Si Nelya at si Andrew - Noon Unang Panahon (Unang bahagi)

5.7K 118 43
                                    

Note: The words that were italicized were spoken in Spanish.

“Cecilia. Anong kinuha mong kurso rito?”

 

Tumingin si Cecilia sa lalakeng sumusunod sa kanya sa unibersidad. Namukhaan niya na ito pala ay anak ng kaibigan ng kanyang Mama na sobra kung umaligid-aligid lang sa kanya tuwing may pagtitipon sa bayan nila.

“Hindi ko pa alam, Adolfo. Aalamin ko pa kung anong maaring magustuhan ko.”

Tumingin sa kanya ang lalake na para bang napakakakaiba niya dahil sa kanyang  tinuran.

Bakit ka nagsasalita ng salita ng mga Indio? Alam ba ito ng Mama mo?”

Napairap na lang siya sa sinabi ni Adolfo. Isa ang pamilya ni Adolfo sa mga mapagmataas dahil may katungkulan sa gobyerno ang mga magulang nito. Alipin pa rin ang tingin nito sa mga Pilipinong kayumanggi ang balat na nakatira sa Pilipinas. Pero ang totoo ay sila itong may lahing Kastila ang nang-aagaw ng hindi sa kanila. At isa pa ang bansa ay sakop na ng Amerikano at iilang kalahi na lamang nila ang natira rito.

“Dapat sa mga babaeng kagaya mo ay nanatili sa tahanan. Hindi mo na kailangan mag-aral pa ng karagdagan, lalo ka na Cecilia, napakaraming humihingi ng kamay mo na higit ang yaman at titulo sa ama mo. Hindi mo na kailangan maghirap sa pagtatrabaho.”

 

“Hindi ako pinalaking palamuti lamang sa mga pagtitipon. Hindi kagandahan maitututuring ang ulo na puro hangin ang laman at sunud-sunuran sa asawang walang ibang alam kundi ay magmando. Hindi ako estupido, Adolfo, at hinding-hindi ako papakain sa mga makalumang taliwas na pamamaraan. Ginagamit ko ang utak ko. Ipagpaumanhin mo, mauna na ko. Mahuhuli pa ako sa aking unang klase.”

Itinaas niya ang kanyang saya at nagmadaling naglakad para hindi maabutan ng bastos na si Adolfo. Isa si Adolfo sa mga lalakeng ayaw niyang makasalubong o makausap. Para sa kanya ay kasayangan ng oras ang pakikipag-usap sa mga lalakeng sarado ang isip tungkol sa tungkulin ng babae sa tahanan at sa lipunan. At galit siya sa mga taong akala mo kung sinong mapagmataas.

Nagsinungaling siya na hindi pa niya alam ang kurso na kanyang kukunin dahil alam na alam na niya ang gusto niya. Gusto niyang kumuha ng kurso ng tamang pagsulat at pagbigkas ng ingles at ang literatura nito. Kahit noon pang wala ang mga Amerikano ay gustung-gusto niyang kumuha ng kurso na ito ngunit lagi siyang pinipigilan ng kanyang Mama dahil wala naman daw siyang paggagamitan ng salitang iyon. Pero ganoon na lang ang pagkahilig niya sa iba’t ibang lenggawahe  at sa puso niya ang bawat ibang lenggawhe na natutunan niya ay magagamit niya sa kanyang paglalakbay. Paglalakbay na malaya sa kanyang mga magulang, sa obligasyon bilang alta-sociedad, at ang tungkulin niya bilang anak.

Napatigil siya ng makita na niya ang kwarto kung saan nagaganap na ang klase. Nahuli na siya sa oras sa sobrang daming abala na nadanaan niya papunta rito. Huminga siya ng malalim dahil sa karanasan niya sa pagpasok sa sa Kolehiyo ng Sta. Isabel na puro madre ang mga nagtuturo ay kapag nahuli ka kahit isang minuto ay pipilitin ka nilang magtika at magdasal sa birhen Maria. Napailing siya sa naisip.

Bahala na.

Pumasok siya sa pintuan at bumungad sa kanya ang mga kababaihan kayumanggi ang kulay. Ang mga Pilipino at nanlaki ang mga mata nila ng makita siya. Minasid niya ang kanyang tingin sa buong kwarto at naghanap ng upuan. Tumabi siya sa isang Pilipino pero lumipat ito ng upuan. Sa huli ay naiwan siyang nakaupo sa iisang panig at ang grupo ng kadalagahan Pilipino ay nasa iisang panig. Ngumiti na lang siya ng mapait. Ito ang dulot ng kanyang lahi hanggang ngayon.

I am his Accidental WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon