KABANATA 127

687 87 9
                                    

Senda's P.O.V.

Nag-umpisa na akong mag-alala nang halos magdadalawang oras na sa Nagadmalan ay hindi pa rin dumarating si Kuya Popoy.  Ang ibig sabihin kasi noo' y halos dalawang linggo na rin akong hinihintay ng mga kasamahan ko sa Mashuria at malamang ay nag-aalala na rin ang mga iyon sa akin. Kaya nag-aalinlangan ma'y nagpaalam na ako kay Tiya Hasmina at agad na naghanda sa pag-alis.

Papunta na ako sa lagusan na magdadala sa akin diretso sa Mashuria nang biglang sumulpot si Kuya Popoy, at agad din naman akong napanganga nang makita ko kung sino ang kasama nito. 

"Ate."  Tila nagmamadaling humangos ito sa akin.

"Jordanna? Anong ginagawa mo rito? Hindi ba't ang sabi ko'y doon mo ako hintayin sa tagpuan ng ating pangkat sa lupa? Kuya Popoy—" pagbaling ko kay kuya Popoy, "bakit dinala mo rito si Jordanna? Baka masundan tayo ni Jasper at ate Marietta rito!"

"Kaya nga kami nagtagal, dahil siniguro muna namin na walang naniniktik sa amin.  May gusto raw sabihin sa 'yo si Jordanna, at baka huli na raw kung hindi niya ito sasabihin sa iyo agad."

"Ano ba 'yun?"

"Ate, may iniutos kasi sa akin si Lola Marietta." Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. "Pero hindi ko alam kung kaya ko. G-gusto niyang isuko ko ang sarili ko kay Lucio upang galitin si Jasper, at upang maging mata niya sa kampo ni Lucio. Natatakot po ako."

Nagkatinginan kami ni Alfonso, dahil kami mang dalawa ay mga mata rin sa kampo ni ate Marietta. 

"Kanino ka ba natatakot, kay ate Marietta o kay Lucio?" deretsahang tanong ko kay Jordanna.

"P-pareho po. Pero lalong-lalo na kay Lucio."

Muli akong napasulyap kay Alfonso. "Kaya mo 'yan Jordanna, ako ang bahala sa 'yo." Kalmado kong wika.

"P-po?"

"Pumayag ka sa inuutos ni ate Marietta, ako ang bahala sa 'yo."

"P-pero hindi ba mababalewala ang plano natin sa SinagLangit na pumagitna kay Jasper at kay Lucio?  Siguradong magagalit si Jasper kapag sumama ako kay Lucio."

Napabuntong-hininga ako at saglit na nag-isip. Tama naman ito sa tinuran nito. May itinatag akong samahan ng matatapang na kababaihang misyunaryong Kristiyano na kung tawagin namin ay SinagLangit, at isa si Jordanna sa mga naanyayahan kong sanayin simula pa sa pagkabata nito.  Ang layunin ng sikretong samahan na iyon bukod sa pagpapakalat ng mga salita ng DIYOS sa mundo ng mga tao ay ang magsilbing tagapamagitan at kinatawan ng kapayapaan ng DIYOS sa magkabilang mundo. Binuo ko ito bilang pasasalamat at paglilingkod sa DIYOS na nagligtas sa akin sa San Isidro.  At sinadya ko talagang lihim na anyayahan si Jordanna nang malaman ko kay ate Marietta na ito ang napipisil niyang mapangasawa ni Jasper. Upang maging katuwang kong mamagitan kay Luis at Jasper sa takdang panahon. Ginawa ko rin ito upang masiguro ko ang kaligtasan ni Luis, dahil bagaman alam kong 'di hamak na mas mahusay itong mandirigma kay Jasper, ay hindi naman maitatangging ang nakababatang mandirigma lamang ang may kapangyarihang pumatay dito; at iyon mismo ang nais kong hadlangan.  

Ang lahat ng masalimuot kong mga kaparaanan at pagsasakripisyong tulad nito, ay isa lamang sa mga bagay na buong pagtatiyaga kong itinatayo at pinag-uukulan ng oras, alang-alang pa rin sa mahal kong asawa at anak.  Ang lahat ng ito ay para sa kanila, gaano man kasakit at kalungkot para sa akin ang mawalay sa kanila.

"Huwag kang mag-alala, Jordanna. Walang mababaliwala sa ating mga ginagawa. Huwag kang matakot. Tutulungan kita. Ipangako mo lamang sa akin na magiging tapat ka sa ating mga pinag-usapan. Walang maaaring makaalam ng tungkol sa ating samahan. At hindi rin maaaring malaman ni Ate Marietta o kahit ni Jasper ang tungkol doon.  Ang kapangyarihan at adhikain natin ay ang kapayapaan at katahimikan, kung kaya't kailangang mapanindigan natin ang ating lihim hanggang sa dulo. Nangangako ka ba?"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon