KABANATA 66

911 88 18
                                    

LUCIO's P.O.V.

Hindi ko halos mapigilan ang galit ko kay David sa kabila ng nababakas na pagsisisi nito sa kanyang mukha.  Nakaluhod ito, at ang Aswang na si Sixto sa harapan ng aking trono, pawang nakayuko dahil hindi makatingin sa akin ang mga ito nang diretso.  Ngunit sa halip na saktan ko pa ay pinagbabato ko na lang ang mga ito ng mga puto at kutsinta na inihain sa akin ng isa sa mga tagapagluto sa palasyo.  Hindi ko naman mapaniwalaang nakuha pa nilang sambutin ang mga ibinabato ko sa kanila upang kainin. Naghagikhikan ang iba sa mga guwardiya, ngunit agad ko rin namang sinuyod ang mga ito ng matatalim na tingin kaya't agad rin naman silang nagsitahimik.

"Bakit nagdedisisyon ka ng mga gano'ng kadelikadong bagay nang hindi mo ipanapaalam kay Ramiro, o sa akin?" Nakatingin ako kay David. "At anong ginagawa mo sa Selda, kawal ka ba?"

"Eh...kasi po ano eh..." Nag-aalinlangang sagot ni David.

"Sabihin mo na kasi ang totoo."  Bulong ni Sixto rito, "narito na tayo eh."

"Manahimik ka!"  Singhal ko kay Sixto, "Isa ka pa! Sino ang nagbigay ng karapatan sa 'yo ng saktan at kaladkarin si Senda? Sasapakin kita eh!"  Humaya akong tatampalin ito ngunit hindi ko itinuloy.

"Hindi ko naman po siya sinaktan, napahigpit lang po talaga ang hawak ko dahil nagpupumiglas siya."

Sa narinig kong pagsagot-sagot nito ay hindi ko na napigilan, binatukan ko na ito.  "Pasensya na po..." Anito.

Muli kong ibinaling ang tingin ko kay David, "sasagutin mo ba ang tanong ko o hindi?  Anong ginagawa mo sa selda eh hindi ka naman kawal?"

"Eh...ano po kasi." Hindi pa rin nito makuhang sabihin.

"Eh kasi po may nililigawan siyang diwatang nakakulong doon."  Biglang sabat ni Sixto.

Muli kong binatukan si Sixto dahil sa pagsabat gayung hindi naman ito ang kinakausap ko.

"Isa sa mga preso?" tanong ko kay David, "sa anong kaso?"

"Pagnanakaw daw po ng mga perlas ng nasirang Kapitang Bebeng." Muling sabat ni Sixto. Inis na inis na ako sa pagsabat nito kung kaya binunot ko na ang aking panyo, binilot ito at isinaksak ko ito sa bibig nito.

"Napagbintangan lang po." Nanlulumong wika ni David. "Hindi naman talaga siya ang nagnakaw, ang kaso, wala namang may gustong tumestigo sa para kanya. Idiniin siya ni Kapitang Bebeng dahil sa hindi nito pagpayag na magpaangkin sa kanya."

Sandali kong pinabayaang mamayagpag ang katahimikan.  Ginamit ko rin ang pagkakataong iyon upang makapag-isip at paghilumin ang aking galit.

"Wala kang permiso na magtungo sa mga selda, David, at hindi pa rin kita binibigyan ng permiso. Sa uli-uli na pumunta ka roon nang walang pahintulot mula sa akin, kakalimutan ko lahat ang pinagsamahan natin. "

Tuluyan nang lumuha si David sa aking mga tinuran, ngunit batid ko naman na hindi ito dahil sa aking pagbabawal, kundi dahil sa hindi na niya maaaring kitain pa ang diwatang nakakulong doon.

"Pero huwag kang mag-alala..." Pagpapatuloy ko, "paiimbistigahan ko ang kaso ng diwatang tinutukoy mo.  Kapag lumabas sa imbestigasyon na wala naman itong pagkakasala, sisiguraduhin kong makakalaya  siya sa lalong madaling panahon."

Hindi pa ako tapos sa pagsasalita nang mapansin ko ang pagtunghay ni David; umiiyak sa tuwa. Napansin ko naman na tila may sinasabi si Sixto kahit na may nakapasak na panyo sa bibig nito kung kaya tinanggal ko na ito sabay tapon ko sa sahig ng nalawayang panyo.

"Salamat po."  Agad na sinabi nito sa akin.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon