Chapter 1

15 7 10
                                    

Kahit kailan, hindi ko nagustuhan ang guts ng ibang babae. May mga pagkakataon kasing sobrang uncertain sila sa mga desisyon nila sa buhay. Rason na rin siguro kaya 'di tumatagal sa mga relasyon.

Minsan nga, umupo ka lang sa waiting shed habang naghihintay tumila ang ulan—may grupo ng mga babaeng tatabi sa 'yo para pag-usapan mga buhay na 'di naman kanila—maririndi ka na. At doon ko damang-dama kung bakit ayokong kasama sila.

'Yong mga kilala ko nung high school, mahilig lang magturó, e. Pero wala namang paninindigan. Ginagawa nilang rason ibang tao, kahit ang totoo—sila naman talaga ang may kasalanan.

"Nakanguso ka na naman diyan, besh," bungad ni Cassandra paglabas nya ng cubicle. Sinamahan ko kasi siya rito sa banyo.

Humarap kaming dalawa sa malapad na salamin. Nag-ayos si Cassandra ng buhok niya. Ch-in-eck pa niya ang labi niya, ang pisngi niya, pati mata niya—siguro para makita kung may muta na ba siya. At saka lang siya kumuha ng lipgloss, pulbo, at brush sa pouch niyang iniwan niya sakin nung jumingle bell rock siya.

"Hindi siya kagaya ng iba . . ."

"Huh? Anong sinasabi mo?" tanong niya habang nasa salamin pa rin ang tingin.

Umawang naman ang labi ko at mabilis na umiling. Ang lakas pala ng pagkakasabi ko! 

"Wala, ano . . . . sabi ko, ang swerte ko kasi hindi ka 'yong klase ng kaibigan na tulad nina Yula."

Si Yula kasi, chismosa 'yon ng eskwelahan. Wala naman akong pakialam sa life style niya kaso parang halos lahat na lang sa batch namin, nagawan na ng kwento no'n. Parang hindi college umasta, e. Ayos lang maging totoo at transparent. Kaso 'yong pagiging transparent niya—nakakasira na ng ibang tao.

"Bakit naman ako magiging katulad niya?"

"Parehas kasi kayong maarte. Pero normal naman dahil mga babae kayo. Bearable naman sa 'yo at talagang ginagawa mo para sa sarili mo. E 'yon, ewan ko."

Natawa siya nang matapos maglagay ng lipgloss. Pinanood ko siyang ibalik 'yon sa pouch at ipinulupot ang braso sa baywang ko. 

Nahigit ko ang hininga ko.

Nasabi ko na 'to sa sarili ko. At uulitin ko na naman. Matagal ng ganito sa akin si Cassandra. Normal na clingy siya. Normal na magpa-baby siya sakin. Normal . . . . normal ang lahat, Angel, ayos ba? 

Huwag kang assuming. Kaibigan ka lang.

"'Wag mong sinasayang 'yong oras mo sa mga 'yon. Ang pangit pakinggan na kinukumpara mo kami sa isa't isa, beshy," malambing niyang wika habang nakatitig sa mga mata ko. 

Pero ako, para akong machu-choke dahil sa nararamdaman ko.

"Kung makapagsalita ka, para kang hindi babae. Hayaan mo si Yula sa buhay niya, magsasawa rin 'yon." Bigla siyang bumitaw sabay lakad palabas ng CR. Sumunod naman ako sa kanya.

Dahil na rin officer sa Supreme Student Council si Cassandra, may mga bumabati sa kanya. Meron ding hindi at patuloy lang ang buhay. Akala ko dati, tulad sa mga napapanood ko—dahil nga matataas ang lebel ng mga kagaya ni Cassandra—halos magluhuran sa kanya mga tao, pero hindi. Alam ko ring hindi kaya ni Cassandra 'yon.

At saka, hindi rin naman nangyayari sa realidad 'yon. Na-realize ko na kaya sumasablay tayo sa pagpili ng mga liderato, e dahil din sa mga taong oblivious sa paligid nila. Basta kung sino ang uso, sino ang mas papansin sa kanila (na sa umpisa lang naman), 'yon lang din ang mabenta sa kanila. Pagkatapos no'n, pag nagkagipitan na—wala na.

Buti na nga lang din 'yong mga officers ng SSC namin ngayon, mga matitino at mga maaasahan naman. Kaya sobrang busy ng university ngayon dahil next week, Valentine's Day na.

Bite of an AngelWhere stories live. Discover now