Chapter 12

4.7K 146 5
                                    

Napangiti si Shaine ang marinig ang tawanan mula sa tree house. Humanga siya sa ganda nang pagkakagawa noon, para itong totoong bahay na itinayo sa mga sanga ng puno. Ang dingding ay kahoy na hindi pininturahan. Mukhang reclaimed woods, pero maganda ang kalidad. Halatang pinagkagastusan.

Matapos ipakilala sa lahat ng bisita sa loob ng bahay bilang girlfriend ni Euan ay doon siya itinuro ni Tita Matty. Naroon daw si Euan kasama ang iba pang mga kaibigan.

Sa pinsan sana siya sasabay, pero nagkaproblema sa isang branch ng water refilling station kaya pinauna na siya nito papunta kina Euan. Susunod na lang daw ito roon. Inihatid siya ni Aileen doon. Tamang-tama naman dahil may bibilhin daw ito sa Nuvali.

May meeting ang binata kanina sa Makati kaya hindi siya nito nasundo sa bangko. Sinabi niyang imbes na sinduin pa siya nito sa kanila, mas mainam na sa bahay na lamang nila Euan sila magkita tutal ay papunta rin naman doon ang pinsan niya.

"Sinabi ko na dati pa. Hindi katulad ng iba si Shaine. Ayaw n'yo lang maniwala sa akin," narinig niyang sabi ni Vincent. Halata ang pagmamalaki sa boses. "Eh kung naniwala ka sa akin, Pete, dalawa sana tayong tiba-tiba ngayon. Magbabayad ka rin tuloy, pare," anito bago muling tumawa.

Dahil sa marinig ay napatigil si Shaine sa paghakbang, napakunot-noo siyang bigla.

"Oo na. Don't rub it in. Akalain ko bang namali ako nang napustahan."

Napasinghap si Shaine. Ang puso niya ay sobra ang lakas ng tibok.

"Aminin n'yo nang nasira ang diskarte ng bata n'yo kay Shaine. Sabi naman sa inyo eh, hindi uubra 'yang si Euan," dagdag ni Vincent.

"Si Euan kase. Hindi inayos, eh. Hindi ko akalaing sasablay pa. Kung kailan naging bihasa sa pambobola," narinig niyang sagot ng isa pang kaibigan ng binata.

"Talaga lang hindi umubra ang mga ligaw moves ni Euan kay Shaine," patuloy pa ring pambubuksa ni Vincent.

"Hindi ba dapat may extension yung deadline natin? Mahigit tatlong linggo ring wala si Euan dito, ah. Pa'no naman s'ya makakapanligaw nang maayos."

"Parang hindi n'yo kilala ang bata n'yo, kahit nasa Mars pa yan, hindi yan magiging hadlang para mapasagot ang babae. Ang dami n'yo pang dahilan. Ayaw n'yo lang talaga tanggapin na talo kayo," muling sagot ni Vincent. "Bayad na, wala nang maraming salita."

Pakiramdam niya ay bibigay ang mga tuhod niya. Ang gazebo ang pinalamalapit na pwede niyang kapitan. Lumapit siya sa gazebo at sumandal sa haligi noon. Tuluyan nang nanlambot ang kanyang mga tuhod.

"Sa lunes na ako pare, wala akong cash na dala rito."

Parang piniga ang puso ni Shaine. Bigla ang panlalabo ng kanyang mga mata dahil sa luha. Bigla niyang naalala ang babaeng lumapit sa kanya sa CR. At ngayon niya narealize ang ipinahihiwatig nito. Parehas sila na naging biktima ng magkakaibigan. Niligawan, pinasagot, para lang sa isang pustahan.

Jennifer Araneta. Jen? Ito rin kaya ang babaeng pinag-usapan ni Euan at ni Kuya Marson noon? Napapikit si Shaine. Bakit hindi niya kaagad naiugnay ang pangalan nito sa sinabi nang pinsan niya dati?

Tumayo siya nang tuwid. Kung inaakala ni Euan na papayag siyang mapaglaruan ay nagkakamali ito. Humakbang siya palapit sa tree house nang makarinig nang masayang tawanan mula sa loob ng bahay. Muli siyang napahinto, naalalang kaarawan ni Tita Matty. Napilitan siyang umatras at pumunta sa tagiliran ng bahay.

Pinahid niya ang mga luhang hindi niya namalayang naglandas sa mga pisngi. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan si Aileen para magpasundo. Bukod sa kaarawan ngayon ng ina ng binata, naisip din niyang hindi dapat makita ng binata kung gaano siya nito nasaktan.

My Sweet Surrender (COMPLETED) Where stories live. Discover now