II

1.8K 76 28
                                    

"Ako yung tinulungan niyo nina kuya Marco," pag-uulit ni Matias na mahigpit ang pagkakakapit sa'king braso. "Wala ka ba talagang naalala?"

Umiling na lamang ako. Kanina pa kasi kami paikot-ikot. Batid kong nababahala na si Kate at nagtataka na rin ang mga tao sa paligid namin.

"Hindi kita kilala," aking pag-uulit, bago marahang hinawi ang kamay ng aking kausap. "Baka napagkamalan mo lang kami na ibang tao."

"Aaminin ko, wala akong masyadong alam tungkol sa inyo. Ngunit, maniwala kayo, may mga tao na naghihintay sa'tin. Tayo lang ang makakatulong sa kanila."

Nakatingin nang direkta sa'king mga mata ang lalaki, nakikiusap. Gayunman, hindi na ako muling umimik. Hindi nagtagal, lumapit sa'min ang isang gwardya nung mapansin nitong ilang tao na rin ang nagmamasid at nakiki-usyoso sa'min.

Tinangkang mag-rason ng lalaki, ngunit patuloy ko siyang tinanggi. Sa huli'y pinigilan na rin siya ng guwardya na sundan kami ni Kate habang kami ay papaalis.

Mahigpit ang naging kapit ko sa kamay ng aking kabiyak habang sinisiguro kong hindi kami masusulyapan nung lalaki sa tapat ng simbahan. Hindi ko alam kung hanggang saan na niya kami natunton at kung paano nga ba niya kami nahanap. Maraming tanong sa'king isipan, aubalit isa lang ang layunin ko sa ngayon — ang manatiling ligtas ang aking mag-anak.

"Mahal, malayo na siguro 'to," ani Kate na palagay ko'y medyo nasaktan dahil sa'king pagkakakapit.

"Pasensya na, hindi ko rin alam ang gagawin kanina," aking paliwanag. "Baka kasi budul-budol yun. Paumanhin at may ganitong bagay kang kailangang pagdaanan."

"Hindi mo naman kasalanan," maamong tugon ng aking asawa.

Sa pagkakataong ito, siya naman ang humawak sa'king kamay habang kami ay naglalakad malapit sa palengke. Nagkalat ang mga tao, kaya kahit papaano'y kampante na akong hindi na kami masusundan ni Matias.

Hindi ko ito gustong gawin sa kanya. At lalong hindi ko inasahang mangyayari ito ngayon o kahit kailan pa man. Hindi pa ba sapat na iniwan ko ang lahat upang mapangalagaan si Kate at Abel? Hindi pa ba sapat ang pinagdaanan ng aking asawa?

Nung makauwi kami, mabilis kaming sinalubong ng aming anak. Hindi sanay ang batang ito na hindi kami kasama. Kaya hanggat maaari, hindi namin iniiwanan si Abel.

Maliban na lang talaga kapag magsisimba kami tuwing Linggo ng hapon. Mainipin kasi ang bata, kaya tinatantya muna namin ang timpla niya bawat Linggo para malaman kung maisasama ba namin siya sa misa o hindi.

Kapag wala kami, si inay ang nagbabantay sa'ming panganay. Binibisita rin niya kami tuwing Linggo para dalawin ang kanyang apo.

Kinagabihan, matapos kong ihatid si mama sa sakayan ng jeep, masusi kong ginalugad ang bungad ng aming subdivision para masigurong walang nakasunod sa'ming mag-asawa.

Kung tutuusin, para na kong praning sa'king kinikilos. Hindi rin naman kasi makakapasok sa loob nito si Matias kung sakali.

Yung mahigpit na seguridad ang primerang dahilan kaya ito ang pinili naming lugar. Kahit pa napakalayo nitong bayan ng Liwayway sa'ming mga kamag-anak at kaibigan.

"Tagal ah, nakatulog na tuloy yung anak natin," bungad ni Kate na nakaupo sa tapat ng gate namin. Naka-puson ang kanyang buhok at muli ay suot niya ang isa kong kamiseta. Naka-shorts din siya gaya ng kanyang nakasanayan kapag kami ay nasa bahay.

May dal'wang palapag ang aming tinutuluyan. Purong konkreto ito at medyo matagal din naming pinag-ipunan. Bukod sa kulay abo na gate, kumbinasyon ng krema at kayumanggi ang namamayaning kulay sa'ming tahanan.

San Isidro: AninoWhere stories live. Discover now