CAPITULO 27 - Brave

39.2K 2.3K 1.5K
                                    

CAPITULO 27


'NAGTATAMPO KA BA?'


Alam ko kung kaninong boses ito. Boses ng kaibigan kong si Bhing.


'SORRY, NGAYON NA LANG ULIT, HA? MARAMI KASING TRABAHO KAYA HINDI AKO NAKAPUNTA NOONG ISANG LINGGO. PERO NANDITO NA ULIT AKO, KAYA HUMANDA KA DAHIL KUKULITIN NA NAMAN KITA.' 


Ramdam ko ang lungkot sa boses niya kahit pa pilit niya iyong pinasisigla.


'SWELDO KO NA PALA NEXT WEEK. IBIBILI KITA NG LIBRO. BABASAHIN KO PARA SA 'YO. ANO, GUSTO MO BA IYON, HA?'


Patuloy siya sa pagkukuwento ng kung anu-ano. Kakaunti lang sa mga iyon ang malinaw na naririnig ko. May pagkakataon kasi na ang boses niya ay parang nag-e-echo.


'SAKA NGA PALA, ALAM MO BANG PINAPANSIN NA AKO NI JULIAN NGAYON? MASUNGIT PA RIN SIYA PERO AT LEAST AY PINAPANSIN NA AKO. HAY, KINIKILIG AKO, KENA!'


Naramdaman ko ang marahang paghaplos niya sa aking ulo.

 

'IKAW, KAILAN KA MAGKUKUWENTO SA AKIN NG NAKAKAKILIG NA MOMENTS? PERO KAHIT 'WAG NA. KINIKILIG NAMAN NA AKO SA MGA NAKIKITA KO. DALA-DALAWA LANG NAMAN KASI ANG MASUGID NA NAG-AASIKASO SA 'YO RITO.'


Ha? Dalawa? Sinong dalawa?


'PERO GUSTO KO RIN PALA NA MARINIG KANG MAGKUWENTO. KAYA, KENA, PLEASE NAMAN... BUMALIK KA NA...'


Bumalik? Bakit, nasaan ba ako? Saan ako nagpunta? Gusto kong magsalita, sabihin na naririto lang ako, pero walang lumalabas na salita sa bibig ko. 


'BUMALIK KA NA, KENA. MAGKUWENTUHAN NA TAYO, SIGE NA. MISS NA KITA. MISS NA MISS NA KITA...'


'KENA, BUMALIK KA NA. BUMALIK NA KAYO...'


Kayo? Sino ang kasama ko?


'KENA, BUMALIK KA NA... BUMALIK NA KAYO NI...'



HAH! Humihingal na napadilat ako. Patihayang nakahiga ako sa foam, ang higaan na pag-aari ni Ekoy noon. Nag-iisa ako sa kuwarto nito. Pero bakit ako nandito? Kailan ako pumunta rito?


Ano bang oras na? Madilim pa sa labas ng bintana paglingon ko. Hinanap ko sa aking tabi ang phone ko. Sa itaas ng maliit na screen ay makikita ang oras na 3:25 a.m.


Mukhang mga ilang oras din ang tulog ko. Nakapagpahinga na ako kahit paano, kaya bakit kaya pagud na pagod pa rin ang pakiramdam ko? Para akong tumakbo ng pagkalayo-layo!


Nakahiga ako at nakatitig sa kisame nang bumukas ang pinto. Si Julian ang dumating. Basta siya humiga sa sahig ng kuwarto, kalahating dipa ang pagitan sa akin, at ang kanyang unan ay ang bag niya.

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon