Kabanata 7

218 7 0
                                    

DAHIL walang investor para simulan ang farm ay isa na lang ang naisip na solusyon ni Arthur. Ayon sa testamento na iniwan ng ina nito ay nag-iwan ito ng malaking halaga para sa magkapatid na makukuha lang oras na mag-asawa ang mga ito.

     Marriage for convenience lang ang kasunduan nila. Walang sekswal na magaganap sa pagitan nila dahil wala silang pisikal na relasyon. Matutupad ni Arthur ang pangarap ng ina nito. Samantalang maliligtas naman ni Raquel ang buhay ng kapatid niya.

     Kinuha ni Arthur sa mga kamay ni Raquel ang cordless phone at sinenyasan ang dumaan na kasambahay na kunin iyon.

     “I wonder if I made the right decision,” sambit ni Raquel habang nakatingin sa kawalan. Humugot siya ng isang malalim na hininga. Pakiramdam niya naninikip ang kanyang dibdib pagkatapos makausap sa telepono ang kuya ni Arthur. “Natatakot ako na baka hindi ko magampanan ang role ko bilang iyong asawa.”

     Hindi kaila sa kanya na maraming babae ang gustong makipagpalit sa pwesto niya. Mga babaeng edukada at mataas ang estado sa buhay. Subalit pinili ng lalaking magpakasal sa isang estranghera–at siya ‘to. Dahil ayaw nito na maging panghabambuhay ang kasal.

     Sa kontratang pinirmahan niya. Pagkatapos ng isang taon at anim na buwan ay maaari na silang maghiwalay at mag kanya-kanyang buhay. Ito mismo ang mag-aasikaso ng kanilang magiging annulment papers. Kung may pagpipilian lang ito ay ayaw nitong ikasal sa ganoong sitwasyon. Subalit may kailangan itong patunayan sa kapatid.

     Hinawakan siya sa magkabilang balikat ni Arthur at pinaharap dito.

     “Raquel, napag-usapan na natin ang tungkol sa bagay na ‘yan. Wala kang dapat ikatakot dahil hindi mo naman kailangan gampanan ang role mo bilang asawa ko. Magtulungan tayo. Hindi man tayo maging totoong mag-asawa, magiging mabuting magkaibigan naman tayo.”

     Tiningala niya ito. “Maraming salamat sa tulong mo, Arthur.” matapat niyang sabi. “Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa aming magkapatid kung wala ka.”

     Ayaw niyang pabayaang lumala ang sakit ni Mark. Gusto niyang makita ang kapatid na unti-unting tinutupad ang mga pangarap na binuo nito.

     “Ako ang dapat magpasalamat sa iyo, Raquel.” Ngumiti ito sa kanya, lumabas ang malalim nitong biloy sa magkabilang pisngi. Inalalayan siya nito sa braso. “Pumasok na tayo sa loob dahil kanina ka pa hinihintay ni Levi. Kailangan mo nang mamili ng disenyo ng wedding gown.”

     Tumango siya na may pilit na ngiti sa mga labi. Kung titingnan, alam niyang mali ang ginagawa nila. Subalit nagkakaintindihan silang dalawa ni Arthur. Dahil pareho nilang kailangan ang isa’t isa sa magkaibang dahilan.

MATAPOS ang ilang test ni Mark ay inilipat ito ni Arthur sa isang sikat na ospital sa Manila para doon ipagpatuloy ang pagpapagamot. Kinuha ng lalaki ang serbisyo ni Aling Lolita na maging tagapag-alaga ni Mark kapag naroon sila sa Baguio para sa wedding rehearsal.

     “Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Raquel kay Mark habang inaayos ang unan sa ulo ng kapatid.

     “Mas mabuti na ang pakiramdam ko, Ate.”

     Umupo siya sa gilid ng kama at pumiraso ng ubas upang isubo sa kapatid. “Mabuti naman. Kailangang magpalakas ka para sa kasal ko.”

     “Ate, mahal mo ba si Kuya Arthur kaya ka magpapakasal sa kanya? Hindi ba dalawang buwan pa lang naman kayo magkakilala?”

     Sandali siyang hindi nakaimik.

     “B-bakit mo naman naitanong? Ayaw mo ba kay Arthur para sa akin?”

     Kinabahan siya dahil nakikita niyang hindi masaya ang kapatid na ikakasal na siya. Hindi niya kasi ito nakitaan ng excitement.

     Pinalalabas nila ni Arthur na love at first sight romance ang nangyari sa kanila. Na na-in love sila sa maikling panahon. Subalit hindi madaling magkaila sa kapatid niya dahil kilala siya nito. Madali para rito basahin ang kilos niya. At tila maalam din itong basahin ang saloobin niya.

     Malungkot na nagyuko ito ng ulo. “Mabait naman si Kuya Arthur. Ang totoo niya’y gusto ko siya para sa iyo. Pero baka ako lang ang dahilan kung bakit magpapakasal ka sa kanya. Siya ang tumutustos sa pagpapagamot ko. Hindi ko gustong magsakripisyo ka at pakasalan ang lalaking hindi mo naman mahal dahil sa ‘kin.”

     Pinisil niya ang tungki ng ilong nito at ngumiti. “Huwag kung anu-ano ang iniisip mo. Magpagaling ka dahil gusto pa kitang makasama nang matagal. Gusto kong tuparin ang pangarap mo. Hindi ba gusto mong maging doktor?”

     Nagniningning sa tuwa ang mga mata nito nang tumingin sa kanya. Mga mata na puno ng pag-asa at pangarap ang nababanaag niya. Hindi siya papayag na mawala ang ningning na ‘yon. Gagawin niya ang lahat para rito. Iyon ang pangako niya sa ama bago ito lagutan ng hininga.

     Niyakap siya nito nang mahigpit. “Maraming salamat sa pagmamahal, Ate. Hindi mo talaga ako pinabayaan. Magpapagaling ako para sa ‘yo.”

     Hindi niya na inilihim sa kapatid ang tungkol sa kanilang ina. Nasaktan ito sa nalaman pero mas nanaig ang kagustuhan nito na mabuhay para raw may kasama siya sa pagtanda.

     “Magpahinga ka na’t magpagaling.” Hinaplos niya ang pisngi nito at hinalikan sa noo.

     Nakatuon ang paningin niya sa pinto nang bumukas ‘yon. Si Aling Lolita ang pumasok at may dalang isang bilao na nababalot ng kulay pulang cellophane wrap.

     “May dala akong pancit para sa ating merienda!” masayang wika ni Aling Lolita. Lumapit ito sa hospital bed ni Mark. “Hijo, kumusta na ang pakiramdam mo?”

     “Maayos na ho, Aling Lolita. Maraming salamat sa pag-aalaga.”

     “Naku, walang ano man ‘yon. Ang mahalaga ay gumaling ka.”

     Tumayo si Raquel mula sa kinauupuang kama. Inusisa niya ang nilalaman ng bilao. “Amoy pa lang masarap na ang dala mong pancit, Aling Lolita.”

     “Siyempre, sinarapan ko talaga ang pagluluto niyan,” may pagmamalaki na wika ng matanda. “Eh, si Sir Arthur nga pala, kasama mo ba?”

     “Hindi ho,” tugon niya. “Nasa Baguio siya at may mahalagang inaasikaso.”

     “Ganoon ba? Ikumusta mo na lang ako sa iyong magiging asawa.” Nilapag ni Aling Lolita ang dala nito sa ibabaw ng mesang naroon. “Kumain na tayo habang mainit pa ang pancit. May dala akong paper plates, at tinidor.”

     “Lalabas ho muna ako,” paalam niya kay Aling Lolita. “Bibili lang ako ng maiinom natin sa canteen.”

     Lumabas ng silid na ‘yon si Raquel. Malapit lang naman ang canteen kaya agad siyang nakabalik sa silid ng kapatid. 




You're The One I Love Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon