Kabanata 8

224 6 0
                                    

MULA sa pagdalaw kay Mark sa ospital ay tumuloy si Raquel sa Baguio. Pagpasok niya sa villa ay nagulat siya nang makita ang dalawang kasambahay na pababa ng hagdan at bitbit ang mga maleta niya.

     “Akin ang mga ‘yan,” tukoy niya sa mga maleta. “Saan n’yo dadalhin ang mga ‘yan?”

     “Ma’am, sabi po ni senyorito, 'pag nakabalik ka ng villa puntahan mo raw siya sa library,” sa halip ‘yon ang sinagot sa kanya ng isang kasambahay.

     Napakurap siya. Nasundan niya pa ng tingin ang dalawang kasambahay na ngayon ay patungo sa maluwag na sala. Isang buntong hininga ang kumawala sa lalamunan niya. Mahigpit ang hawak niya sa handrail ng hagdan bago nagsimulang humakbang.

     Nang marating ang library, kumatok muna siya bago pinihit ang seradura. Nakita niyang kausap ni Arthur si Dianna.

     “She’s here,” si Dianna.

     “Mabuti at dumating ka na,” ani Arthur na puno ng pag-aalala ang mukha. “Ipinahanda ko ang mga gamit mo. Kailangan mong umuwi sa San Ruiz ngayon din.”

     “San Ruiz?” ulit niya. Ngayon niya lang narinig ang lugar na sinambit ni Arthur. “Teka, ano ba ang nangyayari?”

     Masuyo siya nitong hinawakan sa magkabilang balikat. “Tumawag kanina si Kuya Zeus. Pauwi na siya ng Pilipinas. Kailangan daw naming pag-usapan ang tungkol sa ating pagpapakasal.”

     “Bakit kailangan kong umuwi sa San Ruiz? Ayaw mo bang makilala ako ng kuya mo?” tanong niya na may pagtataka. “Isa pa, hindi pamilyar sa ‘kin ang binanggit mong lugar.”

     “Ang San Ruiz ay matatagpuan sa Mountain Province. May ancestral house kami sa probinsyang ‘yon,” paglalahad nito. Tumalikod ito upang kumuha ng alak sa wine cellar na naroon sa loob ng library. Nagsalin ito ng alak sa wine glass na binigay rito ni Dianna. “Raquel, hindi mo kilala si Kuya Zeus. Gagawin niya ang lahat para hindi matuloy ang kasal natin. Guguluhin niya tayo. Doon ka muna sa San Ruiz para hindi ka niya masundan. Ayaw niya sa probinsya dahil malayo raw sa sibilisasyon. Hindi ka niya masusundan doon.”

     Isang dominanteng lalaki si Zeus Del Prado. Hindi marahil nito matanggap na nagkaroon ito ng katapat sa katauhan niya. Matutuloy ang kasal kahit anong pigil pa ang gawin nito. Maliban na lang kung si Arthur mismo ang magdesisyon na hindi na siya pakakasalan.

     “Paano ang paghahanda sa kasal natin kung aalis ako?”

     “Kami na ang bahala ni Dianna,” anito at tinanguan ang assistant. “Ilang linggo ka lang naman doon hangga’t naririto sa Pilipinas ang kapatid ko. Hindi naman niya ugaling magtagal dito. May mga tauhan kami sa San Ruiz, inaasahan nila ang pagdating mo.”

     Namaywang siya. “Arthur, hindi ako natatakot sa kapatid mo. Kaya ko siyang harapin nang mag-isa. Hindi mo ako kailangan itago.”

     Gusto niyang makaharap si Zeus. Hindi siya duwag na magtatago at tatakbo sa pinanggalingan. Kung magiging bayaw niya ito, kailangan ngang masanay na siya sa ugali nito. Ipakikita niya sa lalaki na hindi siya basta-basta nagpapatalo. Matapos nitong insultuhin ang pagkatao niya, marapat lang na magkaharap sila.

     Tumango si Arthur bago sumimsim ng alak. “Alam ko na hindi ka natatakot kay kuya. Pero ayokong bigyan siya ng pagkakataon na sirain ang plano ko. Importante ang kasal na ito sa atin, ‘di ba?” anito sa himig na humihingi ng pang-unawa.

     Nakaramdam naman siya ng habag kay Arthur. Minsan tuloy hindi niya maiwasan itanong sa sarili kung ano ba talagang klaseng tao si Zeus, bakit gano’n na lang ang takot dito ni Arthur.

     “Babalik na lang siguro ako sa dati naming apartment sa Cavite–” Hindi niya natapos ang sasabihin nang biglang magsalita ang lalaki.

     “Hindi pwede,” agap nito. “Madali kang makikita ni Kuya Zeus. Alam kong nag-aalala ka sa kapatid mo. Hindi mo na kailangan pang isipin si Mark dahil hindi ko siya pababayaan. Kami na ang bahalang mag-alaga sa kanya. Ako na rin ang bahalang magsabi sa kanya kung bakit hindi mo siya madadalaw sa ospital ng ilang araw.”

     Napatitig siya sa mga mata nito. “Sige, uuwi ako sa San Ruiz. Basta ingatan mo ang kapatid ko, ha, Arthur?”

     “Pangako,” nakangiting turan nito.

     Hinalikan siya nito sa noo. Hindi na niya ikinagulat ‘yon. Hindi naman nakaligtas sa paningin niya ang pag-iwas ng tingin ni Dianna.

     Nakadama ng panghihinayang si Raquel dahil hindi niya makakaharap si Zeus. Gusto niyang malaman kung hanggang saan ang kayabangan nito. Subalit maaari pa silang magkaharap sa ibang araw o baka nga sa mismong araw pa ng kasal nila ng kapatid nito.

     Pagkatapos nilang mag-usap ni Arthur ay tinungo naman niya ang guest room na tinutuluyan niya. Kinuha niya ang kanyang sketch pad. Isa kasi sa mga pampalipas oras niya ay ang pag-do-drawing. Iisa lang naman ang nilalaman ng sketch pad niya. Ang dream house nilang magkapatid.

     Alas-dos pa lang ng hapon ayon sa wall clock. Mula Baguio ay lima hanggang anim na oras ang biyahe patungo sa San Ruiz. Gagamitin niya ang kotseng niregalo sa kanya ni Arthur na tinanggihan niya. Pumasa naman siya sa driving lesson at kasama niya noon ang lalaki nang kumuha siya ng driver’s licence.

     Hinatid siya ni Arthur hanggang labas ng gate. Inalalayan siya nitong makapasok sa sasakyan.

     “Mag-iingat ka,” paalala sa kanya nito. Sumilip ito sa nakabukas na bintana ng kotse.

     “Salamat.”

     Dumukwang ito upang halikan siya. Napalunok siya nang mapansing nakatitig ito sa mga labi niya.

     No! protesta ng isang bahagi ng utak niya. Kapag hinalikan siya sa labi ni Arthur, ‘yon ang magiging first kiss niya. At baka iyon pa ang maging dahilan upang mailang siya rito.

     “I can’t…” bulong nito. Dumampi ang labi nito sa noo niya. “Go.”

     Nakahinga siya nang maluwang. Ibinaba niya ang bintana ng kotse at binuhay ang makina nito. Nakita niya sa side mirror na kumaway pa sa kanya si Arthur.

     Nag-grocery muna siya. Bumili ng ilang kailangan niya. Iyon kasi ang unang beses na makakarating siya sa San Ruiz. Hindi niya alam kung may malapit na pamilihan sa lugar.

You're The One I Love Where stories live. Discover now