Booyah 1

9 0 0
                                    

POSING in front of the mirror. That was Gabbe’s doing right now. Pakiramdam niya kasi, kahit papaano ay matutupad ang pangarap niyang maging isang modelo kung sakaling magpapa-cute siya nang magpapa-cute sa harap ng salamin. Pero alam niyang hanggang isa sa mga pangarap na lang niya ang pagiging modelo. Kahit kasi unimom pa siya ng sandamakmak na cherifer—pambata man o pangmatanda, wala na rin siyang pag-asang tumangkad.

            Alam niyang kahit anong gawin niya, hindi na siya tatangkad katulad ng sikat at iba’t ibang sikat na modelo sa mundo. Twenty five years old na kasi siya at nanatili pa rin ang height niya sa 5 feet. At sabi nga sa mundo ng science, wala ng pag-asa pang tumangkad ang mga nasa ganoong edad. Kaya naman kahit masakit, tatanggapin na lang niya iyon. Wala na rin naman kasi siyang magagawa kahit magulong-gulong pa siya sa harap ng altar ng Diyos dahil wala na siyang pag-asang dumagdag pa ang numero ng height niya.

            Kinuha na lamang niya ang digital camera niya na nabili niya noong isang buwan at nag-picture sa sarili habang nasa harap ng salamin. Vain na kung vain ngunit nakasanayan niya ng gawin ang bagay na iyon. Mahilig siyang mag-pose at mag-picture sa harap ng salamin. Halos lahat yata ng solo album niya sa facebook account niya ay nasa ganoong katayuan.

            Sa edad niya, alam niyang may pagka-weird na ang ganoon. Pero alam niyang hindi naman bagay sa kanya ang edad niya. Mukha kasi siyang disiotso anyos lamang dahil sa height niya. Baby face din siya at binigyan nang maamong mukha. Maikli lamang din ang buhok niya na palagi niyang iniipit sa magkabilang tainga.

            Ang built din ng katawan niya ay pangbata. Kung tulog siya nang nagbiyaya ang Diyos ng katangkaran, nakapayong naman siya nang magpa-ulan ito nang laki ng dibdib at likuran. Hindi ganoon kalaki ang boobs niya at pati na rin ang puwet niya. May pagkapatpatin din siya ngunit marami naman ang nagsasabing kahit ganoon, may korte naman ang katawan niya kahit papaano.

            Nang ma-satisfied siya sa kakakuha ng larawan sa sarili ay umupo siya muli sa harap ng kanyang computer. Bored na bored siya kaya naman naisipan na lamang niyang mag-picture sa sarili kanina. Wala rin siyang malikha sa isip kaya naman nais niya sanang mag-unwind.

            Tumingin siya sa monitor ng computer ngunit kahit anong gawin niya ay wala pa rin na ideyang pumapasok sa isip niya. Gusto na niyang mapamura. Mag-iisang buwan na siyang walang tipa! Mag-iisang buwan na siyang walang nagagawang trabaho!

            And yes, inis na inis na siya sa sarili niya. Sa tatlong taong pagiging isang romance novel writer, ito na ang pinakamatagal na panahon na nagkaroon siya ng sakit ng mga writers—ang writer’s block. Kung nagkakaroon man siya noon, tumatagal lamang iyon ng dalawang araw o hindi kaya ay nasa isang linggo. Pero ngayon, ay mag-iisang buwan na!

            Bakit ba kasi wala siyang inspirasyon ngayon? Wala tuloy siyang ideya sa isusulat niya. Mahigit isang oras ng bukas ang MS word niya ngunit wala pa rin siyang naita-type kahit isa man lang letra.

            Ilang minuto na ang lumipas ngunit wala pa rin ni isang ideya ang pumasok sa isip niya. Nang mapagtanto niyang wala na talaga siyang pag-asang makapagsulat ngayon, umayaw na siya. Pinatay na niya ang computer dahil magsasayang lamang siya ng kuryente sa pakikipagtitigan niya sa monitor ng computer niya.

            Humiga siya sa kama at hinawakan ang ulo. Pakiramdam niya ay mababaliw na siya. Ilang araw na siyang ganoon. Ayaw gumana ng utak niya. Kailangan niya ng inspirasyon para magkaroon ng ideya.

            Kinuha niya ang cellphone at tinangkang i-dial ang numero ng boyfriend niyang si Kris. Nais niyang makausap ito at baka makatulong ito sa problema niya. Ngunit sa huli ay nagbago rin ang isip niya. Baka kasi kasalukuyan ay nasa isa itong board meeting at maistorbo pa niya ito.

HAPPINESSWhere stories live. Discover now