Thirty One

118K 2.2K 82
                                    

Dumating ako sa classroom kinabukasan ng sakto lang sa oras. Kung tutuusin muntik pa akong ma-late. Naghintay pa kasi ako kay Xander e. 'Yun naman pala hindi niya ako masusundo. Huli na nung nag-text siyang hindi siya makakarating, gahol na ako sa oras.

Naroon na si Xander sa upuan niya at nakatingin lang sa harap. Sa tabi niya, 'yung bakanteng upuan, napansin kong may dalawang box ng cake na nakapatong. Sa kanya siguro 'yun, ganoon kasi lagi ang box na ginagamit niya kapag nagbe-bake siya.

Buong maghapon, tahimik lang si Xander. Hindi niya ako kinakausap kung hindi ko pa siya tinatanong. Tapos puro oo at hindi lang ang sagot niya. Kung minsan, 'yung mas nakaka-frustrate, tumatango lang siya. Gusto ko na nga siyang sigawan kung hindi lang nakakahiya sa mga classmate namin eh.

"Huy, Mica!" Napatingin ako kay Claire nang tawagin niya ako. "Sama ka sa'min mamaya. Manoood kami ng sine ni bakla. Ayoko namang mapagkamalan kaming mag-jowa e."

Tumingin ako kay Xander. Diretso lang ang tingin niya at mukhang hindi narinig 'yung mga sinabi ni Claire.

"Okay lang yang jowa mo?" tanong pa ng huli.

Nagkibit-balikat ako saka kinalabit si Xander. Kung hindi nya narinig, magpapaalam na lang ako.

"Xander, manonood kami ng sine nina Claire at Andi mamaya ha," sabi ko.

Tumingin siya sa akin at mukhang nag-isip sandali. Hindi ko mawari kung iniisip niya ba kung papayagan ako o kung pina-process pa ng utak niya 'yung sinabi ko.

"Okay," simpleng sabi niya.

Natuwa agad si Claire at tumingin sa akin habang malapad ang ngiti. "Mamayang uwian ha?" Tumango na lang ako at umalis na rin si Claire.

Nang nakabalik na sa upuan niya si Claire, napatingin ako kay Xander. Sa totoo lang kasi, gusto kong sabihin niya na hindi siya pumapayag. O tanungin niya man lang kung anong oras at gaano katagal. Much better kung sasabihin niyang sasama siya. Ang kaso, simpleng 'okay' lang ang sinabi niya. Sobrang disappointment ang naramdaman ko. Huminga na lang ako ng malalim saka binuksan ang librong nasa harap ko.

Nang uwian na, Kasabay pa namin si Xander hanggang sa gate ng school. Nasa kabilang direksyon ang papuntang mall kaya naman sumama pa siya hanggang sa kabilang kalye para isakay kami ng jeep.

Bago pa man may dumating, iniabot niya sa akin ang isang box ng cake na bitbit niya. Tinignan ko pa siya sa nagtatanong na mga mata saka kinuha 'yun sa kamay niya.

"Ginawa ko yan kaninang umaga kaya hindi kita nasundo. Yan 'yung paborito mong triple chocolate." Dapat may ngiti man lang akong makikita sa mga mata niya pero wala akong maaninag kahit na konti. "Wag mong kainin ng isang upuan lang ha. Paabutin mo naman ng ilang araw. Baka magka-diabetes ka na niyan."

Napangiti ako sa sarili ko dahil sa sinabi niya. Kahit na wala namang buhay 'yung pagkakasabi niya, iba pa rin ang dating sa tenga ko ng mga salita niya.

"Opo, Sir," nakangiting sabi ko.

Saktong dumating naman ang jeep at pinara 'yun ni Andi.

"Kayo nang bahala sa prinsesa ko ha?" ani Xander kay Claire at Andi.

Pinagtaasan lang ng kilay ni Andi si Xander habang inirapan naman ni Claire ang pinsan niya. Sabay pa silang nagsabi ng 'whatever' saka naglakad papunta sa pinto ng jeep.

"Mag-iingat kayo. I-text mo ako pag nakauwi ka na sa inyo ha?" ani Xander. Hinawakan niya pa ako sa pisngi saka hinalikan sa noo. Kapagkuwa'y iminwestra niyang sumakay na ako sa jeep.

Hindi na nagsalita sina Claire at Andi pagkasakay ko pero kita naman sa mga mukha nila ang pang-aasar.

Kalahating oras din ang biyahe papunta sa pinakamalapit na mall. Maliit lang 'yun at kaya mong libutin sa loob lang ng isang oras. Hindi naman kasi kalakihan 'yung lugar na pinagtayuan saka hindi rin naman ganun karami ang tao rito.

Alas-singko pa ang oras ng panonoorin namin kaya naman tumabay muna kami sa food court.

Nag-uusap lang sina Claire at Andi ng kung anu-anong tsismis pero hindi ako nakikinig. Si Xander pa rin kasi ang laman ng isip ko. Naalala ko ang bitbit niyang cake. Heto ang isa sa harap ko pero para kanino 'yung isa pa? Wala naman siyang sinabi kung saan ang punta niya pagkatapos ng klase. Basta na lang niya kami inihatid sa sakayan at nagpaalam.

"Three months na pala 'yung dinadala ni Shan ano?" narinig kong sabi ni Claire.

Na-alerto agad ang tenga ko at nakinig sa kanila nang marinig ang pangalan ni Shan. Pero ano raw? 'Yung 'dinadala'? Meaning, buntis si Shan?

"Oo, 'te. Balita ko nga, ayaw siyang panagutan ng ama. Pinagbintangan pang nanlalalaki at hindi raw naman siguradong sa kanya 'yung bata. Grabe talaga 'no?" si Andi.

"Bakit ba kasi pinatulan niya 'yun? Mukha kayang adik! Kung ikokompara naman kay Josh at Xander..." Bumaling sa akin si Claire, "peace tayo." Humarap ulit siya kay Andi saka nagpatuloy. "Mukha talagang ewan eh. At ito pa, may iba pang jowa."

"Aww, ano ba yang pinasok ni Shan. Dati-rati siya 'tong matino e. Ngayon nagkaganyan na siya."

"Tama, at alam mo ba, pinalayas siya ng Papa niya. Hindi matanggap na disgrasyada siya. Mabuti na nga lang nandun 'yun jowa nito e." Itinuro ako ni Claire. "Kung hindi, walang tutulong kay Shan. Bubugbugin daw dapat ng Papa niya e."

Bumilis bigla ang tibok ng puso ko sa narinig. Anong ibig nilang sabihin na nandun si Xander? Bakit hindi man lang niya nabanggit sa akin ang tungkol dito?

Noong Linggo nang pumunta siya ng gabi bigla niya na lang akong niyakap. Noon nagsimulang maging aloof si Xander e. Posible kayang 'yung mahalagang bagay na ginawa niya ay may kinalaman kay Shan?

Naisip ko na naman ang cake na bitbit niya. Para rin ba 'yun kay Shan? Kaya ba lagi siyang nagmamadali kasi pinupuntahan niya ang huli? Parang pinipiga ang puso ko iniisip pa lang ang bagay na 'yun. Naalala ko pa, sabi niya noon, kaya siya nahilig sa pagbe-bake ng chocolate cake kasi merong may paborito nun. Hindi niya man natuloy sabihin kung sino, siguradong espesyal sa kanya ang taong 'yun. And I guess... it's Shan.

Hindi na ako mapakali hanggang sa pumasok na kami sa sinehan. Hindi rin ako maka-concentrate sa palabas dahil ang gulo-gulo pa rin ng isip ko. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Parang gusto kong umiyak na ewan. Ang sama na ng pakiramdam ko na gusto kong mapag-isa na lang.

Kahit nasa kalagitnaan pa lang ang palabas, kinalabit ko si Claire na nasa tabi ko.

"Mauuna na ako sa inyo, ang sama kasi ng pakiramdam ko. Hindi ko na kaya," bulong ko sa kanya.

Sa medyo madilim na paligid, nakita ko pang biglang nag-alala si Claire sa akin.

"Okay ka lang? Gusto mo samahan ka na naming umuwi?" aniya pa.

Umiling ako. "Hindi na, tapusin niyo 'yung palabas. Magpapasundo na lang ako kay Kuya," sabi ko pero wala akong balak na magpasundo. Ayokong ipakita kay Kuya na ganito ang nangyayari sa amin ni Xander ngayon.

"Sure ka okay ka lang?"

"Oo naman. Sige..." tumayo na ako at nagsimulang bumaba. Narinig ko pa ang boses ni Andi na nagtatanong kung saan ako pupunta bago ako makalayo ng tuluyan.

Habang pauwi, gusto ko nang tawagan si Xander. Pero hindi ko alam kung anong itatanong ko. Hindi ko rin alam kung magugustuhan ko ba ang sagot na makukuha ko sa kanya. Buong biyahe, nakatulala lang ako, pinipigilan ko ang sarili kong maiyak.

Inaalala ko ang mga nakaraang araw. Kung paanong bigla na lang siyang bumalik sa dati. Mali, hindi pala siya bumalik sa dati dahil naging mas malala pa siya ngayon. Tulala siya palagi at malalim ang iniisip. Kung minsan, bigla na lang niyang itatanong kung anong sinasabi ko kahit na hindi naman ako nagsalita. Para bang wala siya sa sarili niya.

Nang makababa ng jeep, patakbo na ang ginawa kong pagpunta sa bahay. Hindi ko na rin kinaya at ilang bahay pa bago ako makarating sa tinitirhan ko ay naluha na ako. Sa pinagsama sigurong sama ng loob at pagkalito.

Mabuti na lang at wala si Kuya nang dumating ako sa bahay. Hindi ko na pinagkaabalahang buksan ang ilaw at dumeretso na ako sa kwarto ko. Doon, inilabas ko ang lahat ng luhang ilang araw ko na ring gustong ilabas.

My Poker-Faced GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon