KABANATA 56

2K 220 48
                                    

Lucio's P.O.V.

"Sinong kasama mo rito?" tanong ni Senda.  Sinuyod nito ng tingin ang loob ng munting bahay ko.  Bakas sa mukha nito ang pagkamangha dahil kung gaano kasinauna ang hitsura nito sa labas ay moderno ito sa loob; kasama na ang lahat ng mga de kuryenteng kasangkapan.

"Ako lang nga!" Iginiya ko ito upang maupo sa sopa. Sumunod naman ito, habang ako nama'y dumiretso sa abot-tanaw na kusina dahil wala naman itong dibisyon sa sala. Nag-umpisa na akong maghanda sa pagluluto.

"Anong ginagawa mo?" nang mapansin niya ang ginagawa ko.

"Magluluto. Hindi ka ba nagugutom? Magtatanghalian na ah." Habang inalalatag ko ang mga kaserola sa kalan.

Namilog ang nga mata nito, "marunong kang magluto?"

"Oo naman." Isa-isa ko na ring inilabas ang mga lulutuin ko mula sa ref at batalan.

"Wala ka bang kasamang alalay rito o kasambahay?"

Sinulyapan ko ito, "kasasabi ko lang 'di ba? Wala akong kasama rito. Nakikita mo ba 'yan." Itinuro ko ang pintuan ng nag-iisang silid,"yan lang ang kuwarto rito, at sa loob niyan, ang nag-iisang banyo. Para sa akin nga lang ang bahay na ito."

"Ikaw rin ang naglalaba ng damit mo?"

Natawa ako, "bakit ba parang hindi ka makapaniwala? Oo, ako rin ang naglalaba ng damit ko, naglilinis ng bahay na ito, nagsisibak ng kahoy para sa pugon, nagtatanim ng mga gulay sa likod bahay, nagtatanim ng mga halaman sa hardin, namimingwit ng isda sa lawa, ang namamaraka sa kabilang ibayo, ano pa ba ang nais mong itanong?"

"Wow, sipag ah!" Ngimiti ito at lumapit sa akin, "tulungan na kita." Kinuha nito ang sangkalan at kutsilyo, "ano bang lulutuin natin?"

"Plano ko sanang magpinakbet." Iniabot ko sa kanya ang mga sitaw, talong at ampalaya. Habang iniwan ko sa sangkalan ko ang matigas na kalabasa upang hatiin at talupan. "Alam mo ba ang tamang paggayat?"

"Huwag mo akong insultuhin, Luis." Pabirong wika nito habang kinukuha ang mga gulay sa akin, "mga inutil lamang ang hindi alam ang tamang paggayat sa iba't ibang putahe. Para pangpinakbet lang eh. Ako na rin ang bahala diyan sa kalabasa."

Tinawanan ko ito, "matigas 'to at malaki. Ako na rito!"

Nagulat ako nang pabigla nitong itinaga ang kutsilyo sa sangkalan. Nakabungisngis naman ito sa akin, "hindi ako takot sa matigas at malaki 'no! Isang taga ko lang 'yan 'no!" Napatingin ako sa ibaba ko dahil doon din siya biglang tumingin.

"Baliw." Biro ko rito. "Kababae mong tao, marumi kang magbiro."

"Kapal ng mukha mo, ano bang pinagsasabi mo riyan?"

Muli akong tumingin paibaba at noon ko lamang napansin na nakatapat nga pala naman doon sa harapan ko ang kalabasa. Wala akong maidahilan kaya idinaan ko na lamang sa malakas na pagtawa.

"Dali, ako na nga riyan sa kalabasa. Magsaing ka na lang." Anito sa akin.

"Inuutusan mo ba ako?" maging ako ay nagulat sa tanong ko, palibhasa'y hindi ako sanay nang inuutusan ng kahit sino.

"O sige, ganito na lang...Luis..." nilambingan nito ang pagbigkas sa pangalan ko, "puwede bang, ikaw na lang ang magsaing? Ako na lang ang bahala diyan sa malaki at matigas mong...kah-labasah. Sige na, please?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Hindi ko alam kung ano ang meron sa sinabi niya pero tawang-tawa ako. Hindi ako makakilos agad dahil sumasakit na ang tiyan ko sa pagpigil na mapalakas masyado ang pagtawa ko.

"Letse ka Luis ha!" muling tumigas ang pagsasalita niya, "ang hirap mong pakiusapan ha!"

"Oo na, oo na!" tumalikod na ako dahil lalo lamang akong napapatawa kapag napapatingin ako sa kanya, "magsasaing na po mahal na reyna!" Nag-umpisa na akong magtakal ng bigas upang hugasan ito.

"Bilisan mo na ang pagkilos muchacho!" Pumalakpak pa ito, "anong petsa na? Pagsasaing lamang ay hindi mo pa magawa nang mabilis? Huwag mo akong galitin kung ayaw mong matulad ang kapalaran mo sa..." muli nitong pabiglang tinaga ang ginagayat niya sa sangkalan, "talong na ito!" Sabay tawa nito nang malakas.

Namimilipit ako sa katatawa habang isinasalang ko ang bigas sa rice cooker.

***

Pagkatapos naming mananghalian ay magkasabay kaming napadighal ni Senda.

"Ibang klase ka palang dumighal, Senda. Parang sa barako!" Biro ko.

"Siraulo ka! Hindi ako 'yon no. Utot mo 'yung narinig mo 'no. Napaka-guwapo mo nga pero yuck! Ang lakas mong umutot at ambaho, kadiri!"

"Mabaho? Ibaba mo kasi 'yang kili-kili mo para hindi mo maamoy ang sarili mo."

Inipit ko ang mga labi ko upang pigilan ang pagtawa nang halinhinan niyang inamoy ang mapuputing kili-kili niya.

"Hayup ka!" Humahalakhak na binato niya ako ng isang pirasong ubas. "Naiinggit ka lang sa kili-kili ko dahil 'yang sa 'yo puro buhok buwahaha!"

"O siya sige na, panalo ka na." Nag-umpisa na akong tumayo upang mag-ayos ng pinagkainan. "Huhugasan ko lang muna 'to tapos ipapasyal kita sa palibot ng bahay hanggang doon sa daungan sa may dalampasigan."

Tumayo na rin naman ito upang tulungan ako. "Dalampasigan?"

Sa halip na sagutin ito ay binuksan ko ang pintuan patungo sa balkonahe. Napanganga siya nang makita niyang tanaw na tanaw namin ang karagatan.

"Kanino ang mga 'yun?" Itinuro nito ang mga nakahilera kong mga bangka, isang yate at isang barko kung saan nakagarahe ang aking kotse at iba pang mga sasakyang panlupa."

"Sa 'kin. 'Yan ang ginagamit ko para makatawid sa kabilang ibayo upang mamaraka at--"

"Sa pagpunta sa San Gabriel?"

Napalunok ako at nakaramdam ng kaba nang marahan niyang ipinaling ang kanyang mga mata sa akin.

"K-kung n-nais mong ihatid kita, p-puwede naman pero..." hindi ko na masyadong natatantiya ang mga sinasabi ko.

"Pero mapapahamak ka kay Lucio?"

Sandali kaming nagkatitigan ngunit agad din naman akong umiwas ng tingin. Hindi ko rin naman kasi nais na ilihim ang tunay kong pagkatao sa kanya ngunit kailangan; kahit na pansamantala lamang. Kahit hanggang sa makahanap ako ng paraan na masabi sa kanya ang katotohan nang hindi siya mapopoot sa akin.

"Pst. Hoy!" Tinapik ako nito sa braso. Nagulat ako dahil hindi ko na alintana ang biglang paglalim ng iniisip ko. "Wag kang mag-alala riyan! Hindi ko naman siyempre hihilingin 'yun sa 'yo kung alam kong mapapahamak ka." Niyakap nito ang kaliwang braso ko, "hindi pa pati ako puwedeng umalis dito nang hindi natutulungan ang mga kasamahan ko. 'Yun nga lang may ipapakiusap sana ako sa 'yo kung puwede?"

"A-ano 'yun?"

"Maaari bang kapag nagtungo ka sa San Gabriel, may ipapakuha lamang ako sa 'yo na mahalagang bagay sa bahay ko."

"S-sige. Ano ba ang bagay na ito?"

"Isa itong kahon na may katamtamang laki. Nakalagay ito sa ilalim ng papag ko. Kunin mo na lang 'yung buong kahon tapos dalhin mo rito sa akin. 'Yun nama'y kung hindi ito kalabisan para sa 'yo."

Pakiramdam ko'y nabunutan ako ng tinik sa dibdib, "walang problema, Senda. Bukas na bukas din ay kukunin ko iyon para sa 'yo."

Biglang lumundag si Senda, "Ayy salamat Luis," pinisil nito ang magkabilang pisngi ko, "ang bait-bait mo talaga. Kung puwede lang kitang halikan, hahalikan kita."

"Bakit hindi!" Wala sa sarili kong bulalas. "Este...ang ibig kong sabihin eh, w-walang anuma--"

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang bigla nito akong hinalikan sa kanang pisngi.

"Hoy!" Humahagikhik na panggugulat nito nang mapansin nitong tila naninigas ako sa kinatatayuan ko. "Ayos ka lang ba?"

"Bitin este...O-oo. Oo ayos lang ako." Nagkumahog akong bumalik sa pag-aayos ng pinagkainan namin. "B-bibilisan ko lang itong paghihimpil para maipasyal na kita sa labas."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon