Ang Pag-asa

956 2 0
                                    

                  Ang Barangay Pandayan ay nasa paanan ng bundok ng mga duwende ng kadiliman. Doon, kilala ang kabataan dahil sa kanilang talino at galing sa sining. Bukod dito, maganda ang kalooban ng mga bata at marunong silang maghanda para sa kinabukasan. Sa hindi maunawaang dahilan, nanatiling matibay ang magandang asal sa puso ng mga kabataan ng Barangay Pandayan samantalang ang mga kabataan sa ibang lugar ay dahan-dahang nahahatak ng dilim. 

                 Sa wakas, dumating din ang araw na pinakahihintay ng mga anito. Ang susi sa kaligtasan ng dragon at ng phoenix ay natagpuan nila sa pagkakaibigan ng limang mag-aaral sa Pamantasan ng Pandayan - si Rusa, Doro, Jovi, Dato, at Lian. Kapag walang pasok, mahilig magkita-kita ang dalawang binata at ang tatlong dalaga sa ilalim ng higanteng acacia sa tabing-ilog. Doon ay magkukuwentuhan sila tungkol sa lahat ng bagay – mula sa mga walang kawawaang tsismis hanggang sa kanilang pinakamatayog na pangarap sa buhay. Lumilipas ang oras nang hindi nila namamalayan. Hindi alam ng lima na madalas pala silang daanan ng mga duwende ng kadiliman, mga duwendeng tago sa mga mata ng tao dahil sa kanilang gamit na usok.

                 Isang araw, ganito ang nangyari. Binuksan ng mga anito ang mga mata ng limang magkakaibigan upang mapansin nila ang ilang duwendeng nagdadaan sa kanilang tabi. Sinundan ng lima ang mga duwende hanggang sa bundok. Doon pinanood nila ang isang piging ng mga duwende. Habang nanonood sa palaro ng mga usok, namataan ng lima ang mga nawawalang estatwa ng simbahan. Sa gitna ng katuwaan ng mga duwende ng kadiliman, kinuha ng lima ang mga estatwa at ibinalik ang mga ito sa simbahan. 

Alamat ng Dragon at PhoenixTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon