28: Sincere

852 42 17
                                    

05-12-2024

Keifer

Hindi ko alam kung paano ako nagkalakas upang maihakbang ang isa kong paa paatras. Nahinto tuloy si tatay sa paglapit sa akin at mabilis na lumatay sa kaniyang mukha ang labis na pagkalumbay.

Bakit ganiyan ang reaksiyon mo 'tay? Hindi ka pa ba sanay na makita akong ganito? Takot na takot sa presensiya mo dahil kamuntikan mo na akong mapatay noon?

Makulimlim na ang kalangitan at nagsilbi ring silong ang mayayabong na mga dahon ng mga puno sa aming kinaroroonan. Hindi ko alam kung ano ang ngalan ng lugar na 'to dahil nakapokus lang kay tatay ang atensiyon ko. Ang alam ko lang ay nasa magubat kaming parte ng siyudad. May mga pampasaherong sasakyan na dumadaan at mangilan na kotse't motrosiklo. Hindi matao rito hindi kagaya roon sa napuntahan namin kanina kung saan namin unang naka-engkwentro si tatay.

Nang akmang lalapit muli si tatay sa amin ay pumagitna na si kuya Damian. Iniharang niya ang malaking katawan upang magsilbing sangga sa akin.

Para akong nabunutan ng malaking tinik nang gawin 'yon ni kuya Damian. Nakakataba ng puso 'yong ideya na may taong handang magprotekta sa akin. Hindi ako dapat magdiwang ngayon pero hindi ko maiwasang maging masaya dahil iyong taong gusto, na gusto din pala ako, ay handang gawin ang bagay na madalas ginagawa. Naalala ko noon na nasaksak siya ni tatay sa braso dahil sinalo nito ang saksak na dapat sa akin naman talaga.

Napuno na naman ng takot ang puso ko habang inaalala ang ala-alang 'yon. Para akong mawawala sa sarili. Hindi ko na nga makontrol ang mga kamay na napahawak na lang bigla nang mahigpit sa braso ni kuya Damian. Naramdaman at napansin niya 'yon kaya bahagya siyang napalingon sa akin.

"H'wag kang mag-alala at hanggang nandito ako, hinding-hindi kita pababayaan," malumanay niyang sambit sa akin.

Agad na namuo ang luha sa mga mata ko nang marinig ang mga sinabi niyang 'yon. Hindi ko magawang magsalita dahil sa kabang pumipigil sa labi ko. Naiinis na ako sa sarili dahil mukha na akong tanga. Ni hindi ako makalakad dahil sa matinding takot. Iyong lakas ko ay biglang naglaho at wala akong ideya kung paano ko pa nagagawang makatayo nang maayos dahil pakiramdam ko, ano mang oras ngayon ay babagsak ako. Hindi ko naman nalunok ang dila ko parang nakalimutan ko kung paano ang magsalita. Para akong naparalisado sa hindi ko malamang dahilan.

Tuluyan nang nakalapit sa amin si tatay pero pinigilan siya ni kuya Damian. Pilit niya akong inaabot kaya napabitaw ako nang wala sa oras sa braso ni kuya Damian. Hindi ko na nasuportahan ang sariling bigat kaya wala ano-anong napaupo ako sa sahig habang nakatingin kay tatay.

Hindi ko na napigilan pa ang sarili nang bumagsak ang mga luha ko. Patuloy lang ito sa pagragasa na tila ba wala nang katapusan. Nanginginig ang buo kong katawan sa takot at kahit na nandiyan si kuya Damian na nagsisilbing proteksiyon ko, hindi ko pa rin magawang palakasin ang sariling kalooban.

Nasaan na ang tapang mo, Keifer?

Napansin ko na unti-unting kumakalma si tatay mula sa pagpupumilit na abutin ako. Ang kaninang malakas niyang pagtawag sa aking pangalan ay unti-unting humihina hanggang sa marinig ko ang paghagulgol niya.

"Sorry, anak,"

Dalawang salita na matagal kong hindi narinig mula sa kaniya.

Sa tagal ng panahon na kasama ko siya, nakita ko muling umiyak si tatay. May parte sa puso ko ang gumuho at sa unang pagkakataon pagkatapos noong siya ay panandaliang nakulong ay tuluyan nang naglaho ang takot ko sa kaniya.

Hindi ko alam kung ano ang naroon sa dalawang salita na binigkas niya pero naging sapat iyon upang magkalakas ako nang loob na lapitan siya. Agad ko siyang niyakap at inalo dahil labis siyang nasasaktan. Patuloy siya sa paghagulgol habang binabanggit ang pangalan ko.

SEKYU (BL) Gentlemen Series #1Where stories live. Discover now