Chapter 5: Last Smile

1.5K 39 39
                                    

Chapter 5: Last Smile

Maggie

Siopao. Pinapakain sa'kin ni Dave ang huling siopao sa plato sa panaginip ko kanina. Gusto kong tumanggi pero gusto ko ring kumain. Nagising lang ako nang sumigaw si MJ. Ngunit sa 'di ko maipaliwanag na dahilan, may isa pa akong taong naramdaman sa paligid naming dalawa. Sigurado ako, hindi lang si Dave at ang siopao ang kasama ko sa panaginip ko kanina. Naramdaman ko rin ang presensya ni Jules--nagmamasid--nakaabang. Hindi ko alam kung bakit at kung saan siya nakapwesto. Gusto niya rin kaya ang siopao? Hindi.  Dahil sigurado akong ang inaabangan niya ay ako--at si Dave. Ang hindi ako sigurado, masaya ba siya? Sang-ayon ba siya? O baka nagseselos na siya? O maaaring tutol siya kay Dave?

"Sabi niya, mahal na mahal ka raw niya. Gusto niya palagi kang masaya kaya huwag ka raw matatakot na magmahal uli ng iba," paalala ni Tita Amor na mensahe ni Jules para sa'kin bago siya mawala. Mahal ko pa rin siya. Pero mahal ko na rin si Dave. Naguguluhan ako. Bakit siya nagpapakita sa panaginip ko? Mali. Hindi ko nga pala siya nakikita. Nararamdaman. Bakit siya nagpaparamdam sa panaginip ko?

Nang bigla ay may naalala ako: siopao nga pala ang paborito ni Jules. Sana nga 'yung siopao na lang ang inaabangan niya sa panaginip ko kanina.

Bigla tuloy bumalik sa alaala ko ang oras na iyon. "Bili mo akong siopao," pakiusap niya nang nakangiti. "Mamaya na lang. O gusto mo text ko na lang si Tita? Pabalik na 'yun," tugon ko naman sa kanya.

"Gusto ko ngayon na. Sige na, please. Matatagalan pa 'yun, e," paglalambing niya. Ang ngiti niyang iyon--hindi ako sigurado kung tunay o huwad, ngunit sa isang bagay sigurado ako: nais ng ngiti niyang ngumiti rin ako. Dahil dun, buong-puso kong pinagbigyan ang pakiusap niya.

Moreno si Jules, matangkad at may kapayatan, ngunit disente at maamo ang hitsura. Kung ikukumpara siya sa pisikal na anyo kay Dave, wala siyang sinabi. Magkaganunman, ang ngiti niya pa ring iyon ang pinakamaganda sa paningin ko. Iyon ang huling ngiti niya.

Nang mga oras na 'yun, ang mga ngiti niya ang nagpasunod sa'kin para ibili siya ng paborito niyang siopao. Para akong biglang  natali sa isang sumpa sa mga ngiting iyon. Bihira na naming masilayan ang ngiti niya nang maging terminal stage na ang sakit niya. Leukemia: ito ang alam ng marami. Ngunit sa totoo lang, iba ang sakit na dinanas ni Jules. Mayroon siyang congenital HIV na tuluyang naging AIDS. Kapatid ng kanyang ina ang tumayong nanay niya simula nang maulila siya. At para sa dignidad ni Jules na gusto naming panatilihin ni Tita Amor, pinili naming itago ang katotohanan sa iba.

Binaon ko ang mga ngiti niya paglabas ko subalit nang makabalik na ako--wala na--nawala ang ngiti ko nang salubingin ako ni Tita Amor para pagbawalan na akong dumalaw kay Jules. Bukod sa utos daw iyon ng doktor, kagustuhan din iyon ni Jules. Saka ko lang napagtanto na kaya niya ako pinilit lumabas ay para magkaroon siya ng oras na makalayo, dahil nailipat na rin siya ng kwarto.

Ipinaliwanag naman ni Tita Amor sa akin nang maayos kaya hindi na ako nagtanong. Ngunit ang pinakanagpaparalisa sa'kin nang mga oras na iyon ay ang mga mata niyang nababalot ng pighati kaya hindi na ako pumalag. Hindi na ako tumutol. Hindi na ako nagwala. Hindi na ako umiyak. Pero sa pinakailalim ng pagkatao ko, gusto ko nang kalabanin ang buong mundo para lang balikan si Jules nang mga oras na iyon. Gusto kong magreklamo. Gusto kong makita pa siya. Gusto kong lumaban pero naging napakahina ko.

Simula nang pagbawalan na akong dalawin sa ospital si Jules, tanging mga balita mula kay Tita Amor at mga saglit na phone calls lang ang naging ugnayan namin. Hindi ko na kinwestyon si Jules noon sa mga saglit naming tawagan kahit napakaraming tanong ang gusto kong iparating sa kanya. Ganunman, pinili kong magpakatibay kahit pagpapanggap lang. Tanging mga biruan at masasayang kwentuhan na lang ang naging palitan namin, gaya ng tungkol sa kinain niya, sa magaling na nurse na nag-i-inject ng gamot niya, sa doktor niyang maganda, sa episode ng Her Misspelled Love Story, at kung anu-ano pa. Bawat saglit na komunikasyon namin ay sinulit namin para maging masaya. Subalit sa tuwing matatapos ang usapan namin, sa tuwing ibababa ko na ang phone, matutulala na lang akong bigla, kasunod na niyon ang matindi kong pagluha.

My GF Is Not So Panget (Various Ways of Killing Your Best Friend)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon