4 : The longest night

53.3K 3.2K 2.6K
                                    


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Natagpuan ko ang sarili kong tumatakbo sa masukal na gubat. Napakadilim at ang tanging liwanag lang ay nagmumula sa bilugang buwan at paminsan-minsang pitik ng kidlat. Humahangos ako at basang-basa na dahil sa napakalakas na ulan ngunit hindi ako humihinto sa pagtakbo lalo't may naririnig akong mga yapak mula sa aking likuran. Pakiramdam ko rin ay may mga matang nakamasid sa bawat galaw ko.

Maya't-maya akong napapatid sa kung ano-ano at halos dumudulas na rin ako sa lupang tuluyan nang naging maputik. Sa abot ng makakaya, pilit akong nagpapakatatag upang huwag madapa.

Nagiging matarik ang bawat hinahakbangan ko kaya napapakapit ako sa bawat puno at halaman na malapit sa akin. Halos gumapang na ako paakyat sa madulas na lupa.

Oras na huminto ako, mamamatay ako. Iyon ang laman ng isip ko dala nang sobrang takot.

Gusto kong humiyaw, umiyak, at humingi ng tulong ngunit masyado akong naparalisa nang labis na takot at desperasyong makalayo sa humahabol sa amin. Sa sobrang desperasyon, sarili ko lang ang inisip ko.  Nawala sa isipan ko ang mga kasamahan ko. Hindi ko na rin inisip ang dinadaanan ko, ang gusto ko lang ay makalayo mula sa hayop na iyon.

Hindi ko alam kung nasaan ako pero isa lang ang nasisiguro ko, malayo na ako mula sa base camp at hindi ko na rin alam ang daan pabalik. Nag-iisa ako at hindi ko na alam kung nasaan ang iba.

Mayroon akong naaapakang mga patay na dahon at sanga na gumagawa nang napakalutong na mga ingay. Gusto kong huminto ang mga ingay dahil alam kong mas lalo akong masusundan ng asong iyon dahil dito. Gusto kong pagaanin ang bawat pagsalampak ng paa ko sa lupa ngunit hindi ko magawa.

Muli kong narinig ang napakalakas na kulog na sinundan ng napakalakas na alulong. Sa puntong iyon, walang ibang laman ang isip ko kundi tumakbo. Tumakbo nang tumakbo.

Tuluyan akong napatili nang natisod ako sa isang malaking bagay. Sumubsob ako sa lupa; hilong-hilo at humahangos.

Dali-dali kong sinubukang bumangon ngunit bigla na lang kumidlat dahilan para sandaling lumiwanag ang paligid; dahilan para makita ko kung ano ang nakatisod sa akin... kung sino ang nakatisod sa akin.

"L-liam?" Halos hangin ang lumabas mula sa bibig ko nang mapagtanto kong si Liam ang nakahandusay sa tabi ko.

Parang tumigil sa pagtibok ang puso ko, at nang bumalik ay naging sobrang bilis. 

Naalala ko ang hayop na humahabol sa akin. Dali-dali kong nilibot ang paningin ko at wala akong ibang nakikita kundi anino ng mga puno at halaman na gumagalaw dahil sa sa lakas ng hangin. Wala rin akong ibang naririnig kundi ang napakalakas na buhos ng ulan at ang aking paghangos.  

"Liam!" Tinangka kong bumangon ngunit mabilis akong nadulas dahil sa putik na binagsakan ko. Gumapang na lamang ako patungo sa kanyang direksyon at kinapa-kapa ang kanyang mukha.

Hunyango (Published under Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon