Kabanata 14

18 3 1
                                    

"ANO sa tingin mo ang magugustuhan niya?" tanong ni Soledad kay Ising habang tumitingin ng maaaring ibigay kay Badong.

"May okasyon ba? Bakit mo siya bibigyan ng regalo?" nagtatakang tanong nito.

"Wala. Naisip ko lang kasi na mula nang magkakilala kami'y mas madalas siya ang nagbibigay sa akin. Palagi na lang siya ang gumagawa ng paraan para magkita at makausap kami."

Napailing na lang si Ising. "Iba rin ang pagsisikap ng isang iyon. Hindi ako makapaniwala na ang Badong na tinutukoy mo ay ang kilalang pabling na mula noon ay paiba-iba ang babaeng kasama araw-araw. Ngayon aba'y kinuwento sa akin nila Pedro at Abel na halos hindi na tapunan man lamang ng tingin ang ibang babae," kuwento pa nito.

Nabuhayan ng loob si Soledad. "Siya nga?"

"Oo! Tila sadyang nabihag mo ang puso ng pabling ng San Fabian. Alam mo naniniwala ako na may mga lalaking pabling habang sila ay binata pa. Ngunit kapag nakilala na ang tamang babae para sa kanila, hindi na nila makukuha pang lumingon sa iba."

"Tama ka riyan, Ising. Ngunit may iba rin naman na kahit may asawa na patuloy pa rin sa pambabae," sabi naman niya.

"Ay, sakit na ang tawag do'n," mabilis na sagot ni Ising kaya natawa silang dalawa.

"Pili ka na ng ibibigay mo," sabi pa ni Ising.

Napangiti si Soledad nang makita niya ang isang polseras na gawa sa abaloryo na iba't ibang uri ng kulay na asul. Unang tingin pa lang ay alam na niyang nababagay iyon kay Badong.

"Ale, maaari ba itong ganitong kulay sa lalaki?" tanong pa ni Soledad sa tindera.

"Ay oo ineng, tiyak na magugustuhan iyan ng pagbibigyan mo," nakangiting sagot ng matandang babae.

"Sige ho, kukunin ko na."

Matapos bayaran ay binalot nito sa isang magandang papel ang polseras saka iyon binigay sa kanya.

"Maraming salamat ho."

Habang naglalakad palayo ay masaya pa rin na nagkukuwentuhan silang magpinsan.

"Magkikita kayo mamaya?" tanong ni Ising.

"Oo. Sa isang araw na ang balik ko sa Maynila eh. Gusto namin samantalahin hangga't may oras pa ako."

Ilang sandali pa ay napahinto silang dalawa nang may humarang na apat na babae sa kanilang harapan. Nagtataka na nagkatinginan silang dalawa.

"Anong maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong pa ni Soledad.

"Ikaw ba ang sinasabi ng iba na nakita nilang kasama ni Badong kahapon?" tanong ng babaeng nakabestidang pula.

"Ikaw ba ang kasintahan niya?" nakasimangot naman na tanong ng babaeng nakadilaw na bestida. Habang ang dalawa pang kasama ng mga ito ay kulay asul at puti ang suot.

"Ako nga. Sandali lang, sino ba kayo?" nagtatakang tanong ni Soledad.

Bahagya silang napaatras ng humakbang ang mga ito palapit.

"Hindi ko alam kung anong mayroon sa'yo at nakuha kaming ipagpalit ni Badong sa'yo."

Doon na nagsalubong ang kilay ni Soledad.

"Naku mga binibini, kung ako sa inyo ay aalis na ako. Naku po, hindi n'yo kilala itong pinsan ko," nag-aalalang sabi ni Ising.

"Hindi kami natatakot sa kanya!" sabi ng nakadilaw na bestida.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Where stories live. Discover now