Kabanata 9

217 6 0
                                    

NANG makarating si Raquel sa city limits ng Baguio City, dumilim ang langit.

     Tila uulan, naisip niya. Kailangan siyang magmadali dahil ayaw niyang abutin ng malakas na ulan sa zigzag roads ng Mountain Province. Hindi niya kabisado ang daan, umaasa lang siya sa waze map.

     Nakalampas na siya sa zigzag pero pababa at pataas pa rin ang makipot na mga daan. Nagsimula nang bumuhos ang malakas na ulan at malalaki ang mga patak nito sa windshield ng kotse.

     Mula sa loob ng sasakyan ay narinig ni Raquel ang kulog at nakikita niya rin ang paminsan-minsang pagguhit ng kidlat sa kalangitan.

     Natensyon siya. Ninais niyang sana ay naroon siya sa ospital kasama ang kapatid. Binabantayan ito habang gumuguhit sa kanyang sketch pad.

     O kaya ay nagbabasa ng isang horror story na akda ni Miss Contessa. Hindi talaga siya mahilig magbasa ng love story, wala naman siyang love life. Biglang gumuhit sa kanyang isipan si Zeus. Damn him! Ito ang may kasalanan kaya naroon siya ngayon sa gitna ng daan at sinusuong ang malakas na ulan.

     Pagkalipas ng limang oras na pagmamaneho ay may nakita siyang isang maliit na tindahan sa gilid ng daan na yari sa kawayan at anahaw ang bubong nito. Ipinarada niya ang kotse at bumaba.

     “Ale, malayo pa po ba rito ang San Ruiz?” tanong niya sa isang matandang babae base na rin sa maputi nitong buhok. Halatang probinsyana ito.

     “Nasa San Ruiz ka na. Saan ba ang punta mo rito?”

     “Hinahanap ko po iyong ancestral house ng mga Morri. Nasa malapit daw ito ng bundok.”

     Tinawag ng babae ang isang dalagita na nasa loob din ng tindahan at nag-usap ang mga ito sa isang diyalekto na hindi maintindihan ni Raquel. Naisip ng dalaga na baka kapitbahay ang mga ito ng pamilya Morri.

     Ang dalagita ang nakipag-usap sa kanya. “Tawirin ninyo ang daang ito at lumiko kayo pakaliwa sa pangalawang kanto. Sa bandang dulo ay makikita ninyo ang isang malaki pero medyo lumang asyenda na. Nag-iisang bahay lamang ‘yon kaya madali ninyong makikita.”

     “Salamat.” Nagbalik na siya sa loob ng kotse at pinaandar ito.

     Lumiko siya sa kaliwa sa pangalawang kanto at nang nangangalahati na siya sa dirt road, natanaw niya ang isang malaking bahay. Isa iyong Victorian Mansion designed in an Italianate style. Nang iparada niya ang kotse sa tapat ng gate, may naamoy siyang napakabangong halimuyak.

     The scent of roses. Parang libo-libong bulaklak ng roses ang nasa malapit sa kanya. Huminga nang malalim si Raquel at sinamyo ang mabangong simoy ng hangin.

     Nakita niyang bukas ang gate kaya ipinasok na niya ang kotse at pumarada siya sa driveway. Medyo humina ang ulan kaya hindi na siya nagpayong. Tinakbo na lamang niya ang kinaroroonan ng hagdanan ng bahay at umakyat siya sa hagdan na gawa sa mga malalapad na bato.

     Kumatok siya sa pintuan.

     Bumukas ang pintuan sa pangatlong pagkatok niya at isang matandang babae ang nagbukas ng pinto.

     “Ikaw ho ba si Ma’am Raquel?” nakangiting tanong nito sa kanya.

     “Raquel na lang ho,” aniya.

     “Halika, pumasok ka, ineng. Mukhang natiyempuhan mo ang masamang panahon sa pagparito.”

     “Umulan nga ho kanina nang malakas at inabutan ako sa daan,” kwento niya. “Ano po pala ang pangalan niyo?”

     “Tawagin mo na lang akong Aling Tonyang.”

     Dinala siya nito sa living room. Inalok siya ng kape.

     “Maraming salamat, Aling Tonyang. Nanlalamig na kasi ang sikmura ko.”

     “Sandali lamang.” Iniwan siya sa sala ng matanda.

     Iginala ni Raquel ang mga mata sa loob ng living room. Pwedeng gawing basketball court ang sala sa lawak. At mula sa chandelier, ceramics, paintings, muwebles at marmol na sahig ay imported!

     Kanina nang iparada niya ang sasakyan ay may nakita siyang dalawang kotseng Mercedes Benz. Kahit old model pero kumikintab pa rin at nasa kondisyon. Mukhang alaga ng mekaniko ng asyenda.

INILAPAG ni Aling Tonyang ang tray ng may dalawang tasang umuusok na kape at isang pinggang puno ng assorted local biscuits.

     Naupo ito sa harap ni Raquel.

     “Sasabayan na kitang magkape, ineng. Medyo napakaginaw ngayon ng panahon dito sa San Ruiz.”

     Ngumiti ang dalaga. “Ang sabi sa ‘kin ni Arthur, ancestral house ito ng mga Morri. Hindi ko inaasahan na isa pala itong asyenda. Kayo po ba ang caretaker nito?”

     “Kami ng aking asawang si Lando.”

     “Nasaan po siya?” Hindi niya kasi nakita ang asawa nito mula nang dumating siya.

     “Nasa bayan kasama ang aming anak. Hindi rin ako magtatagal dito. Hinintay lamang kitang dumating. Nakapagluto na ako ng hapunan natin.”

     “Hindi po kayo nakatira rito?” Bigla siyang kinabahan. Hindi siya sanay mag-isa sa isang bahay, sabihin pang isang asyenda ang kinaroroonan niya ngayon.

     “May sarili kaming bahay.” Nginitian siya nito. “Huwag kang mag-alala, ligtas ka rito. Wala pang nangyayaring karahasan sa lugar na ito.”

     Hindi siya umimik pero tumango naman.

     Pagkatapos uminom ng kape ay dinala siya ni Aling Tonyang sa ikalawang palapag kung nasaan ang sinasabi nitong dalawang kwarto.

     “Malaki ang silid na ito. May sariling toilet at paliguan. Dating guest room ito.At mula sa bintana ay natatanaw ang mga bundok at bukirin sa likuran.”

     “Maraming salamat po, Aling Tonyang.” Kinuha niya sa kamay ng kausap ang bungkos ng susi.

     Maaliwalas ang kuwarto at maluwang ang mga bintana nito. At tama si Aling Tonyang. Mula doon ay tanaw niya ang bukirin patungo sa mga bundok. At sa bukiring iyon ay maraming mga nakatanim na flowering plants. Malaya niyang pinagmamasdan ang mga ito dahil nakabukas ang ilaw na nakakabit sa isang malaking puno.

     Dahlias, calla lily, roses and baby’s breath. Kaya pala napakabango ang simoy ng hanging nanggagaling doon. Carrying the scent of the flowers.

     “Aling Tonyang, sino ang nagtanim ng mga ito?” tukoy niya sa mga bulaklak.

     “Pinsan nina Señorito Zeus at Arthur. Isa siyang agriculturist. Nabili niya ang flower and vegetable plantation na iyan. May sarili rin siyang bahay kaya minsan lang din tumambay sa asyenda.”

     “Gano’n ho ba?” sambit niya. Naalala niya si Arthur. Nais din nitong gawing farm ang lupang ipinamana rito ng ina. Mahilig pala sila sa mga bulaklak!

     Puwera kay Zeus Del Prado!

     Magiliw si Aling Tonyang. Kapag may itinatanong siya ay sinasagot naman nito. Naging magaan ang pakiramdam niya rito. Nagpaalam siya sa matanda na maliligo muna bago kumain ng hapunan.

"Mababasa ang completed story sa Dreame at Goodnovel" salamat po.

You're The One I Love Where stories live. Discover now