CHAPTER THREE

5.2K 182 111
                                    

WALANG pagsidlan ang sayang nararamdaman ni Vincent dahil sa wakas, matapos ang mahabang panahon na pag-iidolo niya kay Sanya Ortega ay kasama na niya ito ngayon. Hindi lang basta kasama kundi kinakausap pa siya nito. Mukhang pinagtagpo talaga sila ng tadhana dahil eksaktong naghahanap ito ng computer repeir shop. Nag-post pa ito sa social media kaya naman agad siyang nag-mensahe dito na pumunta sa shop niya. Ang akala pa nga niya noong una ay hindi ito pupunta ngunit kahit ganoon ay umasa pa rin siya. Matiyaga siyang naghintay dito at dumating nga ito para ipaayos ang nasira nitong laptop.

Kung maganda si Sanya sa mga litrato at videos nito ay triple pala iyon sa personal. Akala mo ay isang anghel na hindi makabasag-pinggan ang hitsura ni Sanya. Kaya naman hindi maiwasan ni Vincent na titigan ito kapag may pagkakataon. Lalo na no'ng nag-e-edit ito ng vlog nito sa harapan niya ay talagang tinitigan niya ito nang husto. Hindi kasi nakakasawa ang ganda nito. Pasimple pa nga niya itong kinunan ng mga litrato gamit ang kaniyang cellphone pero nakahalata yata ito kaya biglang tumingin sa kaniya.

Ngunit ang kasiyahan ni Vincent ay napalitan ng lungkot nang sabihin ni Sanya na kailangan na nitong umuwi. Gusto pa sana niya itong makasama ng mas matagal pa. Gusto pa niya itong makausap at makakwentuhan tungkol sa buhay nito. Gusto pa niyang mas makilala si Sanya Ortega na sobrang hinahangaan niya. Ngayon lang kasi talaga siya humanga sa isang tao ng ganito at sa palagay niya ay hindi na lang iyon basta simpleng paghanga kundi parang mahal na niya si Sanya.

"Aalis ka na?" tanong niya sa babae nang magpaalam na ito. Nangilid pa talaga ang luha niya dahil sa labis na kalungkutan.

Hindi agad nakasagot si Sanya dahil parang nagulat ito sa naging reaksyon niya. "Ah, e... oo. Late na kasi. Hinahanap na ako sa amin. Uhm, sige. Salamat ulit, Vincent! Bye!" Isang pilit na ngiti ang huli nitong iniwan sa kaniya bago ito nagmamadaling naglakad papunta sa may pinto.

Pero hindi naman siya makakapayag na umalis ito ng ganoon na lang. Mabilis siyang humarang sa may pinto. Nagulat si Sanya at bahagya itong napaatras.

"Vincent!" bulalas nito. "Excuse me. Dadaan ako."

Isang nahihiyang ngiti ang sumilay sa labi ni Vincent. "P-pwede bang mamaya ka na lang umuwi? Punta ka sa kwarto ko. Ipapakita ko sa iyo mga pictures mo. Idol na idol kasi talaga kita, Sanya!" Iyon na lang ang naiisip niyang paraan para hindi muna ito umalis.

"Uhm, ano kasi... I really need to go. Maybe next time."

"Next time?"

"Yes. May ibang araw pa naman, e."

"Babalik ka ba dito, Sanya?"

"Hmm... I need to go. Bye, Vincent." Gumilid si Sanya para makadaan ito sa kaunting espasyo sa gilid niya.

Wala na siyang nagawa para pigilan ang pag-alis nito. Hindi man lang niya nakitaan ng saya si Sanya nang sabihin niyang idol niya ito. Parang wala lang dito ang paghangang inuukol niya dito. Nang mahimasmasan siya sa pagkakatulala ay lumabas siya ng shop at nakita niyang wala na si Sanya at ang bisikleta nito. Umalis na talaga ito at napakasama ng loob niya dahil doon.

Unti-unting sumama ang mukha niya hanggang sa tuluyan nang rumehistro ang galit doon. Malakas siyang sumigaw at malalaki ang hakbang na pumasok sa shop. Doon ay nagwala siya. Lahat ng mahawakan ng kamay niya ay ibinabato niya at ibinabalibag.

"Gusto ko pang makasama si Sanya! Gusto ko pa!!!" Akala mo ay isang bata na atungal ni Vincent.

Ang akala pa naman niya ay matutuwa si Sanya nang maayos niya ang laptop nito pero hindi. Umalis agad ito kahit pinigilan niya ito. Hindi ba siya nito gustong makasama? Pero panay ang ngiti nito sa kaniya kanina. Anong ibig sabihin ng mga ngiting iyon? Wala lang ba iyon para kay Sanya? Kung wala lang dito iyon, sa kaniya ay meron! Malaking bagay ang mga ngiting iyon nito sa kaniya dahil nagkaroon siya ng pag-asa na baka gusto rin siya nito.

He's WatchingWhere stories live. Discover now