CAPITULO 5 - Oppression

42.8K 2.7K 1.2K
                                    

CAPITULO 5 


I'M ONLY NICE TO YOU.


Hindi na ako nagsalita o nagtanong. Tumayo naman si El. May tiningnan siya na kung ano doon sa madilim na parte ng bodega na hindi abot ng liwanag ng flashlight sa phone niya.


Palalim na ang gabi. Pumupusyaw na rin ang liwanag mula sa flashlight. Hindi ako natutulog na patay ang ilaw, dahil sa totoo lang ay duwag ako sa dilim. Nakakapagtaka lang na kahit alam ko na mamaya ay mawawalan na kami ng liwanag, wala akong takot na nararamdaman.


Bakit hindi ako natatakot? Dahil ba alam ko na may kasama ako?


Ngayon lang ako matutulog nang may kasama. Kahit noong bata pa ako, wala na akong kasamang matulog. Kahit noong hindi pa nakakapag-asawa ulit si Mama, hindi na ito tumatabi sa akin sa kama.


Kahit ang mga malalayong pinsan ko, mga tiyahin, o kahit sinong kapamilya na nagagawi sa amin, walang nagtatangka na tumabi sa akin. Ayaw nila.


Noong una, natatakot ako na mag-isa sa higaan, mag-isa sa kuwarto, pero kalaunan, akin na ring nakasanayan. Hindi ako nagpapatay ng ilaw kahit kailan.


Ngayon na lang ako magkakaroon ng kasama sa magdamag. Isang tao na hindi ko pa kaano-ano. Hindi ko rin kaibigan. Pero bakit ganito ang pakiramdam? Kampante ako imbes na mailang?


Inaantok na rin ako kahit hindi naman ako antukin. Okay lang din kahit madilim. Parang ang sarap lang matulog nang hindi kinakabahan, hindi patingin-tingin sa paligid, at hindi nagtatalukbong ng kumot. 


Hindi ko napigilan ang paghikab. Paglingon ko kay El ay nakatingin siya sa akin. Nahuli niya akong nakanganga habang sa akin nakatutok ang flashlight niya. Napayuko agad ako dahil baka naisip niya na ang laki ng bibig ko.


Lumapit siya at pinagpagan ang papag na hinigaan niya kanina. Hinubad niya ang suot niyang polo at nilatag sa papag. "Kena, humiga ka na."


"Hindi pa ako..."


Hindi niya na ako pinakinggan. Kumuha siya ng ilang pirasong libro sa may malapit na shef at nilagyan sa gitna ng papag bilang harang. Pagkatapos niya iyong gawin ay pahalukipkip siyang nahiga sa kabilang gilid ng papag, patalikod sa akin.


Bumilang ang ilang segundo na wala na siyang kagalaw-galaw sa puwesto niya. Napalabi na lang ako. Okay, tutal matutulog na siya, matutulog na rin ako.


Nahiga na ako sa polo niya na nakalatag sa papag. Sinulyapan ko pa siya ulit bago ako humiga patalikod din sa kanya. Bago ako pumikit, unti-unti nang lumalabo ang kapirasong liwanag sa paligid. Parang may mga imahe na gumagalaw sa dilim. Sinikap ko na huwag nang dumilat ulit.


Nilukob na ako ng antok. Siguro dahil sa pagod na rin kaya ako tuluyang nakatulog. Naalimpungatan lang ako na may bumubulong sa akin. Parang galing sa napakailalim. Mahinang boses na maliit, matinis, masakit. 


"Veni vici asywis gu la kara portus... Ergo sum humabruso poro kan... Saremun siniklis magnus... Ipiro eru dirr upora suweya para mus..."

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon