Part 20

7.7K 218 6
                                    

"O, HINDI ba bukas pa ang dalaw mo sa akin, Nerissa?" si Tito Ico na nagtataka. Marahang pinalaya si Eira mula sa yakap nito.

Hindi umimik ang babaeng Nerissa pala ang pangalan. Hanggang baywang ang tuwid na tuwid at itim na itim na buhok. Slim at mahinhin ang kilos. Bumaling kay Alex ang babae na parang gusto nitong si Alex ang sumagot sa tanong ni Tito Ico.

"Dinaanan ko siya, Uncle," sagot nga ni Alex. "Pinapasundo na kayo ni Mama. Nagpahanda na siya ng dinner. Dinaanan ko na si Nerissa para hindi ka na makatanggi. May maiiwan na sa kubo."

Napailing-iling si Tito Ico bago tiningnan si Nerissa. "Wala ka bang ibang inaasikaso, Neri?"

"Wala naman, Sir Ico," sagot ng babae. "Ako na'ng bahala sa kubo mo."

Bumaling si Tito Ico kay Alex. "Andoy naman, naalala mong agahan ang pagsundo kay Neri na hindi mo man lang naisip na kung aalis tayong lahat, wala siyang matinong makakain? Magtitiyaga na naman 'yan sa de lata at noodles—"

"Nahulaan ko nang sasabihin mo 'yan, Uncle," sabi ni Alex at ngumisi. "May pagkain na pinadala si Mama para kay Nerissa. Hindi mo na kailangan magluto pa ng dinner para sa kanya."

"Masarap naman ang sardinas, Sir Ico—"

"Magtigil ka, Neri!"

Nahuli ni Eira ang pagngiti ni Nerissa bago nito ibinaling ang mukha, na para bang gustong itago ang ngiti sa kanila.

Nagpatuloy si Sir Ico. "Nakamamatay ang katamaran! Maraming matinong pagkain kaysa sa sardinas na paborito mo!"

Nakayuko si Nerissa, napansin ni Eira na bahagyang yumugyog ang mga balikat—hindi sa pag-iyak kundi sa walang tunog na pagtawa.

Pagbaling ni Eira kay Alex ay nakangisi ito, nagpapalipat-lipat ang tingin kay Sir Ico na mukhang nangungunsumi at kay Nerissa na nakatungo at lihim na tumatawa.

Hanggang nang nasa loob na silang lahat ng kubo ay hindi niya mapigilang sundan ng tingin sina Tito Ico at Nerissa. Nag-iiwan ng instructions si Tito Ico kay Nerissa habang ang babae naman ay tahimik lang na nakikinig. Napangiti si Eira nang si Tito Ico pa ang nag-ayos ng pagkain para kay Nerissa sa mesa. Napaka-maalaga talaga ng tiyuhin ni Alex sa lahat ng tao sa paligid nito. Natatandaan niyang hindi umaalis si Tito Ico sa kubo na hindi siya iniiwanan ng pagkain.

"Unahin mong kumain sa tamang oras bago mo gawin ang lahat ng bilin ko, Neri."

Tumango ang babae. "Salamat, Sir Ico. Hindi ako magbubukas ng sardinas." Napamaang si Sir Ico sa babae. Tumawa si Nerissa. Napailing si Tito Ico at natawa na rin mayamaya.

"Napapadali ang pagtanda ko sa 'yo, Nerissa."

"Nakakababata ang madalas na pagngiti, Sir Ico—"

Patuloy pa rin sa argumento ang dalawa, kasama na ang tawanan.

Napapangiting pinanood ni Eira ang dalawa. Naaliw siya sa mga ito. Kung hindi pa hinila ni Alex ang braso niya at walang salita siyang iginiya palabas ay hindi mababaling sa lalaki ang atensiyon niya.

"Ano'ng iniisip mo?" tanong nito nang magkaharap na sila sa labas ng kubo. "Kanina ka pa nakamasid kina Uncle at Nerissa at pangiti-ngiti—"

"Wala!" natatawang sagot niya. "Natutuwa lang ako sa concern nila sa isa't isa at kung paano sila mag-usap. Si Nerissa ang naghahanda ng mga gamit ni Tito Ico, 'tapos si Tito Ico naman, hindi makaalis na hindi niya sigurado na magiging okay si Nerissa."

"'Yon lang?" susog nito. "Bakit ganyan ang ngiti mo?"

"Ano'ng meron sa ngiti ko?" balik niya, lalo pang napangiti. "Lagi mo na lang pinakikialaman ang ngiti ko, ah."

EIRA (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon