I

2.3K 91 19
                                    

Walang sino man ang nabubuhay... para sa sarili lamang. Walang sino man ang namamatay... para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa. Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.

Ito na ang ikalimang sunod na taong hindi ko sila nagawang bisitahin. Kahit gayong utang ko sa kanila ang panibagong buhay at pagkakataon na aking pinagyayaman ngayon.

Hindi ko alam kung saan ako pupunta
Sapagkat hindi ko kayang bumalik at hindi ko rin kayang kalimutan na lamang ang lahat. Minsan, pakiramdam ko'y nasa loob pa rin ako ng bayan ng San Isidro, sa isip ko'y nakakulong pa rin ako, tumatakbo. May pagkakataong para bang nabubuhay ako rito sa tunay mundo na tulad ng isang anino.

"Mahal, may dinaramdam ka ba? Kanina ka pa lutang at parang wala sa sarili. Gusto mo bang 'wag na nating tapusin ang misa?"

Hindi ko alam ang aking isasagot sa naging paanyaya ni Katrina. Dahil sa totoo lang, kahit saan naman ako magpunta, hindi ko matatakasan ang aking konsensya.

Hindi ko na maibabalik ang pitong taon na lumipas.

"Maaari bang sa labas muna ako?" aking pakiusap. "Doon na lamang kita hihintayin. Siguro'y kailangan ko lang magpahangin."

Kahit pa sinabi kong 'ayos' lang ako, nanatili ang pag-aalala sa mukha ng aking kabiyak. Sa katunaya'y ilang segundo muna niyang hinawakan ang aking kamay bago ako hinayaang lumiban.

Sa labas, minabuti kong lumayo muna. Naglakad-lakad ako hanggang sa 'di sadyang napadpad sa isang maliit na hardin. Ito ang unang pagkakataong nagawi ako sa pinaka-likurang bahagi ng simbahan.

Madalas kasi, hanggang doon lang sa bulwagan hinahayaang makarating ang mga parokyano, kung saan ginaganap ang mga binyagan at kasalang bayan. May feeding program din doon tuwing Sabado, kung tama ang aking pagkaka-alala.

Sa kaliwang bahagi ng bulwagan, sa tabi ng kapilyang nakalaan para sa mga tagapaglingkod ng simbahan, ay naroon ang isang maliit at makipot na lagusan patungo sa hardin.

Sagana ito sa iba't ibang uri ng mga bulaklak at halaman, habang sa pinaka-sentro, may rebulto ng Inang Birhen na nakatirik sa ibabaw ng isang lumang fountain.

Marumi ang tubig sa paligid ng imahe, parang abandonado nga kung tutuusin. Sa kabila nito, medyo nabighani pa rin akong pagmasdan ang mga nalantang dahon at bulaklak na lumulutang sa tubig sa paligid nito.

Sa isang sulok ay may puno ng makopa, na siguro'y isang dekada ko nang hindi nakikita kahit saan.

"Mayroon din kaming duhat, baka gusto mong mamitas. Malinis ang mga bunga nyan," nagulat ako nang lumingon ako't nadatnan ang isang madre papasok ng hardin.

Hindi ko siya nakitang paparating kanina, dahil kung sakali, nagtago sana ako. Kung susumahin kasi, bawal ang mga katulad ko sa lugar na ito.

"May ganyan po dati sa'ming bakuran," aking mahinahong tugon bago saglit na yumuko upang magbigay galang.

"Mayroon ka bang hinahanap?" pag-uusisa ng madre na nakangiti sa'kin at tila hindi naman ako balak pagalitan.

Maamo ang mukha nang nakatatandang gabay. Tantya ko'y ka-edad siya ng aking ina na ngayong taon ay makukuha na ang kanyang unang pensyon. Sa kabila ng personal na kalbaryong aking pinagdaraanan, isang malaking biyaya para sa'kin ang muling makapailing siya sa yugtong ito ng kanyang buhay.

Samatala, may kwintas na hawak ang madre, yung tipikal na may krus na naka-ankla. Itim ang kanyang suot na may kaunting tabas ng puti sa mga kwelyo at laylayan.

Hindi ako madalas magsimba, kaya aaminin kong 'di ko siya namumukhaan. Sa katunayan, ngayong nga lang ata ako nakipag-usap sa isang madre. Si Father Boyet at ang kanyang mga sakristan lang kasi ang nakasalamuha ko noong nag-aasikaso ako ng binyag ni Abel, ang panganay namin.

"Wala naman po," aking nahihiyang pag-amin. "Ginusto ko lang sigurong mapag-isa."

Ngumiti lang ang ginang na marahan naglakad paikot ng hardin bago tumigil sa'king harapan. Walang kahit na ano mang maaaring dantayan o gawing upuan dito sa'ming paligid, kaya heto't nakatayo lang kami sa likod ng Birhen.

Hindi ko maipaliwanag, ngunit ngayong magkaharap na kami ay bigla akong kinabahan. Siguro'y dahil masyadong tahimik dito sa hardin o baka dahil hindi pa rin talaga ako ganoong kakomportable sa piling ng kahit na sino mang estranghero.

"May bumabagabag sa'yo," panimula ng madre na nawari kong iniisip kung ano ang maaari niyang itawag sa'kin.

"Lucas," aking pakilala "Nasa loob pa po ng simbahan ang aking asawa. Siya po talaga yung madasalin sa'ming dal'wa."

Hindi ko alam kung mayroong katuturan ang aking naibahagi, hindi ko rin kasi mabasa ang nasa isip nitong madreng pulos ngiti lang ang isinusukli sa'kin.

"Maaari ko bang malaman kung ano yung bagay na iyo sanang nais ipagdasal?"

"Kung ano po sana ang makabubuti para sa'king pamilya," napayuko at napapikit na lamang ako. Ang totoo kasi, hindi ko alam kung ano nga bang pakay ko ngayong Linggo.

Madalas kong mahuli ang aking sarili na ganito. Na para bang ginagawa ko na lamang ang kung anong nakasanayan kahit pa wala na sa puso't isip ko ang tunay na kahulugan nito.

Hindi agad sumagot ang aking kausap. Sa halip, nawari kong marahan itong naglakad papunta sa'king likuran. Nung ako'y namulat at siya'y aking nilingon, magkatalikod na kami habang siya'y nakatingala sa puno ng nara na ang mga sanga'y tila sumasaklob sa kabuuan nitong hardin.

"Minsan, ang Panginoon na mismo ang gumagabay sa'tin patungo sa tamang landas, ngunit, tayo ang siyang lumilihis palayo sa kanyang proteksyon. May mga punto kasi na ang nauunawan at ginagawa lang natin ay kung ano ang 'tama' para sa'tin. At hindi kung ano ang makabubuti para sa ibang tao."

Hindi ko man lubos na nauunawaan ang kanyang payo, hindi ko napigilan ang aking sarili na makipagkwentuhan sa madre. Kahit pa kung tutuusin, halos nakikinig lang naman talaga ako sa kanyang mga pangaral.

Maya-maya pa, narining naming tumunog ang kampana ng simbahan. Tanda na tapos na ang pang-hapon na misa. Inihatid ako ng aking kausap pabalik sa bulwagan, kung saan ako nagpasalamat at nagpaalam.

Bilang pahabol, pabiro akong pinaalalahanan ng madre na 'wag umanong basta na lamang pumunta sa kung saan-saan dahil baka raw ako maligaw.

Hindi talaga siguro ako dapat nagtungo sa hardin. Mabuti na lang at mabait ang aking nakausap, kung iba kasi ang nakakita sa'kin, baka ibang uri ng sermon ang aking natikman.

Ilang minuto na ang lumipas mula nung matapos ang misa, kaya siguro'y naunahan na ako ng aking asawa doon sa entrada. Pinilit kong bilisan ang aking paglalakad kahit pa may kaunting deperensya ang aking kanang tuhod. Hindi ko ito gaanong malagyan ng pwersa, isa sa mga sugat na iniwan sa'kin ng San Isidro.

Nung matanaw ko si Kate, nagtaka ako dahil tila mayroon siyang kausap. Nakatalikod ang lalaki sa'king direskyon kaya hindi ko siya agad makilala. Basta, ang kasunod ko na lamang na napuna ay kinakawayan na ako ng aking mahal.

Mukhang kalmado naman ang aking asawa kaya inisip kong baka kakilala ko rin ang kanyang kausap. Nung malapit na ako, tinawag ni Kate ang aking pangalan na siya namang naging hudyat upang lumingon patungo sa'kin ang kanyang kasama.

Hindi ko siya agad namukhaan dahil sa kanyang magarang pananamit. Naka-itim na polo kasi siya at maong na pantalon, malayo sa anyo na aking naaalala nung huli kaming nagkita. Noong tinanggal niya ang kanyang salamin, doon ko natiyak ang pagkakakilanlan ng aking kaharap.

"Lucas?" ani ng lalaki na katulad ko'y labis ang pagkagulat. "Ikaw ba talaga yan? Ang tagal ko rin kayong hinanap. Ako 'to, si Matias."

San Isidro: AninoWhere stories live. Discover now