Kabanata 4 - Simbolo

940 19 6
                                    

Bulwagan ng mga Datu

Dinala sa isa pang silid ang mga dayuhan matapos nilang makilala ang Datu ng Kahariang kanilang napag-daungan. Sa silid na ito ay nakalatag ang hapag-kainan - lechon, mga inihaw na isda at manok, mga prutas, kanin, atbp. Inanyayahan ang lahat na maupo sa gusto nilang mga pwesto.

Samantala, dinala naman sa isa pang silid si Magallanes kasama ang kanyang kanang kamay na opisyal upang doon makasama sa piging sila Raha Humabon at Datu Lapu-lapu.

Pagpasok ni Magallanes sa silid kung saan sinabihan siya na maupo muna saglit at hintayin ang Raha at Datu ay tumambad sa kanya ang isang hapag-kainang na gawa sa ginto at kahoy ng nara, kung saan ang mga paa ay inukit para maging hugis paa ng kalabaw. 

"Senyor, ano na po ang gagawin natin?" tanong ng kasamang opisyal ni Magallanes.

"May kailangan muna tayong malaman ukol sa mga bagay tulad ng sinasabi nilang ako ay inaasahan na nila ayon sa 'nasusulat' at ang ating pakay di-umano sa kanilang lupain."  

Paliwanag nito sa kasama habang inoobserbahan ang mga palamuti sa loob ng silid.

Napansin niya sa pader sa may kabilang dulo ng  hapag ang simbolong kanina pa niya nakikita. Isang animo'y Mata sa unang tingin, ngunit kung iyong titi-tigan ng husto ay mapapansin mo na ang tila mata ay isang Buwan at ang tila kilay naman ay isang Bulalakaw na gumuhit sa ibabaw nito.

Maya't -maya pa ay may isang tauhan ng kaharian ang pumasok sa silid upang ipag-bigay alam sa kanila na parating na ang Raha at Datu. 

"Paumanhin mga senyor sa inyong paghihintay, may inasikaso muna kaming dalawang importatnteng bagay. Bueno, hali na't magsalo-salo muna tayo sa piging aking pinahanda para lamang sa inyo!"  Bungad ni Lapu-lapu sa dalawang dayuhan.

Tila nawala ang pagod ng dalawang dayo sa sarap ng kanilang nilalasap sa hapag-kainan ng Datu.

"Alam niyo senyor, matagal na naming inaasahan ang inyong pagdating dito sa aming lugar." Muling salita ni Lapu-lapu sa wikang Espanyol habang hinihimay ang karneng hawak niya.

"Pero bago muna tayo dumako roon, paumanhin kung ang aming mga kamay ang gamit namin sa pagkain, ito kasi ang kinagisnan naming paraan. Gayun pa man, mayroon kaming mga kubyertos na inihanda para lamang sa inyo." pambungad naman ni Humabon.

"Mabalik tayo, matagal nang nakasaad sa aming kasulatan na may mga banyagang mapapadpad dito sa aming lugar sa panahong ito na nagmula sa kabilang panig ng mundo..." ang patuloy na paliwanag ni Datu Lapu-lapu.

"Ano itong sinasabi mong nasusulat?" tugon naman ni Magallanes.

"Ang nasusulat ay ang minana naming kaalaman na nai-ukit ng aming mga ninuno sa pader ng kanilang palasyo isang libong taon na ang nakakaraan." ---

"Ang sinasabing palasyo ng mahal na datu ay ang pinaka-sentro ng aming Imperyo na matatagpuan sa hilagang bahagi nitong lugar na ito."  dugtong naman ni Humabon sa paliwanag ni Lapulapu.

"Tumpak na tumpak ang nasasulat tungkol sa inyo, pati ang oras ng inyong pagdating, at inyong mga kasuotan, lahat ay naka-lahad sa nasusulat. Kaya nga ako bumisita sa Kahariang ito para lamang masaksihan ang nakasaad at kaya ko agad pinag-abang si Raha Humabon sa Pantalan upang kung sakaling dumating nga kayo ay agad niya kayong mapuntahan." 

Patuloy na paglalahad ng Datu habang inihahanda ang kanin at ulam na kanyang kakainin. 

"Paano nalaman ng inyong mga ninuno, isang libong taon na ang nakakaraan ayon sa inyo ang akma naming pagdating dito sa inyong lupain?" ikalawang tanong ni Magallanes sa dalawa.

SulyapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon