RECUERDO: An Unforgettable Jo...

Av Maccheb

109 28 0

> One Shot Stories < Compilation of my Literary Outbreak: Season 2 Entries (Edited) [ Phase 0 to Final Phase ] Mer

PHASE 0: Audition Round
PHASE 1: Once Upon A War
PHASE 2: Into The Wilderness
WILDCARD ROUND: Fear Of The Unknown
PHASE 4: Down The Injustice Lane
PHASE 5: Of Dreadful Beauty

PHASE 3: Within Eve

12 4 0
Av Maccheb

- The Story of VERA -
( Rank 3 - 82.15 )


TAONG 2050, tatlumpu’t dalawang taon matapos maganap ang ‘The Big One’, ang napakalakas na lindol na naitala sa kasaysayan ng mundo. Gumuho ang mga kabundukan. Nahati ang bawat lansangan. Sabay-sabay sumabog ang mga bulkan. Marami ang namatay. Nagkaroon ng matinding taggutom. Nag-away-away ang lahat. Nagpatayan.

Naglipana ang mga kakaibang nilalang. Tila dahil sa lakas ng lindol, nawasak din ang malaking pader na naghihiwalay sa mundo ng mga tao at ng mga engkanto. Ang mga kinatatakutang kababalaghan noon, ordinaryong pangyayari na lang. Karamihan sa mga mabubuting engkanto ay katulad ng mga natitirang tao na bihag at sunud-sunuran sa mga dalaketnon, sa pamumuno ni Ruvino. Ang ila’y sapilitang pinakain ng itim na kanin upang sumailalim sa kanilang kapangyarihan at maging alipin.

Sakim at walang puso si Ruvino. Kung gaano siya kakisig, ganoon naman siya kasama. Nag-aanyo siyang isang malaking itim na ibon tuwing nagmamatyag sa paligid. Isang halimaw naman tuwing nagagalit. Dahil sa takot, walang sino man ang nangangahas lumaban.

Samantala, sa hindi kalayuan ay may mga matang nagmamasid. Nagbabalatkayong bihag at minsan nama’y isang dalaketnon. Palipat-lipat ng destinasyon. Naghihintay ng pagkakataon.

“Ina!” munting tinig na umagaw sa pansin ni Vera. Marahang kinakalabit ng maliliit na daliri ni Jiro ang kanyang hita.

“Ano ba Jiro?” singhal niya sabay tapik sa kamay ng bata para maalis ito.

Maluha-luhang itinuro ng bata ang paubos nang laman ng isang botelya na natapon. Mabilis itong nalapitan ni Vera ngunit hindi na niya naisalba ang tubig mula sa mahiwagang talon na patago pa niyang kinukuha. Hinahaluan niya ito nang dinikdik na buto ng isang misteryosong prutas na tumubo roon. Ayon kasi sa kaibigan niyang lambana na si Ruru, ang kombinasyon ng dalawa ay mabisang ihalo sa inumin ng sino mang dalaketnon. Isang mabisang pampatulog. Malimit niya itong gawin at patagong inihahalo sa inumin ni Ruvino tuwing maghahapunan ito. Iyon ang nagliligtas sa kanya sa posibleng pagsasamantala nito sa kanyang kahinaan. Ilang beses na itong nagawa sa kanya ni Ruvino at ayaw niya nang masundan pa.

“Hindi! Hindi p'wede ‘to! Pa’no na ‘to?” umiiyak niyang naibulalas. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Binabayo ng kaba ang kanyang dibdib.

“Hindi ko po sinasadya,” wika ng kanyang pitong taong gulang na anak.

Hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Hinigit niya nang malakas ang braso ng bata. Tatlong malalakas na hampas sa puwetan ang inabot nito dahilan ng pag-alingawngaw nang iyak ng bata sa buong silid.

“Nakakainis ka talagang bata ka! Ang likot mo kasi!” sigaw sa kanya ni Vera. “Tumahimik ka! Bwisit ka talaga sa buhay ko!” kasunod ng magkakambal na sampal.

“Tama na po,” pagmamakaawa nito hanggang sa may biglang humawak sa kamay ni Vera na sana’y muling sasampal sa walang kalaban-labang bata.

“Bakit sinasaktan mo na naman ang bata?” awat ng kanyang ina. Mabilis niyang naagaw si Jiro kay Vera. “Kapag nalaman ito ni Ruvino, malilintikan ka,” nag-aalala niyang nasabi.

“Hindi ako katulad mo na kayang sikmurain ang lahat!” singhal ni Vera sa kanyang ina habang itinatago ang botelya sa loob ng kanyang damit.

“Hindi ko rin ‘to ginusto. Anak mo pa rin siya,” malungkot niyang tugon.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bakit? Kailan ka lang ba nagpakaina sa ‘kin? ‘Di ba’t hirap na hirap ka ring tanggapin ako noon?” sumbat ni Vera sa ina.

“Patawarin mo ako,” akmang yayakapin niya si Vera pero naitulak siya nito nang malakas.
Napaupo ang matanda sa lupa. Kaagad naman itong nilapitan at niyakap nang umiiyak na bata. Tila wala nang mapagsidlan ang hinanakit at galit sa dibdib ni Vera.

Walang paalam siyang umalis. Kagat-kagat ang mapulang labi. Kinukuyom ang hikbi. Pinipigil ang posibleng pagpatak ng luha. Mapalad siyang nakapuslit sa kanyang mga bantay. Tinungo niya ang talon lulan ng isang puting kabayo. Lingid sa kanyang kaalaman, isang kaibigan ang nakasunod sa kanya at nagbabantay.

“Vera!” bungad sa kanya ni Yuwan.

“Anong ginagawa n'yo rito?” nagtatakang tanong ni Vera.

“May sinabi si Ama kanina,” sagot ni Yuwan.

Ang ama ni Yuwan na si Demetrio ay isang kalahating tao at kalahating engkanto na may kakayahang makita ang nakaraan at hinaharap. Hindi na ito nakausap nang maayos matapos ang lindol. Madalang na lang kung magbitaw ng salita at ito’y nagsisilbing babala at tulong sa kanila.

“Ang timbangan sa loob ng kuweba sa hangganan ang bumabalanse sa ating mundo. Naganap ang malakas na lindol dahil may kumuha sa asul na bato rito. Ito ang dahilan kung bakit nawala sa balanse ang mundo. Kailangan natin itong mahanap at maibalik sa timbangan,” paliwanag ni Yuwan.

“Ano'ng mangyayari kapag naibalik ‘yon?” usisa ni Vera.

“Iikot pabalik ang mundo sa taong 2018. Wala nang magaganap na lindol. Manunumbalik sa normal ang ating buhay na tila ba hindi naging isa ang ating mga mundo at hindi tayo nasakop ng mga dalaketnon,” pasabat na sagot ni Ruru.

“Hindi ‘yon sapat. Gusto kong mamatay si Ruvino!” naibulalas ni Vera. “Maibalik man natin sa ayos ang lahat, hangga’t buhay siya, maaaring maulit ang mga nangyari,” maluha-luha niyang tinuran.

“Kapag naibalik ang asul na bato sa nararapat paglagyan nito, babalutin ng liwanag ang mundo. Ang liwanag na 'yon ang papatay sa mga dalaketnon bilang parusa ni Bathala sa kanilang kasakiman sa kapangyarihan,” tugon ni Ruru.

Natahimik si Vera.

“Bakit natahimik ka, Vera?” tanong ni Ruru.

“Noong bata pa ako, may napulot akong kulay asul na bato,” sagot niya sa kaibigan. Namilog ang mga mata ng dalawa.

“Nasaan na ‘yon? Maaaring ‘yon ang batong kailangan natin,” urirat ni Yuwan.

“Hindi ko alam. Nakalimutan ko na kung anong nangyari. Siyam na taon ako noon. Malayo rito ang lugar kung saan ko ‘yon napulot,” nag-aalalang sagot ni Vera.

“Saan ba ‘yon?” magkasabay na tanong ng dalawa.

“Sa gawing silangan kung saan kami dating nakatira. Noong araw na kinuha kami ni Ruvino at dinala sa ipinatayo niyang mansyon,” saad niya.

“May kalayuan nga ‘yon. Kung pupuntahan man natin, tiyak na matagal kang mawawala at hahanapin ka ni Ruvino,” tantiya ni Yuwan.

“Napakaliit din ng posibilidad na naroon pa ‘yon,” sabat ni Ruru.

“May ilang oras pa kayo bago sila magising. Tiyak na masarap pa ang kanilang tulog,” sabat ng isang boses.

Gulat silang napalingon. Tumambad sa kanila ang isang matipunong lalaki na may kakaibang kasuotan. Nakangiti ito sa kanila.

“Sino ka? Espiya ka ba ni Ruvino?” nangangambang tanong ni Vera. Pinasadahan niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa.

“Isang kaibigan na matagal nang nagmamasid,” nakangiti nitong sagot. “Mukhang kailangan n'yo ng tulong ko,” muli niyang tinuran habang ang lambanang si Ruru ay lumipad-lipad sa paligid niya.

“Sino ka ba talaga?” nagdududang tanong ni Yuwan.

“Ako si Bon. Isang manlalakbay. Naglalakbay ako sa bawat panahon. Kaya kong balikan ang nakaraan at tuklasin ang buhay sa hinaharap. Naghahanap ako ng sagot kung bakit ganito ang sinapit ng mundo hanggang sa mapadpad ako rito at narinig ko ito mula sa inyo,” pagpapakilala niya.

“Galing ka sa hinaharap? Paano mo nagagawa ‘yon?” naibulalas ni Yuwan.

“Sa tulong ng imbensiyon ng aking ama,” sagot niya sabay turo sa kanyang braso kung saan naroon ang palatakdaan ng oras at panahon na kawangis ng sa isang kompyuter. “Kailangan ko lamang pindutin kung saang lugar o panahon ako pupunta. Maglalaho ako at dadalhin ako nito sa aking destinasyon,” paliwanag ni Bon.

“Kaya ko ring gawin ‘yan noon, ngayon hindi na. Tinanggalan kami ni Ruvino ng kapangyarihan,” malungkot na nasabi ni Ruru.

“Tulungan mo kami,” nagsusumamong wika ni Yuwan kay Bon.

Napatingin sila kay Vera. Bakas ang lungkot sa kanyang mga mata.

“Maaring may iba pang paraan,” pagtutol ni Vera sabay iwas ng kanyang tingin.

“Vera, ito ang mas madaling paraan,” giit ni Yuwan.

“Alam ko ang iniisip n'yo. Gusto n'yo akong bumalik sa panahong ‘yon. Ayaw ko! Gusto ko nang kalimutan ‘yon!” lumuluha niyang tinuran.

“Naiintindihan ka namin pero hindi lang ito tungkol sa ‘yo. Tungkol ito sa ating lahat. Sa mga anak ko. Sa anak mo. Alam kong gusto mong makalaya sa kamay ni Ruvino. Sana isipin mong kami rin,” paliwanag ni Yuwan.

“Maawa ka sa 'min, lalo na sa mga bata,” dugtong ni Ruru.
Tila napaisip siya. Hindi na siya kumibo.

Nang ibaling niya ang kanyang tingin kay Bon, batid nilang nagpasya na siya. Naghawak-kamay sila ni Bon. Nagpaalam pansamantala sa mga kaibigan bago tuluyang maglaho.

...

DUMATING sila sa panahong walang tigil na sinasaktan si Vera ng kanyang ina. Hindi lamang pisikal, maging emosyonal. Inaawat ito ng dalawang babae at pinakakalma. Dahil doon, hindi napigilan ni Vera ang kanyang pagluha.

Ang batang si Vera ay tumakbo malapit sa may balon. Umiiyak na hinihimas ang namumula niyang balikat. Naroon din sa kanyang binti ang ilang latay. Ang sugat sa kanyang puso ay mas malubha. Nahirapan siyang paghilumin iyon sa paglipas ng maraming taon.

“Hindi niya ako mahal. Bunga ako ng panggagahasa sa kanya. Gusto niya akong patayin. Halimaw raw ako,” umiiyak niyang tinuran.

“Hindi niya alam ang mga sinasabi at ginagawa niya noon,” tugon ni Bon. Nagtatakang napatingin si Vera sa kausap. “Nang makita ko ang pag-iyak niya ilang araw na ang nakalilipas, minabuti kong balikan ang mga pinagdaanan niya para lubusan siyang maunawaan,” dugtong nito.

“Anong nakita mo?” tanong ni Vera.

“Nag-iisa lang siyang nakaligtas sa lindol. Hindi niya alam kung paano na ang bukas. Ilang taon siyang hindi makausap. Isang gabi, ginahasa siya. Lalo siyang nalugmok. Ilang taon siyang nakipaglaban sa depresyon. Naapektuhan ang kanyang pag-iisip. Mapalad siya’t napagaling siya ng mga engkantada,” kuwento ni Bon. “Patawarin mo na siya. Mahal ka niya,” dugtong nito habang humahagulhol ng iyak si Vera.

“Hindi! Nagsisinungaling ka!” singhal ni Vera.

“Gusto niyang lumaban kay Ruvino pero nagbanta itong papatayin ka. Kaya kahit hirap siyang sikmurain ang lahat, kinakaya niya,” muling wika ni Bon.

Naagaw nang nagdaraang mga kampon ni Ruvino ang kanilang pansin. Nakita nila ang pagkalaglag ng isang itim na supot mula sa isang dalaketnon na lulan ng isang kabayo.

Pinulot iyon ng batang si Vera.

“Ang asul na bato!” naibulalas ni Bon nang makita niyang hawak ito ng batang si Vera.

Lalapitan na sana nila ang bata ngunit naitapon niya ang asul na bato sa gulat nang marinig ang pagtawag ng ina. Nagkatinginan silang dalawa nang makitang sumuot ito sa maliit na siwang ng lupa. Maingat nila itong kinuha.

“H’wag na tayong mag-aksaya ng panahon,” wika ni Vera.

Kaagad silang nagbalik sa pinanggalingan. Subalit tumambad sa kanila ang tatlong dalaketnon na pinagtutulungan si Yuwan.

“Tumigil kayo!” sigaw ni Vera kaya’t nabaling ang tingin ng mga ito sa kanila.

“Ang asul na bato, hawak ni Vera! ‘Yan ang matagal nang ipinahahanap sa atin ni Ruvino!” sigaw ng isa sa kanila.

Nagpambuno sila. Nag-agawan sa asul na bato. Hanggang sa aksidente itong tumilapon sa talon.

“Hindi!” umiiyak na sigaw ni Vera habang nagdadatingan naman ang tulong na tinawag ni Ruru.

Kinabahan sila nang makita nilang tumayo si Vera sa may batuhan.

“Vera, h’wag!” sigaw ni Yuwan subalit hindi siya kumibo. Nilusong niya ang talon.

“Vera!” sigawan nila.

Ilang minuto ang nagdaan ngunit hindi pa rin siya nakikita. Labis ang kanilang pag-aalala. Hanggang sa may biglang lumitaw. Nakangiti niyang itinaas ang kanyang kaliwang kamay hawak ang asul na bato na kumikinang sa ilalim ng bilog na buwan.

“Yuwan, magpunta kayo sa mansyon. Kunin n'yo si Ina at si Jiro. Magkita tayo sa kuweba,” utos ni Vera pagkaahon niya.

Kaagad namang sumampa sina Yuwan sa kanilang kabayo. Ganoon din sina Vera at Bon patungong kuweba.

...

MAHIGIT isang oras ang lumipas nang dumating sila. Kasama rin ni Yuwan ang kanyang pamilya. Ikinagulat ng ina ni Vera ang mahigpit na yakap ng anak. Napaluha na lang siya at ginantihan iyon. Ganoon din ang ginawa ni Vera sa nag-iisang anak na si Jiro. Ang anak na bunga rin nang panggagahasa sa kanya ng amang si Ruvino.

“Mahal kita, anak. Patawarin mo ako,” paghingi niya ng tawad.

“Mahal din po kita,” sagot ng bata. Muli niya itong niyakap at pinupog ng halik.

“Bakit tayo nandito?” tanong ng ina ni Vera.

“Nakuha namin ang bato na magbabalik sa balanse ng mundo. Magkakahiwa-hiwalay man tayo, babalik naman sa ayos ang lahat. Wala nang magaganap na lindol,” paliwanag ni Vera.

“Subalit kapag nangyari ‘yon, mawawala ka sa ‘kin at si Jiro,” pag-aalala ng matanda. Napaluha ito.

“Magkikita pa rin tayo, Ina. Darating akong muli sa buhay mo sa tamang panahon. Sa pagkakataong ‘yon, bunga ako ng isang tunay na pag-ibig at hindi ng isang bangungot,” tugon niya habang pinupunasan ang mga luha nito. “Si Ruvino?” baling ni Vera kay Yuwan.

"Nasa mansyon. Tulog na tulog at walang kamalay-malay,” sagot ni Yuwan.

Nagitla sila nang umalingawngaw ang malakas na halakhak ni Ruvino. Niyakap sila ng takot.

"Akala n'yo ba, maiisahan n'yo ako!" galit niyang tinuran. Lumitaw siya sa harapan ni Vera. "Wala kang kwentang anak!"

"Maari ngang minalas ako para maging anak mo, pero hindi tayo magkatulad. Hindi ako katulad mo o magiging katulad mo!" ganti ni Vera na lalong ikinagalit ni Ruvino.

Akmang sasaktan niya si Vera ng matigilan siya. Habang si Vera naman ay napamulagat. Bumulwak ang dugo sa kanyang bibig. Tanda na may umatake sa kanyang likuran. Bumagsak siya sa lupa hanggang sa unti-unting nanghina at binawian ng buhay.

Tumambad kay Vera ang nakangiting mukha ni Bon. Hawak nito ang duguang punyal na may lason na pag-aari ng kanyang ina.

Napabuntong-hininga si Vera. Tila nabunutan ng tinik sa dibdib. Nabaling ang tingin niya kay Bon.

“Salamat, Bon."

"Walang puwang sa mundo ang mga katulad niya. At wala siyang karapatang saktan ka," tugon ni Bon.

"Napakalaki nang naitulong mo sa amin. Sana magkita rin tayong muli,” tinuran ni Vera. Niyakap niya ito nang mahigpit.

Hindi na nagsayang pa ng panahon si Vera at tuluyang nilapitan ang timbangan.
Tanging ang pulang bato ang naroroon. Bago niya tuluyang ilagay ang asul na bato sa timbangan, nag-iwan siya sa lahat ng matamis na ngiti. Ang ganda niyang pagmasdan habang isinasayaw ng hangin ang kanyang mahabang buhok.

Kapwa umilaw ang dalawang bato nang mailagay na ito. Isang dilaw na liwanag ang gumapang sa isang linyang nakakonekta sa timbangan patungo sa katabi nitong imahe ng mundo. Lumikha iyon nang nakasisilaw na liwanag.

Nang maglaho ang liwanag, wala na rin sila. Natagpuan ni Bon ang sarili sa hardin ng isang magandang bahay, isang dapit-hapon. Bumalik na sa balanse ang mundo. Bumalik na sa ayos at tamang lugar ang lahat. Ang mga nangyari sa kani-kanilang mga buhay ay tila isa na lamang bangungot.

Naagaw ang pansin ni Bon ng isang babaeng nagdadalang-tao. Yakap siya ng isang lalaki habang hinihimas nito ang kanyang tiyan.

“Hindi ako maaring magkamali. Siya si Ciera, ang ina ni Vera. Hindi maglalaon ay ipapanganak na siya,” nakangiti niyang nasabi sa sarili. “Magkikita tayong muli Vera, sa tamang panahon, sa tamang pagkakataon at sa tamang pagkatao. Doon ay maaari na kitang mahalin.”

...

Fortsätt läs

Du kommer också att gilla

3.2M 160K 54
[RFYL book 2] When the enemy is close behind, you need to run as fast as you can. RUN AS FAST AS YOU CAN Written by: SHINICHILAAAABS Genre: Science F...
Obey Him Av Jamille Fumah

Allmän skönlitteratur

26.8M 1M 72
He's a 29-year-old mayor of the town and she's a 19-year-old orphaned student. Jackson became Frantiska's legal guardian before anything else. Their...
53.8K 2.9K 39
A woman that rules men got transmigrated to a Duchess who is a slave of a mere man.
10M 497K 80
◤ SEMIDEUS SAGA #04 ◢ Promise of the Twelve - End of the rebellion as prophecied by the titan goddess, Mnemosyne. It seems like fighting a titan...