Chapter 10

671 13 5
                                    

Ganda ng Lunes ko, down ang system namin. Ayon sa ilang IT na palakad-lakad sa floor, naga-upgrade daw ang system namin kaya usad-pagong ang internet. Offline pa yung ibang system kaya kahit pagtiyagaan namin ang trabaho, mapipikon lang kami sa bagal. Not bad. Petiks mode.

Medyo maingay sa floor ngayon. Walang ibang topic kun'di yung mga eksena sa team building. Sabagay, mula pa kanina sa elevator, hanggang sa locker room, papunta sa pantry hanggang dito sa station namin, puro tungkol sa team building ang usapan. Kaliwa't kanan ang protesta, payabangan, reklamo at side comments. May mga ilan pang nanghinayang na di ako nakasama. Yung iba naman, ininggit ako. Nung sinabi kong galing ako ng Capones, parang sila naman ang nainggit. Imbes na ako ang magtanong tungkol sa nangyari sa team building, yung tungkol sa lakad ko ang inusisa nila.

Tumambay muna kami sa pantry ni Tunyang tutal wala din namin kaming gagawin. Yung ibang mga kasama namin, kumain muna sa labas. Ikinuwento ko na rin sa kanya yung ilang detalye ng lakad ko. Yun nga lang, para akong nagkukuwento sa may sakit. Tahimik at parang hindi siya interesado sa kinukuwento ko. Wala man lang kahit anong komento o reaksyon ang loka. Ayun, tumigil ako sa pagkukuwento.

"O ba't tumigil ka?"

"Di ka naman nakikinig e."

"Nakikinig kaya ako."

"Ano yung huling sinabi ko?"

"Basta, yun na yun. Puro tungkol naman kay Lyla e. Tuloy mo na. O tapos?"

"Yun, tapos na."

"Parang tanga naman to magkwento..."

"Parang tanga ka kasi kakwentuhan. Kanina pa ko salita ng salita dito, di ka naman nagre-react. Malay ko kung nakikinig ka o ano."

"Ano ire-react ko dun?"

"Wala, bahala ka."

Hinila-hila niya yung manggas ng polo shirt ko. "Kwento mo na, bilis. Tapusin mo. Nakikinig naman e."

"Wala na ko sa mood."

"KJ naman neto."

"Bahala ka."

"Sungit. Meron ka ba ngayon?"

"Para sa'ken ba talaga yang tanong na yan o sa'yo?"

"Bakit ba?"

"Anong bakit ba? Kita mo, salita ako ng salita dito, di ka umiimik. Parang di nakikinig. Tapos, yung facial expression mo pa parang wala lang. Para akong nakikipag-usap sa may sakit na nireregla.

"Hindi nga, okey lang ako. Inaantok lang. Kwento mo na kasi."

"Wag na, nakakaantok naman akong kausap e."

"Hindi nga, to naman. Tampo agad."

"Okey na nga, tapos na nga e, kulit."

Di na siya umimik. Isinandal na lang niya yung ulo niya sa pader saka tumutok sa tv.

Ewan, may topak na naman ata to. Inaantok daw, samantalang kanina nung nagkukuwento siya tungkol sa team building kanina pagka-time in na pagka-time in ko, parang batang excited na excited magkuwento. Mga kalahating oras ata siyang nagdada-daldal. Nung ako na nagkwento, inantok naman. Ano kaya yun?

Letse, mahirap kausap ang may topak. Eto'ng hirap dito e, pag sinapian ng mood-swing, bigla-bigla na lang. Sarap kutosan. Naiirita pa man din ako sa ganyang trip niya. Buti sana kung mula kanina pagkapasok, ganun na siya. E hindi e! Sinimulan ako sa madaldal na intro, tapos ngayon...ewan ko ba.

Ang Babae sa Kabilang UpuanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon