Ang Hamon at Linawanag

234 3 0
                                    

              Hindi mabuhat o magalaw ang palayok mula sa kinalalagyan nito. Tinangkang basagin ng mga guro ang palayok. Sa tuwing papaluin nila ang palayok, ito ay magbibigay ng ilusyon ng basag na palayok. Padating ng umaga makikita  ng mga guro na buo pa ang palayok. At magsisismula na naman ang di mapigilang pag-angat ng takip ng palayok. Tiwalang-tiwala ang mga duwende sa tibay ng palayok. Matindi ang pagdadalamhati sa Barangay Pandayan. Parami nang parami ang mga batang dinadapuan ng sakit. 

            Sa tuwing uusog at aangat ang takip ng palayok, nauulinigan ni Eles ang taghoy ng dragon at phoenix. Naglakbay si Eles hanggang sa natunton niya kung saan nagmumula ang mga tinig ng dragon at phoenix. Pinasok niya ang silid na pinaglagyan ng mahiwagang palayok. Namula ang kanyang mukha. Lumaki ang dalawang butas ng kanyang ilong. Gigil na gigil siya. Tinanganan ni Eles ang kanyang maso, inikot ito ng tatlong beses, at pinukpok niya ang mahiwagang palayok. Walang nangyari. Tumalbog ang kanyang maso.

               “Hingin mo ang tulong ng limang magkakaibigan – si Rusa, Doro, Jovi, Dato, at Lian,” ang bulong ng mga anito kay Eles. Ang lima na lamang ang walang sakit sa mga kabataan ng Barangay Pandayan. Lingid sa kanilang kaalaman, pinagtanggol sila ng dalangin ng mga anito.  Agad pumunta ang lima sa paaralan pagkatapos udyukan ng mga anito. Pagkakita kay Eles at sa mahiwagang palayok, nagtinginan sila at nabatid nila kung ano ang gagawin. Kasabay ng paglutang sa hangin ng dalangin ng mga anito, hinawakan ng lima ang maso at ipinalo ito nang ubod lakas sa palayok. Boom! Naging alikabok ang durog ng palayok. Nakatakas ang dragon at phoenix.

            Ginamot ng dragon at phoenix ang lahat ng mayroong karamdaman. Ibinahagi ng dragon ang kanyang tapang at lakas ng loob. At ibinihagi ng phoenix ang kanyang kakayahang tumugon sa hamon ng anumang pagbabago. Nagkaroon ng malaking handaan. Maghapon at magdamag ang tawanan, kantahan, at sayawan. Mula noon, makikita ang larawan ng dragon at phoenix sa Pamantasan ng Pandayan. Hindi lang iyon. Ang magkatuwang na dragon at phoenix ay naging paboritong sagisag ng mga kabataan para sa tapang at talinong kailangan sa paghubog ng kinabukasan.

            Nasiyahan ang Anito ng Katapangan at ang Anito ng Pagbabago. Sa pinagsamang dalangin nila, maso ni Eles, at pagtutulungan ng limang magkakaibigan, nailigtas ang mga kabataan ng Barangay Pandayan. Humayo ang phoenix at dragon sa apat na sulok ng kaharian. Di nagtagal, bumalik sa tamang hatian ang dilim at liwanag. Umangat din ang pagkatao at ang pangarap ng marami sa  kabataan ng buong kaharian. 

            Samantala, nanawagan ang reyna ng mga duwende sa lahat ng mga maligno sa mundo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 12, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Alamat ng Dragon at PhoenixTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon