CHAPTER TWO (Part 2)

4.1K 184 35
                                    

Napangiwi si Sanya dahil sa medyo nakakadiring hitsura ng mga ngipin ni Vincent. Masama mang isipin pero parang hindi talaga ito nagto-toothbrush. Titig na titig pa ito sa kaniya at hindi niya alam kung bakit.

“May dumi ba ako sa mukha?” untag niya sa pagkakatulala ni Vincent.

“Ang ganda mo…” Wala sa sariling sabi nito. Tumulo pa ang laway sa gilid ng bibig ni Vincent kaya mas lalo siyang napangiwi.

“T-thank you.” Nag-aalangang sagot ni Sanya. Itinuro niya iyong laptop niya. “Maaayos mo na ba 'yan ngayon? Saka sana hindi mawala iyong mga files ko diyan.” Inulit na lang niya ang sinabi niya kanina at baka nakalimutan na nito.

Kumurap-kurap ito na parang nagising mula sa isang mahabang panaginip. Pinunasan nito ang laway sa gilig ng bibig gamit ang likod ng kamay. “Oo. Oo naman. Ako ang bahala, Sanya. Maaayos ko ito ngayon at hindi mabubura mga files mo. Magtiwala ka lang sa akin,” anito.

May mga gamit itong inilabas at mga CD. Hinayaan lang niya si Vincent sa kung ano ang gagawin nito sa laptop niya. Sa tingin naman niya ay marunong talaga itong mag-ayos. Panay naman ang tingin ni Sanya sa kaniyang wristwatch dahil nababahala siya na baka hindi umabot ang pag-upload niya sa kaniyang vlog ngayong araw. Maya maya ay isinaksak na ni Vincent ang charger sa laptop at nagulat siya nang bigla na lang itong pumalakpak habang masayang tumatawa.

“What happened?” Nagtatakang tanong niya. Kung kanina ay medyo inaantok na siya, ngayon ay parang nawala na dahil sa gulat niya sa ginawa ni Vincent.

Tumayo si Vincent at hinawakan siya sa kamay. Medyo malagkit ang kamay nito pero hindi naman niya magawang pumiglas siya dahil sa palagay niya ay walang malisya iyon para kay Vincent.

“Halika, Sanya. Tingnan mo!” Hinila siya nito papunta sa harap ng laptop niya.

Nanlaki ang mata niya sa sobrang saya dahil nabuhay na ang laptop niya. “Wow! Ang galing mo naman! Thank you, Vincent! Thank you talaga!” Pasimple niyang binawi ang kamay niya kay Vincent dahil parang wala na itong balak na bitawan iyon.

Kinuha niya ang kaniyang wallet sa bag para magbayad. “Magkano pala?”

Umiling si Vincent. “Naku, huwag na. Libre na lang. Nakakahiya…” payuko-yuko pa ito na parang nahihiya sa kaniya.

“Ano ka ba? You do me a favor at shop ninyo ito kaya dapat lang na magbayad ako. Come on, tell me kung magkano,” giit niya.

Kakamot-kamot sa ulo na sumagot ang lalaki. “Kahit selfie na lang at autograph, Sanya.”
“Selfie at autograph pero magbabayad pa rin ako. Okay?”

“S-sige. Ang bait mo pala, Sanya. Kahit five hundred na lang.” Inilabas nito ang cellphone at nag-selfie silang dalawa. Medyo lumalayo nga lang siya dito dahil umaakbay ito sa kaniya nang walang pasabi.

Hindi naman sa nagmamaldita siya pero hindi lang siya kumportable sa paraan ng pag-akbay ni Vincent. Pinipisil siya nito sa balikat na para bang wala lang iyon sa kaniya. Matapos ang selfie nila ay kumuha naman ito ng papel at ballpen upang bigyan ito ng maikling message na may pirma niya. Kasama na doon ang bayad niyang limang daang piso.

Tuwang-tuwa si Vincent nang ibigay niya ang papel dito. Parang hindi ito makakatulog sa mga ngiti nito.

Biglang naalala ni Sanya ang oras. Napatingin tuloy siya sa kaniyang orasan. Malapit na palang mag-alas dose. “Naku, kailangan ko na palang mag-edit no’ng vlog ko. Uhm, Vincent, pwedeng favor? Okay lang ba na dito muna ako sa shop ninyo. Mag-e-edit lang ako ng vlog ko.” Naisip niya kasi na kung uuwi pa siya sa kanila para mag-edit ay mag-aaksaya siya ng oras.

Sunud-sunod itong tumango. “Sige lang! Walang problema! Mag-edit ka na dito!”

“Thank you talaga, Vincent!”

“May gusto ka bang inumin? Tubig, kape o juice?”

Umiling si Sanya. “'Wag ka nang mag-abala. Sige, mag-edit lang ako, ha…” aniya.

Umupo na siya sa harap ng laptop. Tiningnan niya ang mga files niya at hindi nga iyon na-delete. Humanga naman siya kay Vincent sa parteng iyon. Mukhang mahusay talaga itong mag-ayos ng mga laptop. Ang creepy nga lang nito ng kaunti.

Habang nag-e-edit siya ay nakaupo naman si Vincent sa harapan niya. Hindi niya ito tinatapunan ng tingin dahil abala siya sa kaniyang ginagawa. Nagmamadali na talaga siya. Hanggang sa makarinig siya ng mga tunog ng camera ng cellphone. Sinulyapan niya si Vincent at nahuli niya itong kinukuhaan siya nito ng picture. Bigla nitong itinago ang cellphone nang malaman nito na nakatingin siya dito.

Ngumiti na lang siya kay Vincent para hindi nito maramdaman na hindi siya kumportable sa ginagawa nito. Ayaw niya kasing maramdaman nito iyon lalo na at malaki ang naitulong nito sa kaniya ngayong gabi.

Dahil sa time pressure ay mabilis na natapos ni Sanya ang ginagawang pag-e-edit ng video. Agad niya iyong in-upload sa Youtube at akala mo’y tumama siya sa lotto nang naging matagumpay ang pag-u-upload niya!

“Yes! Umabot ako!” Masayang nag-inat si Sanya dahil medyo nanakit ang likod niya. Wala kasing sandalan ng likod ang upuan na naroon sa shop. Matapos iyon ay sinamsam na niya ang kaniyang mga gamit. “Thank you nga pala, Vincent! Hulog ka ng langit! Oo nga pala, uuwi na ako. Late na rin kasi, e.” Muling pagpapasalamat niya sa lalaki.

“Aalis ka na?” Nagtaka si Sanya dahil biglang nangilid ang luha ni Vincent.




TO BE CONTINUED…









(NOTE: Pasensiya na kung putol-putol ang first two chapters. Pero don't worry... Hindi na putol-putol ang mga susunod na chapters. Salamat.)

He's WatchingWhere stories live. Discover now