PROLOGUE

25.5K 289 37
                                    

PROLOGUE

Assisi, Italia

NAG-IISA si Ismael sa maliit na kapilyang iyon. Nakaluhod. Matagal na panahon ng buhay niya ang ginugol niya sa lugar na iyon. Sa mga monasteryo ng Assisi niya piniling mamalagi matapos talikuran ang pagdodoktor. Isa siyang sikat na doktor sa buong mundo. Marami sa siyensiya ng medisina ang kanyang napag-aralan—nadiskubre at pinakinabangan ng maraming kilalang tao sa iba’t-ibang bansa. Pero marami doon ang kanyang pinagsisihan.

KANINA pa nakababa ng tren si April mula sa istasyon. Lahat ng Italiano at ilang mga dayuhan ay napapagkamalan siyang Italiana. Sa kanyang biyahe sa iba’t-ibang parte ng Italia, lagi siyang kinakausap sa kanilang salita at natatawa sila kapag sinabi niyang hindi siya kalahi ng mga ito.

Maganda si April. Hindi gaanong maputi, mamula-mula ang balat kaya marahil ay napapagkamalang Italiano. Tama lamang ang sukat niya para sa isang babae. Maganda, madaling mapansin ng kahit na sino, mapababae man o mapalalaki dahil bukod sa may maamo siyang mukha ay napakaganda din ng hubog ng kanyang katawan. Ang kaagad na mapapansin sa kanyang mukha ay ang deep-set nitong mga mata, ang cheek bone na bagay na bagay sa kanya at ang kanyang pouting lips. Mukha siyang modelo sa kabuuan kaya kapag nilalagyan siya ng makeup ay lalo pa siyang gumaganda. Kahit na pagod na siya ay hindi niya iyon ininda—kaagad pumara ng taxi at nagpahatid sa mismong bayan ng Assisi.

Habang binabagtas niya ang patungo sa Assisi tumambad sa kanya ang malawak na luntiang lupaing sumasakop sa Umbra. Sa panahong iyon na spring ay napakaganda nga nito; mistulang malawak na green carpet sa luntian at pantay-pantay na damo ang buong lupain ng Umbra. Patuloy na umakyat patungo sa bayan ng Asissi si April na sakay ng taxi. At nang naroon na siya ay natanaw niya ang kabuuan ng Umbra mula sa itaas na bukod sa luntiang kulay nito na mistulang malawak na golf course ay napapaligiran ng napakaraming olive trees.

Ang kalsada sa Assisi ay yari sa natural stones,  ganoon din ang mga bahay, museums, at iba’t-ibang establisyamento. Ang mga dingding ng mga nito ay halos isang metro ang kapal. Ang mga pasilyo ng Asissi ay makikitid at ang mga lagusan ay halos limang talampakan lamang ang lapad. Ang mga lumang bahay ay ginawang mga hotel at mga restaurant. Ito’y upang mapanatili ang pagiging antigo at kasaysayan ng lugar. Hindi predictable ang mga kalsada; kahit saan ay may mga lusutan upang makarating sa iyong nais na puntahan sa makikitid na pasilyong iyon. Dalawa ang naisip ni April na katangian ng kabuuan ng Asissi—kamangha-mangha at misteryoso.

At ang lalo pang nakapagbigay ng misteryo sa panahong iyon ay ang makulimlim na kalangitan na bihirang nangyayari kapag ganitong springtime.

Sa maliit na kapilya na matatagpuan sa gitna ng Asisssi ay nakita niya ang lalaking nakaupo, naka-abitong Franciscan priest naka-hood. May nakapagsabi sa kanya na dito matatagpuan ang henyong doktor na na si Ismael Saavedra na kanyang hinahanap. Nagpalagay si April na baka ito na nga ito.

          Napanganga si April sa kanyang nakikita. Oo, maliit nga ang kapilya pero waring nababalutan ito ng misteryo. Makikita ang altar nito na may mga uka ang dingding na dapat ay lalagyan  ng mga imahen ng santo pero wala itong mga laman. Ang imahen lamang na makikita ay ang nakabitin na kruspiho  sa kisame sa pamamagitan ng itim na kadena. Kaagad na mapapansin na maaaring daan-daang taon na ang kalumaan ng kruspiho dahil burado na ang mukha ng imaheng naroroon at ang iba pang parte ng katawan nito. Sa harap ng altar, sa ibaba ng kruspiho ay naroon ang isang malapad na mesa na may nakatayong kandelabra na may kandilang iindap-indap at sa ano mang oras ay mamatay na ang apoy niyon dahil tunaw ang buong kandilang nakalagay doon.

Patuloy sa pagkabog ang dibdib ni April habang humahakbang siya palapit sa altar. Mayamaya’y isang boses ang kanyang narinig mula sa kanyang likuran. “April?”

SHARED  (Published under PHR Gothic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon