Chapter 1: Rubelhizb

1.5K 70 28
                                    

"Trabaho lamang ito, Horii," simpleng paalala ni Valentina. Itinaas niya sa ere ang pulang espadang pinupuno ng ukit ng iba't ibang simbolo ng mga mersenaryong kanyang kinabibilangan.

"Parang awa mo na, Valentina." Lumuluha ang lalaking halimaw sa paanan ni Valentina habang pinagdadaop ang mga palad. Kahit mayroon itong dalawang sungay sa noo at kulay berde ang balat, hindi iyon nakadagdag ng kilabot upang katakutan siya ng reyna ng mga mersenaryo mula bayan ng Rhoxinu.

Tila walang narinig, walang habas na inunday ni Valentina ang espada at walang kahirap-hirap na pinugutan ng ulo ang lalaking halimaw.

"Tatlong daang libong ginto para sa ulo mo, Horii." Matipid na ngiti mula kay Valentina. Dinampot niya ang gumulong na ulo ng halimaw mula sa mahaba nitong puting buhok at tinitigan iyon, mata sa mata. "Saka mo na ako sumpain, kapag nagkita na tayo sa kabilang buhay." Tumayo na siya nang deretso at tinanaw ang paligid. Hinawi ng malakas na hangin ang buhok niyang itim ang mula sa anit hanggang sa bandang leeg at kulay matingkad na asul na pababa hanggang baywang.

"Val," tawag ng tao sa kanyang likuran. "Nagpatawag ng pulong ang konseho."

Pinaikutan na naman ng mata ni Valentina ang paalalang iyon ng kasama.

Muling pagpupulong ng mga kinatawan ng bawat samahan at gabineteng nangangasiwa sa katahimikan ng bawat bayan—at si Valentina ang representante ng mga mersenaryong nagtatrabaho sa Ghunna.

"Pulong na naman?" inis na sinabi ni Valentina at itinaas sa hangin ang duguan niyang espada. Isang malakas na wasiwas ang ginawa niya at nagtalsikan sa mabuhanging lupa ang dugong nasa metal na talim. Agad niya iyong itinago sa kalubang nakasukbit sa kanyang likod. Pinagpag niya ang libreng kamay sa suot na maikling pang-ibabang yari sa balat ng tigreng ipinakikita ang makinis at maputla niyang hita.

"Sasabihin ko bang hindi ka makapupunta?"

Naningkit ang mga mata ni Valentina at muling tiningnan ang mala-disyerto nilang paligid. Walang ibang tanaw ang kanyang mga mata kundi buhangin lamang.

"Dadalo ako. Pangatlong pagpupulong na ito ngayong buwan. Ano na naman kaya ang problema?" Kinuha ni Valentina ang maliit na asul na bolang kristal sa sinturong suot at ibinato sa buhangin. "Dadaan muna ako sa Ghunna upang kunin ang aking pabuya."

Unti-unting nabuo ang asul na liwanag mula sa bolang kristal. Nagbukas na ang portal mula sa kinaroroonan ni Valentina at ng kasama niya patungo sa Ghunna. Tumapak na siya sa lagusan upang makabalik.

"Val," muling tawag ng kasama niya. "Mag-ingat ka sa pagbalik sa konseho."

Tumaas nang kaunti ang kilay ni Valentina sa babalang iyon ng kasama bago lumingon.

"Darating si Rhon."

Huling salitang hindi narinig ni Valentina dahil sa lakas ng tunog na nililikha ng hanging humihigop sa kanya mula sa portal.

"Sino?"

Nagsara na ang lagusan bago pa man muling masagot ng kasama ang huli niyang tanong.


~oOo~


Sa Ghunna . . .

Sapat na ang kanyang tindig upang pahintuin ang mga taong nakikita siya. Nilalakad niya ang kalsadang gawa sa malalaking batong pinatag tungo sa casa kung saan siya nagtatrabaho. Kumikinang ang suot niyang pilak na baluting dinisenyuhan pa ng malambot na balat ng leon. Malutong ang tunog ng takong ng suot niyang botang gawa sa matibay na balat ng baboy-ramo.

"Nakabalik na si Valentina," bulong ng nakararami habang tinititigan ang hawak ng kamay niyang pugot na ulo ng isang halimaw.

Deretso lang ang tingin niya sa daang tinutumbok ang dulo kung saan nakatirik ang malaking bahay na may nakalagay na pangalang Ze Mercenaria.

The ProdigalsWhere stories live. Discover now