Booyah 2

3 0 0
                                    

"SAAN ang punta natin, boss?” tanong sa kanya ni Prince nang makasakay siya sa kotse nito. Sa ilang taong pagiging mag-bestfriend nila, “boss” ang naging endearment nito sa kanya.

            “Basta doon sa maraming guwapo,” sagot naman niya.

            “Nasa harapan mo na ang guwapo.”

            “Ayoko sa 'yo! Makapal mukha mo,”

            “Alangan namang manipis, di nabutas agad?” pilosopo namang sabi nito.

            Umiling-iling na lamang siya. “Basta dalhin mo ako doon sa marami akong makukuhanang inspirasyon.”

            “Sumama ka na lang kaya sa photoshoot ko tomorrow? Panigurado, maraming guwapo doon bukas.”

            “Marami nga. Guwapong manyak na katulad mo.”

            Pinalo nito ang braso niya habang nagda-drive. “Hoy grabe ka namang makapagsalita! Flirt lang ako pero hindi ako manyak 'no!”

            Iningusan na lamang niya ito. “Ganoon din 'yon!”

            “Ewan ko sa 'yo. Tara na lang sa isawan at nagugutom ako,”

            “Ano?! Bakit naman doon pa tayo pupunta? Paano ako makakakita doon ng kasing guwapo ni Guji Lorenzana? Paano ako makakakuha ng inspirasyon doon?!”

            “Maraming guwapo doon, 'no. Madungis nga lang saka hindi nabibigyan ng tamang bihis.”

            “Pero kahit na! Sa mall tayo magpunta!”

            “Ayaw ko, tinatamad ako. Saka 'wag kang mag-alala, treat ko,” he said and winked.

            She rolled her eyes. Treat nga, sa mumurahing kainan lang naman. “Grabe talaga ang kakuriputan mo! Sa carinderia mo na lang kaya ako dalhin kung nagtitipid ka? At least doon, may TV kahit papaano.”

            “Ayaw ko doon. Mas malaki kaya ang gastos. Sa isawan, sa beinte-otso pesos, may pitong isaw at kanin ka na. Sa carinderia, ang thirty-five pesos mo, kakapirangot na ulam lang.”

            “Naku, nagdahilan ka pa! Aminin mo nga, model ka ba talaga? Eh mas galante pa yata sa 'yo ang janitor, eh.”

            “Nagtitipid kasi ako, eh.”

            Umarko ang kilay niya. “At bakit ka naman nagtitipid?”

            Sumeryoso ang anyo nito. “Magpapakasal na ako, Gabbe. Nakabuntis ako.”

            Napasinghap siya nang malakas sa narinig. Napabaling siya dito. Seryoso ang anyo ni Prince. Hindi kaya totoo ang sinabi nito?

            Sa naisip ay biglang-bigla ang pagpasok ng kakaibang damdamin sa puso niya. Tila pinipiraso ang puso niya dahil sa narinig. At nalulungkot din siya dahil doon. “Oh my God!”

            Bumuntong-hininga ito. Saka tatawa-tawang bumaling sa kanya. “Pero siyempre, joke lang 'yon!”

            Tila nakahinga naman siya nang maluwag sa sinabi nito. “Diyos ko, Prince! For a second there, tinakot mo ako, ha!”

            “At bakit ka naman natakot, ha?”

            “Ayaw kong maging ninang 'no! Magastos iyon!” dahilan na lamang niya.

HAPPINESSWhere stories live. Discover now