Anino sa Rooftop

2.3K 66 1
                                    

Tatlong taon na kaming nangungupahan ni Kuya Jose sa isang boarding house na iyon sa bayan ng Cavite. Ngayo'y nasa ikatlong taon na rin ako sa kolehiyo.

Sa kadahilanang malayo ang baryo namin sa bayan na syang kinatatayuan ng unibersidad na pinapasukan ko, nagdesisyon kami at ng aming mga magulang na kumuha nalang ng isang paupahang kuwarto para sa aming dalawa ni Kuya.

Buwan ng Agosto noon, malaki ang ani nina Papa kaya't nagpadala sila ng ekstrang pera para may pambili kami ni Kuya ng gamit na gusto namin.

Halos inihipan lang ng hangin ang pera ni Kuya sa bilis ng pagkaubos nito sa mga gadgets na binili at mga gamit para sa bahay. Samantalang bisekleta naman ang binili ko at nagtira din ako para sa Disyembre.

Halos mapuno na ng gamit ang kuwarto namin. Mukhang wala na ring paglalagyan ang binili kong bisekleta. Sa sobrang hilig ni Kuya sa mga kagamitan sa bahay, parang kinakailangan ng ilabas ang kanyang higaan para lumuwag ang loob ng kuwarto.

Sumagi sa isip naming may nakalaang pwesto pala para sa amin sa rooftop. Pwestong nababakuran ng crossed wires at nakakandaduhan. Sadyang inilaan ito ng may-ari ng buong limang palapag na gusali para sa mga damit na pinapatuyo o ekstrang gamit ng mga nangungupahan.

Alas-diyes ng gabi ding iyon, pagkatapos maghapunan (oo ganitong oras kami kumakain ni Kuya kapag Sabado), iniayos na namin ang loob ng kuwarto. Naroong inilipat namin ang TV sa taas ng kabinet, inilagay ang lahat ng sapatos sa ilalim ng higaan para lang makadagdag ng libreng espasyo sa kwarto.

Buhat ang mabigat at may katamtamang laki na plastic box na naglalaman ng mga sobrang kagamitan na hindi na kailangan, halos mawalan ako ng hininga sa pag-akyat sa hagdanan mula sa ikalimang palapag patungong rooftop.

Nakapagtatakang naka-sarado ang pintuan papasok ng rooftop. Wala namang kandado. Marahil ay isinara ito ng nagbabantay sa loob. Mabuti nalang at may maliit na butas sa kaliwang bahagi ng pasukan na syang ginawa kong lagusan upang makalusot sa kabila.

Nakadagdag ang liwanag ng mapulang buwan sa mga maputlang sindi ng mga bombilya. May katahimikan na rin dahil sa konti nalang ang mga pampasaherong sasakyan na nagbi-biyahe.

Muntik ko ng mabitawan ang box na bitbit ko ng may nakita akong itim na pusa. Mabagal itong naglalakad at nakatingin sa akin na wari ba'y nagbabanta. Lalo akong nanghilakbot ng mapagtanto kong hindi sya nag-iisa. Lima na silang nakaharang sa akin.

Inilabas ko ang sirang sapatos mula sa loob ng box at iniamba ko sa kanila na mabilis naman nilang ikinatakbo.

Isang malansang amoy naman ang sumunod na umagaw ng aking pansin. Parang pinaghalong amoy ng langis at ng malansang isda.

Sa kabilang dulo ay may naaninag akong isang hugis ng nakatalikod na tao. Maririnig mong may mga ibinubulong itong hindi maintindihan. Dala ng kuryusidad, dahan dahan pa akong lumapit.

Halos mapasigaw ako sa gulat ng biglang nagbukas ang malaking pakpak sa likod ng babae. Biglang umangat ang kalahati ng katawan nito habang ipinapagaspas ang pakpak na animo'y paniki.

Naihi ako sa aking salawal sa sobrang takot. Basag din ang plastic box ng ito'y aking mabitawan na syang nagpalingon sa manananggal.

Nanlilisik ang mga mata nitong napatingin sa akin. Halos panawan ako ng ulirat ng pumagaspas ang pakpak nito patungo sa kinatatayuan ko.

Nang makabalik sa katinuan, dali-dali akong napatakbo sa isa sa mga pwestong nakukulong ng crossed wires at agad ko itong isinara.

Halos gibain ng manananggal ang mga harang na wires mula sa itaas. Makikita mo sa nakakatakot nyang anyo ang mithiing ako'y madampot at mapaslang.

Ilang sandali pa'y tinungo ng manananggal ang bukasan. Naiyak ako sa taranta ng maalala kong wala pala itong kandado.

Mabilis pa sa kidlat ko itong tinakbo. Halos maunahan nya ako sa pinto. Mahigpit kong ipinulupot ang kadena sa pinto at hinawakan ko ito sa loob.

Malakas ang pagkakahila ng manananggal sa kadena sa labas ng harang. Nagmistula namang ahas ang mga kadena sa loob sa aking katawan sa paninigurong hindi ko ito mabitawan.

Palakas ng palakas ang ungol ng manananggal. Nagpapahiwatig lang na sobrang nanggigigil na itong mahuli ako. Hindi naman ako nagpatalo sa takot kaya ubod lakas akong sumigaw ng tulong.

Ilang minuto lang ang nakalipas, may dumating na tatlong lalaking nagbabantay ng gusali. Halos panawan ng dugo ang mga ito ng masaksihan ang nangyayari.

Itinutok ng isa sa mga ito ang nakakasilaw na liwanag ng flashlight sa manananggal na sya namang naging dahilan ng pagkakawag nito.

Natakot ang halimaw ng marinig ang iba pang taong dumating kaya nagpasya itong bitawan ang kadena at lumipad palayo.

Nakuha ng matatanda ang kalahating katawan nito, binuhusan ng asin at inilibing kinabukasan.

*Please vote and follow so we can write more stories

Aswang AttackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon