Kabanata 23

641K 19.8K 3K
                                    


Restored copy/deleted comments/Let's make new memories :)

Kabanata 23

NAPAHALUKIPKIP AKO HABANG pinagmamasdang tulog si Jumbo na tatlong hakbang lamang ang layo sa akin. Napakahimbing ng kanyang tulog sa kabila ng ilang benda at gasa niya sa katawan. Nagkaroon kasi siya ng ilang mga minor burn injury sa kanyang braso at tagiliran nang pumasok siya sa nagliliyab na bahay nila Mama mahigit isang linggo na ang nakakaraan.

Paano niya naisip na basain ang katawan niya sa loob ng nasusunog na bahay? Paano niya naisip na maglagay ng basang tuwalya na takip sa kanila ni Ruby? At paano niya rin naisip na sagipin si Ruby? Maraming tanong sa isip ko pero balewala na iyon ngayon dahil ang mas importante ay ligtas sila.

Napangiti ako habang minamasdan ang pagtulog niya. Sa sobrang sarap ng kanyang tulog ay di niya alintana ang nakadantay na si Dangdang sa kanyang katawan. Sa kanyang leeg naman ay naroon si Bayug na kung gaano kahimbing ang tulog ni Dangdang ay ganoon din ito. Dito muna sila tumuloy sa inuupahan ko habang ipinapagawa pa ang bahay na nasunog. Maigi na lang at sadyang generous ang foreigner na amo ni Amang na si Lucas ito ang pansamantalang sumagot ng pagpapagawa ng bahay. Pinautang rin nito si Amang ng pera para makapagsimula muli. At dahil may kalayuan kami sa mga kapitbahay, wala kaming masyadong naperwisyo nong nagkasunog. At si Lucas na rin ang sumagot sa ilang technicalities.

Biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Ruby.

"Goodmorning, Ate Rosenda," nakangiting bungad niya sa akin. May bitbit siyang plato na may lamang sandwich na ang palaman ay peanut butter.

Hay, Diyos ko. Ang sarap talaga sa tainga na marinig ang pagtawag niya sa akin ng ate.

Bumaling siya kila Jumbo na malalim pa rin ang pagtulog. "Gising na! Kakain na tayo!"

Dali-dali namang nagsibangunan ang tatlo nang makarinig ng pagkain. Sa mga dala ni Ruby sila agad dumeretso. At nang madakot ni Jumbo ang mga sandwiches ay agad niyang kinasalo si Bayug na para bang tao lang din ito. Si Dangdang naman ay pupungas-pungas pa habang ngumunguya.

Nilapitan ni Ruby si Jumbo. "Jumbo, gusto mo bang sa amin magpasko?"

"Jumbo..." tugon lang ni Jumbo sa kanya habang abala ito sa pagkain.

Bigla tuloy akong nalungkot. Mabuti pa si Jumbo ay imbitado nila. Samantalang ako ay naroon pa rin kung saan noon ang kinalalagyan ko sa kanilang pamilya. Ganoon pa rin sila Amang sa akin. Hindi pa rin nila ako pinapansin.

May nararamdaman akong katiting na pagbabago sa kanila dahil bukod sa maayos na nila ako kausapin, ay hindi na rin nila ako inuutusan. Kaya nga lang, mas marami pa rin iyong mga oras na iniiwasan nila ako sa tuwing nakakasalubong ko sila. Nitong mga nakaraang araw kasi ay madalas akong naroon sa ginagawa nilang bahay dahil tumutulong ako kahit sa mga simpleng gawain. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi pa rin ako nakakapag-apply ng trabaho.

Boses ni Ruby ang pumukaw sa naglalakbay kong diwa. Hindi ko namalayang nakalapit na pala siya sa akin. "Ate..." Hindi siya makatingin sa akin nang maayos. "Kasi... pinatatanong nila Amang kung..."

Napalunok ako.

"Kung pwede daw bang sa amin ka mag-Noche Buena mamaya..."

"Ha?" napatigagal ako. Totoo ba itong naririnig ko? Iniimbitahan din nila ako?

Napanguso pa si Ruby. "Sige na Ate, pumayag ka na. Para sana kumpleto tayong pamilya sa araw ng Pasko."

Lumamlam bigla ang aking mga mata. "Ruby..."

"Ate, thank you sa lahat. Sori kasi, ngayon lang ako nagpasalamat sa'yo. Nahihiya kasi ako..."

Hindi ko na napigilan ang sarili ko, niyakap ko na siya.


...

HINDI KO NA MABILANG kung ilang Pasko na ang nagdaang nakasama ko sila Mama. Ngunit ni isa sa mga Paskong iyon ay wala akong maalala na tunay akong napabilang sa kanila. Narito kami ngayon ni Jumbo sa ginagawa nilang bahay na mayroon pa lang bubong at ilang haligi ngunit hindi pa ganoon kabuo. May mga ilang kapitbahay kasing nagboluntaryong tumulong sa paggawa nito kaya ganoon ito kabilis na unti-unting nayayari.

Malalim na ang gabi ng mga oras na ito at ilang minuto na lang ay Pasko na. Nagmamadali akong ihanda sa mesa ang mga pagkain at mga prutas katulong ko sina Mama at Ruby. Nang makatapos kami sa paghahanda ay dumulog na si Amang sa hapag na kanina'y nagsesemento pa ng haligi. At nang makaupo na rin silang lahat sa mesa ay lumayo na ako. Hindi ko na inantay na paalisin nila ako.

Mula sa malayo ay pinagmasdan ko ang masayang pamilya na ngayon ay magkakaharap na nananalangin sa harapan ng pagkain sa kanilang mesa. Sanay naman na ako. Taun-taon ko naman na itong ginagawa. Sa gawing kanan ko naman ay naroon si Jumbo na mahimbing na ang tulog dahil sa pagod. Kanina pa kasi sila naglalaro nina Dangdang at Bayug.

Mayamaya pa'y tumunog na ang mga kubyertos senyales na nagsisimula na silang kumilos sa pagkain. As usual, magsasalin si Amang ng softdrinks sa baso at saka siya magbibigay ng pagbati. "Merry Christmas ebribadi!"

Napangiti ang lahat sa kanya. Ngunit nakakapagtaka lang na lahat sila ay napatigil na para bang may pinakikiramdaman. Pagkuwan ay tumayo si Amang at tumabi siya sa upuan ni Mama. Pagkatapos ay tumikhim siya. "Rosenda, kakain na."

Napatanga ako sa sinabi niya. "Ho?"

Nilingon ako ni Mama sa aking pwesto. "Kakain na. Sabayan mo na kami." Diretso ang tingin niya. Gayunpaman, wala ring lambing sa kanyang boses na mariringgan.

Parang wala pa rin ako sa sariling tumayo at naglakad papunta sa kanila. At bago ako makarating sa bakanteng bangko na inalisan ni Amang ay para bang matatalisod pa ako sa kaba. Hindi kasi ako makapaniwala. Nangyayari ba talaga ang lahat ng ito?

Makakasalo ko talaga sila sa pagkain ngayong araw pa ng Pasko?

At nang makaupo ako sa harapan ng mesa ay halos hindi makatingin sa akin sina Amang at Mama. Samantalang si Ruby naman at Dangdang ay nakangiti sa akin. Muling iniangat ni Amang ang baso niyang may softdrinks paharap sa akin. "Merry Christmas, Rosenda," bati niya sa akin ngunit hindi siya nakatingin sa akin.

Tila naman ako may bikig sa lalamunan na hindi makatugon sa kanyang pagbati. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala hanggang ngayon.

Napatikhim naman si Mama ngunit hindi pa rin siya makatingin sa akin. "Merry Christmas, Rosenda. Kumain na tayo." Walang buhay iyon ngunit kaysarap pakinggan. Ito kasi ang unang beses sa buong buhay ko na binati nila ako.

Inabot agad sa akin ni Ruby ang lalagyanan ng ham at ni Dangdang naman ang ulam. Kumuwit ako roon at inilagay ko sa aking pinggan. Tumayo naman si Mama at isa-isa niyang nilagyan ng kanin ang pinggan ng bawat isa sa amin kabilang na ako. Napapatulala pa rin ako dahil ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na pinagsilbihan niya ako. Ang sarap pala sa pakiramdam ng mapabilang sa kanilang pamilya.

Sa totoo lang, kahit wala ng handa, basta makasama ko lang sila ay masaya na ako. Isang buo at masayang pamilya lang naman ang pangarap ko.


"'Te, bakit ka naiiyak?" puna sa akin ni Dangdang.

Mabilis kong pinunasan ang aking mga luha ngunit hindi ko ito maampat.

Napahinto si Amang sa pagkain at bumaling sa akin. "Rosenda, kung araw-araw kang iiyak sa tuwing makakasalo ka namin sa pagkain ay baka hindi kami makakain nang maayos. Itigil mo na 'yan at kumain ka na!"

Araw-araw? Ibig sabihin, araw-araw na nila akong ikakasalo sa pagkain?!

Sa tinig ni Amang ay para siyang nanenermon pero nakaka-touch pa rin ito sa pandinig ko. Mariin kong pinunasan muli ang aking mga luha bago ako sumubo ng pagkain. "Opo. Kakain na po."

Segundo lang at nakarinig kami ng putukan mula sa kalangitan sanhi para mapatayo at mapatanaw ang lahat roon. Nagsimula na ang fireworks bilang tanda nang pagsalubong sa Pasko. Napapikit pa ako habang sinasalubong ang malamig na hanging panggabi sa ilalim ng mga paputok na ito. Ang sarap sa pakiramdam. Ito na ang pinakamasayang Pasko sa buong buhay ko.

Napakurap lang ako nang maramdaman kong katabi ko na pala sa Mama na nakatanaw din sa mga fireworks. "Rosenda..."

"Po?" Nilingon ko siya.

Nanatili lang ang kanyang mga mata sa kalangitan. "Bumalik na kayo ni Jumbo sa amin."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Ngunit sa huli ay napagtanto kong hindi ganoon kadali iyon lalo na't wala pa akong trabaho. Napabuntong-hininga ako. "Pero wala pa po kasi akong—"

"Hindi mo muna kailangang magtrabaho. May trabaho na ang amang mo. Natanggap siyang katiwala diyan sa malaking sabungan sa bayan. Hayaan mo na kami naman muna ang magsakrispisyo para sa ating pamilya."

Dahil sa sinabi ni Mama ay hindi ko na napigilan ang pagluha ko. At mula sa mga fireworks sa madilim na kalawakan ay tumapon ang liwanag ng mga ito sa natutulog na si Jumbo.

Siya na tinutupad ang mga pangarap ko. Siya na walang kamalay-malay na hindi lang ako ang kanyang binabago kundi maging ang pamilya ko. Siya na hindi na lang ako ang nagmamahal sa kanya kundi minamahal na rin ng pamilya ko. Siya na hindi ko na kakayanin kapag nawala sa pa buhay ko.



***

SA IBANG ARAW na lang ako magpapaalam kay Manang Merdie este, Merdie na hindi na namin itutuloy ang pangungupahan dito sa paupahan niyang parang pagong. Madaling araw na kasi nang makauwi kami rito sa apartment niya at malamang na tulog na iyon. Isa pa, aasikasuhin ko pa si Jumbo dahil pupulbusan ko siya ngayon, hihihi.

Marahan kong tinanggal ang ilang benda at gasa niya sa katawan upang palitan iyon matapos ko siyang punasan. Sumunod ay nilagyan ko na siya ng adult diaper at saka sinepilyuhan. Inayos ko ang kanyang higaan bago ko siya pinaliguan ng pulbos sa katawan.

Matutulog na ang baby. Tinabihan ko siya nang bigla siyang dumilat. Bigla siyang yumakap sa akin nang mahigpit.

"Jumbo..." sambit ko. Napakapit ako sa brusko niyang mga braso.

Ngumisi ang mapula niyang mga labi na tila may ibig iparating. Yabang, o!

"Namiss kita, Jumbo."

Ngayon na lang ulit kami nagkasolo. Kaya naman nang lumapit siya sa akin ay ako na mismo ang umabot ng mga labi niya hanggang sa pareho na kaming natupok ng init na kami lang ang nakadarama. 

JF


Babysitting the BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon