Kabanata 6

80 6 0
                                    

MATAPOS maligo ay agad na nagbihis si Badong. Matapos magsuot ng pantalon ay dumungaw siya sa bintana at tumanaw sa malawak nilang bukirin. Nang umuwi na puno ng putik, agad niyang binigay sa ina ang napanalunan biik, bagay na labis nitong kinatuwa. Ayon pa sa ina ay aalagaan nitong mabuti ang biik at palalakihin at gagawin inahin.

Nawala sa kanyang ina ang isipan nang mula doon sa puwesto ay natanaw niya ang malaking bahay ng mga Mariano. Ang bahay kung saan nakatira si Soledad. Bumuntong hininga siya kasabay ng pagbalik sa kanyang alaala ng magandang mukha nito.

"Napakaganda," mahinang usal niya.

Iniisip pa lamang ang dalaga ay nagagawa na nitong pabilisin ang pintig ng kanyang puso. Hindi akalain ni Badong na mas maganda pa ang dalaga sa malapitan. Dahil doon ay tila ba lalo siyang nabighani dito. Lalong nahulog ang kanyang damdamin sa dalaga. Para bang nais niyang makita ito araw-araw. Iyon nga yata ang sinasabi nila na pag-ibig sa unang tingin.

Alam ni Badong na marami na siyang babaeng niligawan. Marami na rin siyang naging nobya at hindi na magagawa pang itanggi na marami na rin babae ang lumuha dahil sa kanya. Ngunit sa lahat ng babaeng dumaan sa kanyang buhay. Ngayon lamang siya nakaramdam ng ganoon. Simula kahapon mula nang nakita ito ay hindi na siya natahimik pa. Hanggang sa gabi ay walang ibang laman ang kanyang isipan kung hindi si Soledad. Kaya pinangako ni Badong sa kanyang sarili na gagawin ang lahat mapalapit lamang siya sa babaeng unang bumihag sa kanyang puso.

Mayamaya ay naputol ang kanyang pag-iisip nang marinig ang boses ng kanyang kaibigan na si Pedro.

"Aling Selya, nariyan ho si Badong?"

"Nasa loob at katatapos lang maligo."

Agad nagbihis ng pang-itaas si Badong at nagmamadaling pumanoog mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

"Halika na, Badong! Pumunta tayo ng bayan! Naghihintay na si Abel at Marcing! Mamaya pa naman ang sayawan eh."

"Sige, sandali lang at may kukunin ako."

Nagmadali siyang pumunta sa likod bahay kung saan may mga tanim ang kanyang ina na mga iba't ibang klase ng mga bulaklak. Pumitas siya ng labindalawang piraso ng mga bulaklak. Inaayos na lamang niya iyon nang biglang lumabas mula sa likod na pinto ang kanyang ina.

"Badong!" malakas na sigaw ng ina.

Mabilis siyang tumakbo palayo kaya naman hinabol siya ng ina hawak ang walis tingting.

"Lintik ka! Kaya pala nauubos ang bulaklak ng mga pananim ko ikaw ang kumukuha!" galit na galit na sabi ng nanay niya.

"Inay naman eh, para bulaklak lang. Tutubo rin naman ulit 'yan!"

"Ipamimigay mo na naman 'yan sa mga babaeng pinopormahan mo! Halika dito at nang makita mo ang ibibigay ko sa'yo!"

Mabilis na kumaripas ng takbo palabas ng bakuran si Badong nang habulin siya ng kanyang ina.

"Bilisan mo Pedro! Andyan na si Inay!" tumatawang sabi ni Badong habang nagmamadali sa pagsakay ng bisikleta.

Bago pa maabutan ng ina ay mabilis na silang nakalayo.

"Ikaw talaga, ginalit mo na naman si Aling Selya!"

"Kumuha lang naman ako ng bulaklak eh."

"Teka, para kanino ba 'yan?" tanong pa nito.

Bago pa masagot ni Badong ang tanong ng kaibigan ay namataan na niya ang isang pamilyar na mukha.

"Ising! Hoy Ising!" tawag niya sa kakilala. Ang isa sa mga babaeng kasama ni Soledad kanina.

Nang lumingon ito sa kanyang gawi ay sumimangot ito. Agad siyang lumapit

sa babae. Mabilis na bumaba ang tingin nito sa bulaklak na kanyang hawak.

"Parang alam ko na," sabi nito.

Inabot niya ang mga bulaklak dito.

"Salamat," sabi pa ni Ising saka sadyang pinapungay ang mga mata.

Ngumisi si Badong. "Ay hindi para sa'yo 'yan, para 'yan kay Soledad. Baka naman puwede mong ibigay sa kanya para sa akin."

Tumaas ang kilay nito. "Aba't inutusan mo pa ako! Saka mataas pa sikat ng araw ay nanliligaw ka na! Instik ka ba?"

"Hindi pa naman ako nanliligaw. Gusto ko lamang ibigay sa kanya 'yan dahil nasabi ko sa kanya kanina na bibigyan ko siya ng bulaklak sa halip na 'yong biik."

Pinaningkitan siya ng mga mata ni Ising at direktang tinuro ng hintuturo nito sa mukha niya saka nagpameywang. "Hoy Badong, binabalaan kita ah. Huwag mong liligawan ang pinsan ko! Kilala kita! Alam ko na marami kang kasintahan!"

Gulat ang bumakas sa kanyang mukha sa narinig mula dito. "Aba Ising, usap-usapan lamang 'yan ng mga chismosa natin kapitbahay. Wala akong nobya!" mariin niyang tanggi.

"Hindi ako naniniwala! Isa pa, may nobyo na si Soledad. Si Arnulfo. Iyong binatang anak ng may-ari ng pinakamalaking pamilihan diyan sa bayan!"

Nakaramdam ng pagkadismaya si Badong. May munting pag-aalalang umahon sa kanyang damdamin. Ngunit hindi niya hinayaan ang sarili na mapaghinaan ng loob.

"Eh ano, nobyo pa lang naman. Hindi pa naman asawa eh," sa halip ay nakangising sagot niya.

Sunod-sunod na pumalatak si Ising at umiling. "Talaga nga naman, itong si Bartolome."

"Manood ka, Ising. Liligawan ko si Soledad at mapapasagot ko siya. Mahirap kalabanin ang tunay na pag-ibig."

"Ikaw? Alam ang tunay na pag-ibig? Baliktad na ba ang ikot ng mundo ngayon?" panunudyo pa sa kanya nito.

"Sandali lang, mamaya ba pupunta kayo sa sayawan?" pag-iiba na niya ng usapan.

"Oo naman," sagot ni Ising.

"Mabuti kung ganoon. Basta ha, ibigay mo 'yan sa kanya. Bukas ililibre kita ng meryenda!" sabi pa niya habang palayo sakay ng bisikleta.

"Oo na, sige na!"

Masaya ang bawat pedal ni Badong palayo sa bahay ng mga Mariano. 


Note: 

Hanggang dito na lamang po muna. Kung gusto ninyong malaman ang karugtong ng kuwento ni Lolo Badong at Lola Dadang.  Maaari kayong bumili ng libro. At gaya ng nakalagay sa title. In-upload ko ang ilang chapters dito para sa promotion. Huwag sana kayong magalit. Trabaho lang. Maraming salamat. 

Please proceed to the Author's Note for the pre-order details of Tuwing DapitHapon. 

Maraming salamat po. 

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon