako. Nagsisigawan ang mga tao. Napapakapit sa kanilang mga bibig habang nakatingala, nanunudyo ang iba, ang iba ay naiinis at ang iba ay nagtataka kung bakit may isang babaeng nakatungtong sa mataas na gusaling ito. Lumabas ako ng jeep, at doon nakita ko ang tatlong naglalakihang ilaw na nakatutok sa babaeng iyon.Tiningnan ko siya nang maigi. Mukhang hindi ako nagkakamali sa kalkulasyon ko sa pagkakataong iyon.

Sa taas ng gusaling ito na 300 feet o kulang-kulang tatlumpu't limang palapag ay nakita ko siya sa itaas. Umiiyak, nangangatal at halos malunod na sa pag-iyak.

"Janina...Janina!" bulyaw ko.

Sinubukan kong lumapit sa yellow line ng mga pulis pero hindi nila ako pinapasok.

"Janina!" sigaw kong muli.

"Sir, bawal pong pumasok..." sabi ng isang pulis.

"Kilala ko 'yong tatalon!" sabi ko. Saka na lamang ako pinapasok ng pulis na iyon sa loob ng yellow line.

"Janina, 'wag kang tatalon!"

Sigurado namang hindi niya ako maririnig kahit sumigaw pa ako. Nakita ko na nasa tenga niya ang phone niya. Naisip ko bigla ang hindi kilalang numero na panay ang tawag sa akin. Kinuha ko iyon. Tumatawag nga talaga siya sa akin pero saka lamang niya ibinaba nang maisip niyang hindi ko naman ulit iyon sasagutin.

"J-Janina..."

Itinaas niya ang kanyang mga kamay. Dinama ang malamig na hangin sa kanyang mukha, at kasabay nito ang pagsigaw ng mga tao at ng mga pulis. Nagpatihulog siya, tila tumigil ang lahat at nang muling maibalik ang oras ay nandoon na siya...nakahiga sa semento. Hindi ako nagkamali. Tumalbog ng limang pulgada ang katawan niya sa semento bago ito tuluyang humiga. Nilapitan ko siya nang dahan-dahan. Hindi ako makapaniwala. Nanginginig ang buo kong kalamnan habang tinititigan ko ang kanyang wala nang malay na katawan. Lumuhod ako at iniharap ko ang kanyang mukha sa akin. Bukas pa ang kanyang mga mata.

Mahigit limampung segundo mo akong makikita ngayon, Janina. Kahit wala na ang katawan mo, alam kong nakikita mo ako. Buhay pa ang utak mo sa loob ng limampung segundo, limampung segundo ng paghingi ng tawad.

Niyakap ko ang ulo niya at hinayaan kong tumulo ang mga luhang iyon sa aking pisngi. Limampung segundo. Hinayaan kong tingnan niya ang mga mata ko.

"Sorry...sorry..." paulit-ulit kong sabi sa kanya. Halos yakapin ko na ang kanyang duguang katawan. Hinalikan ko ang kanyang ulo at sa huling pagkakataon nang matapos ang limampung segundong iyon ay isinara ko ang kanyang mga mata.

Saka lamang pumaligid ang mga tao sa amin. Saka lamang sila naawa, naiyak, at naging seryoso sa bagay na inakala nila'y katawa-tawa.

________________________________

Hindi na ako humingi ng tulong, dahil hindi rin naman makakatulong ang mahigit sa pitong ambulansyang nakapaligid. Sino ba ang mabubuhay sa ganitong kataas na gusali? Wala. Lalo na kung ang tatalon dito ay matagal nang namatay. Matagal nang namatay ang pag-asa at ang puso niya.

Ngayon alam ko na. Alam ko na ang mga nangyari. Ni walang nag-abiso sa akin kung ano ang nangyayari ng mga oras na iyon. Kung mayroon man, siguro talagang wala akong pakialam. Hindi ako nakialam o sadyang manhid lang ako. Ako ang problema. Namatay ang mahal ko sa gusaling ito. Namatay nang hindi ko man lang nakakausap.

Ang mga tao sa paligid ay nagsimulang mawala. Alaala ko lamang sila sa pagkakataong nangyari ang bagay na iyon. Imahinasyon ko ang mga helicopter na lumilipad sa paligid. Imahinasyon ko ang mga taong pumipigil sa akin. Nandito ako sa gusaling ito ngayon upang sariwain ang lahat. Kung hindi lang sana ako nahuli ng ilang minuto bago siya tumalon noon. Kung alam ko lang na siya ang tumatawag, kung alam ko lang na gusto niyang hanapin ko siya. Sana nagawa ko. Pero wala. Ang ginawa ko lang ngayon ay magsindi ng isa pang stick ng sigarilyo habang nakaupo sa harang na ito. Ito na ang huli kong sigarilyo. Siguro kung nakikita niya ito ngayon ay itatapon niya ito. Hindi ako nagkamali. Sa lakas ng hangin ay nabitiwan ko ang sigarilyong sisindihan ko sana. Pinipigilan niya pa rin ako. Pero sana 'wag na lang niya akong pigilan. Dahil sa nangyari ay gusto ko na ring sumunod. Pero hindi ko magagawa ang bagay na ginawa niya kaya ito lang ang paraan. Ang magsindi ng sigarilyo.

"Sir...baka mahulog po kayo riyan. May namatay na riyan." Isang gwardiya ng gusaling iyon ang nagsabi sa akin. Humarap ako sa kanya at kumaway.

"Ayos lang ako Manong, hindi ako tatalon dito," sabi ko. "May iniisip lang ako..."

"Araw-araw po yata kayo dito, Sir ah? Ginawa niyo nang tambayan. Haha." pagbibiro ng guard. Tumayo ako at bumaba sa harang na iyon.

"Ah...oo nga. Pasensiya na. May inaalala lang kasi akong tao kaya ako laging nandito."

"Eh sino po ba 'yong tinutukoy niyo, Sir?" tanong ng guard. Ngumiti lang ako at muling tumingin sa harang. Yumuko ako pagkatapos at naglakad na palayo. Alam kong nakuha ni Manong Guard ang ibig kong sabihin. Tumingin siya sa harang na iyon at muling tumingin sa akin. Kumaway na lang ako pabalik at umalis na sa rooftop.

Isa lang ang malinaw. Hangga't may sigarilyo akong hihithitin ay pupunta pa rin ako sa lugar na ito. Magpapakamatay, pero hindi gaya ng ginawa niya noon. Paulit-ulit akong hihingi ng tawad kahit alam kong ilang libong sorry na ang sinabi ko. Patawad. 

The Jumper (Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon