Your Voice (Ang Iyong Tinig)...

De -Etienne12-

11 0 0

"Ang iyong tinig ang siyang nagligtas sa akin mula sa kawalan." Hanggang saan ang kaya mong gawin upang hanap... Mais

Disclaimer

Kabanata 1 - Edeya

6 0 0
De -Etienne12-

Edeya

Calliopeia. Isang natatanging mundo na puno ng mahika.

Dito naninirahan ang mga nilikhang nabibilang sa lipi ng mga kakaibang uri ng tao na may kakayahang magpalabas ng pakpak sa kanilang likuran. Ang mga pakpak na ito ay kawangis ng pakpak ng ibon. Bukod roon ay may natatangi silang mahika na talaga namang kakaiba sa karaniwan. May dalawang uri sila. Ang mga Avezia o mga nilalang na pawang purong puti ang kulay ng pakpak. At mga Ultima, sila na ang kulay ng pakpak ay itim. 

Merong apat na kaharian ang mga Avezia. Isa sa hilaga, hilagang-silangan, silangan at timog-silangan. Samantalang ang mga Ultima ay mayroon ding apat na reyno na matatagpuan sa mga natitira pang direksyon.

Sila ay nakikipanirahan kasama ang mga karaniwang mamamayan o iyung itinuturing na mga walang kapangyarihan. Gayunpaman, nalilingid sa mga ordinaryong tao ang kanilang kakayahan lalo na ang pagkakaroon nila ng mga pakpak.

Ang mga taong ito ay merong labindalawang tagapagbantay ng itinuturing nilang banal na puno na siyang pinagkukunan nila ng lakas at buhay. Ito ay ang mahiwagang puno ng Idiyanale na nagpapalit ng kulay ang katawan, sanga at mga dahon depende sa kalagayan ng panahon. Dilaw tuwing tag-araw. Dalandan kapag taglagas. Puti tuwing taglamig at luntian kapag tagsibol. Tanging ang mga tagapagbantay lamang ang nakaaalam kung bakit nagbabago ng kulay ang puno ng Idiyanale.

Ang labindalawang tagapagbantay ay pinili ng purong engkantada na si Ira Mahalia mula sa lipi ng mga maharlika, timawa at mga alipin. Ang mga ito ay puro babae na biniyayaan ng natatanging lakas at kapangyarihan upang ipagsanggalang ang puno ng Idiyanale sa masasamang elemento ng mundo na nais sumira dito.

At isa siya sa kanila.

Ang pangalan niya ay Keren. Ang ikatlong tagapagbantay ng puno ng Idiyanale at may tangan sa kapangyarihan ng mga tunog, at iba pang bagay na may kinalaman dito.

Isa siyang prinsesa. Panganay na anak ni Haring Solano ng kahariang Eressa. Sinasabi ng marami sa kanilang mga nasasakupan na siya ay mabait at masunurin. Maaaring tama sila. Maaari rin namang hindi.

Bukod dito, sinasabi rin ng mga nakakakita sa kanya na si Keren ay isang magandang dilag. Ngunit lahat ng iyun ay pumapasok lamang sa kanyang kanang teynga at lumalabas rin kaagad sa kaliwa.

Para sa kanya, ang kagandahan ay kumukupas. Nakikita ngunit napaparam. Mas ibig niyang makilala bilang isang prinsesa na may paninindigan at puso na nakahandang tumulong sa kanyang kapwa.

Marami nang mga prinsipe at iba pang mga dugong bughaw ang nagnais na makamtam ang puso ni Keren subalit lahat sila ay umuwing bigo sapagkat bata pa lamang siya ay ipinagkasundo na ng kanyang ama sa anak na prinsipe ng kahariang Polmari. Hinihintay na lamang na ang dalaga ay dumating sa ika-dalawampu't isang kaarawan at isisiwalat na sa lahat ng nasasakupan ng Eressa ang kanyang pagpapakasal sa anak nina Haring Alonso at Reyna Sylvana.

Hanggang sa sumapit na nga ang araw na yaon.

Mag-isa lamang na nakaupo si Keren sa harap ng napakalaki at napakaringal na salamin sa loob ng kanyang silid. Pinagmamasdan niya ang sariling anyo habang marahang isinusuot sa kanang teynga ang isang hikaw na lantay sa ginto. Palawit iyun at sa dulo ay sumasayaw-sayaw sa mabining simoy ng hangin ang hugis nota ng musika na siyang pinaka-disenyo nito. Naramdaman niya ng kusa iyung dumikit sa kanyang panga ng ilang segundo at gumalaw-galaw. Tila ba hinahaplos ng marahan ang kanyang balat.

Napangiti si Keren. Huminga ng malalim at sinamyo ang hangin na umiihip sa paligid. Napakasariwa. May amoy ng bulaklak na rosas. Mukhang meron siyang panauhin. Tumingin muna ang prinsesa sa salamin at saka nagsalita sa banayad na tinig.

"Alam ko na narito ka sa aking silid. Kaya magpakita ka na."

Naramdaman niya ang biglang paglakas ng simoy ng hangin. At sa isang iglap ay lumabas mula sa kawalan ang isa pang babae na nagtataglay ng pambihira at napakagandang anyo. Nakatayo ito sa gawing kanan at nakatitig sa kanya mula sa salamin.

Kung si Keren ay mahinahon sa tuwing pagmamasdan at nagtataglay ng napakabanayad na mga mata, ang binibini namang ito ay kakaiba kung tumingin. Wari bang may palaging kislap ng kapilyahan sa abuhin niyang mga mata. Makikita rin na mas bata ito kumpara sa kanya. Ang babae ay walang iba kundi si Laira, ang kanyang nakababatang kapatid.

"Maligayang kaarawan, mahal kong kapatid," mabilis na wika niya at niyakap si Keren mula sa likuran. Isang mabining halik ang iginawad nito sa kanyang pisngi. Napangiti na lamang siya sa paglalambing nito. Kahit paano ay nagkaroon ng gaan ang nabibigatang damdamin ng prinsesa na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Nang hindi siya nagsalita ay bumaling muli sa kanya ang kapatid. Napansin marahil nito ang kanyang pananahimik. Napatingin si Laira sa kanyang mukha sa salamin at mataman siyang pinagmasdan na animo ay binabasa ang kanyang saloobin. Bahagya itong napakunot-noo ng may napagtanto.

"Diyata't mapanglaw ang wangis ng aking libaya.* Anong dahilan at nagkakaganyan ka? Hindi yata ako sanay na nakikita kang malungkot," aniya na nasa tinig ang pag-aalala para kay Keren.

Nagkibit-balikat lamang siya bago sumagot.

"Wala ito, Laira. Huwag mo na lamang akong intindihin. Lilipas din ito." Hangga't maaari ay ayaw niyang sabihin sa kapatid ang kinikimkim na suliranin.

"Maaari ba namang hindi kita intindihin? Ayaw ko namang lalabas ka sa iyong silid na napakalungkot ng iyong anyo. Tiyak na mapapansin ka ng mga panauhin. Ayokong pag-usapan ka nila sa hindi kanais-nais na paraan. Kaya ngayon pa lang ay sabihin mo na kung ano ang gumugulo sa iyong isipan upang matulungan kita."

Humugot siya ng malalim na buntong hininga. Wala nga yatang  mapagpipilian si Keren kundi ibahagi kay Laira ang bagay na nagpapabigat sa kanyang kalooban. Hindi man halata sa hitsura ng kanyang kapatid ngunit sensitibo ito sa mga nararamdaman ng mga tao sa kanyang paligid.

"Alam mo naman marahil ang kasunduan sa pagitan ng ating amang hari at ng mga maharlika ng reyno ng Polmari," pag-uumpisa niya. Si Laira naman ay nagtungo sa katabing dulang ng kanyang kinauupuan at kampanteng naupo roon. Handa sa pakikinig.

"Sa pagsapit ko sa gulang na dalawampu't isa ay ipakakasal nila ako sa kanilang anak na prinsipe sapagkat ninanais ng dalawang panig na mas mapagtibay pa at mapalawig ang samahan ng bawat kaharian. Ngunit kahit naihanda ko na ang aking sarili ay hindi pa rin pala ganap ang pagpayag ng aking puso. Lalong-lalo na at kahit minsan ay hindi ko pa nakaharap ang prinsipe na nakatakda kong makaisang dibdib."

Saglit na dumaan ang katahimikan sa pagitan nilang magkapatid. Pinagmamasdan lamang siya ni Laira. Ang mga mata ay may nakapagkit na kuryusidad. Kumislap iyun kapagdaka.

Bahagya itong humalukipkip bago nagsalita.

"Sinasabi ng marami na si Prinsipe Ingus ay tanyag sa mga kababaihan ng buong Calliopeia. Hindi ba nakapagtataka na wala ka man lamang alam tungkol sa kanya? Ano ba ang iyong ginagawa sa mga panahong dapat ay kinikilala mo ang iyong magiging kabiyak?" Kahit na seryoso ang pananalita ni Laira ay nahihimigan pa rin ni Keren  ang panunudyo sa tinig nito.

Bahagya siyang nagkibit-balikat. Inayos niya ang pagkakalapat ng ilang bahagi ng kanyang kasuotan sa gawing dibdib.

"Ang totoo'y sinadya ko na huwag siyang kilalanin. At mukhang ganoon rin siya sa akin. Sa tingin ko ay pareho naming iniiwasan ang isa't isa. Marahil tulad ko ay hindi pa ganap ang pagpayag niyang magpakasal."

"Kung gayon ay bagay nga kayong dalawa. Pareho kayong hindi handa. At kapwa walang alam sa ugali at pagkatao ng bawat isa."

"Laira, hindi lang naman iyun ang dahilan kung bakit-"

Iwinasiwas ng kanyang kapatid ang isang kamay nito sa ere.

"Alam ko na." Bigla itong sumeryoso at tumitig sa kanya. "Tiyak na mahihirapan kang ilihim kay Prinsipe Ingus ang tungkol sa iyong pagiging tagapagbantay ng puno ng Idiyanale. Kahit batid natin na may lahing Avezia ang maharlikang angkan ng kahariang Polmari,  hindi nila dapat malaman ang kaugnayan mo sa labindalawang Edeya*. Dapat na manatiling lihim ang lahat kahit pa kay Prinsipe Ingus."

Wala sa loob na siya ay napangiti. Kapag si Laira ang may dinaramdam, ay si Keren ang tagapagbigay ng mga payo sa kanya. At kapag siya naman ang nagkaroon ng suliranin, si Laira rin ang nagbibigay sa kanya ng kaukulang payo.

Magkapatid nga silang dalawa. Parati ay handang damayan ang isa't isa.

"Paano kapag hindi sinasadyang malaman niya?"

Bahagyang umayos ng upo si Laira at muling humalukipkip. "Ibig sabihin niyon, sinadya mo," aniya na tuluyang ikinatawa ni Keren.

Kilalang-kilala nga siya ng kapatid. Alam nito na napakaingat niya. At hindi basta-bastang mabubuko kung hindi siya mismo ang aamin ng kusa.

Tumayo na si Keren mula sa pagkakaupo sa mataas na dulang. Muling pinagmasdan ang kanyang anyo sa maringal na salamin. Tunay ngang kabigha-bighani ang kanyang anyo. Ngunit nasasalamin niya sa sariling mga mata ang pagnanais na kilalanin hindi dahil sa kanyang panlabas na anyo kundi sa angking kakayahan at hangaring gumawa ng mabuti.

Alam niya magkikita sila ni Prinsipe Ingus ngayong gabi dahil iniatas ng amang hari nito na sumama ito sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan upang ganap na silang magkakilala. Sa isipan ni Keren ay naglalaro ang isang katanungan. Ano kaya ang posibleng mararamdaman ng prinsipe  kapag nagkita na sila? At siya, maaari rin kayang magkaroon agad ng puwang si Prinsipe Ingus sa kanyang puso?

Kung totoo ngang tanyag  ito sa mga kababaihan ng Calliopeia ay nakatitiyak si Keren na isa itong makisig na lalaki. Ngunit hindi gaanong mahalaga para sa dalagang prinsesa ang kagandahan ng panlabas na anyo. Mas binibigyan niya ng pansin ang ganda at kabutihang panloob ng isang tao. Ipinagdarasal niya na lamang na sana ay isang mabuting prinsipe ang nakatakda niyang maging kabiyak ng puso.

Inayos ni Laira ang kanyang magarang kasuotan. Tunay na gayak ng isang maharlika. Kulay ginto iyun na ang ilang bahagi ay may bahid ng pula. May ilang maliliit na disenyo ng nota na nakapinta roon at kumikintab sa tuwing natatamaan ng liwanag. Dinampot ni Laira ang kanyang korona at inilagay iyun sa kanyang ulo.

Humahangang pinagmasdan siya ng kanyang kapatid.

"Ang tulad mo ay isang anghel na nananaog sa daigdig kasabay ng pagsikat ng haring araw. Dala mo ang iyong plawta at inaawitan ang mundo. Naririnig ko ang iyong tinig at ako'y labis na nabighani sa taglay nitong halina." Bigla na lamang naging makata si Laira. Kumikislap sa kapilyahan ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya.

"Kung sa inyong unang pagkikita ni Prinsipe Ingus ay sabihin niya sa'yo ang mga pananalitang yan ay huwag ka nang magdalawang-isip, kapatid ko. Magpakasal ka kaagad. Walang pasubali at anumang pag-aalinlangan."

Natatawang kinurot niya ang tagiliran nito ngunit mabilis na nakawala si Laira. Humahalakhak pa ito habang aliw na aliw na pinagmamasdan siya.

"Ang sabi mo ay tanyag siya sa mga kababaihan, hindi ba?"

Tumango naman ito. Hindi nawawala ang mapaglarong ngiti sa mga labi. "Oo. Bakit mo naman naitanong?"

"Sa tingin ko ay hindi ang katulad ni Prinsipe Ingus ang magsasalita ng mga ganyang tula. Mas sanay siya na pinagtutuunan ng pansin. Hindi niya kailangang humabi ng mga salita para lamang makuha niya ang kanyang ninanais. Ganoon pa man, umaasa na lamang ako na isa siyang mabuting nilalang."

"Kung gayon ay wala ka naman palang balak na umatras sa napagkasunduan," wika ni Laira sa nananantiyang tono.

"Kilala mo ako, kapatid ko. Hindi ako umaatras sa anumang bagay. Kahit pa sa usaping may kinalaman sa pag-aasawa."

Totoo ang sinabi ni Keren. Isa siyang masunuring anak. At iginagalang niya ang pasya ng kanyang amang hari. Pilit niyang pinalis sa gunita ang mga pakiramdam na nakakapanghina. Kahit pa ang munting agam-agam ay hindi mapagbabago ang kanyang pasya. Bagama't walang pag-ibig na namamagitan sa kanila ni Prinsipe Ingus ay naniniwala ang magandang prinsesa na napag-aaralan iyun.

"Humanda ka na, mahal kong kapatid. Lalabas na tayo mula sa silid na ito. Humanda ka nang harapin ang mga panauhin at ang iyong magiging kabiyak."

Humakbang na nga sina Keren at Laira palabas ng silid ng una. Pagkalapat ng pinto pasara ay taas noong naglakad ang magkapatid patungo sa napakalawak na bulwagan ng palasyo ng Eressa. Isinatinig na ng tagatawag ang kanilang napipintong pagdating.



*libaya - kapatid na babae

*Edeya - natatanging katawagan sa labindalawang tagapagbantay ng puno ng Idiyanale.

AN: Nagsisimula na ang ating kuwento. Pakibahagi naman po ang inyong mga saloobin.

(AN ulit: Nosebleed ako sa pormal na Tagalog. Huhu!  Ang kumplikado maging Pinoy pero nakaka-proud.)

Continue lendo

Você também vai gostar

7.3M 436K 114
Isa ang Merton Academy sa mga kilalang paaralan sa buong Pilipinas. Karamihan sa mga nag-aaral dito ay mga kabataang may talento pagdating sa akademi...
26.6K 1.2K 37
| COMPLETED | | UNEDITED | Ally Cole, an ordinary person, was engrossed in reading an online novel while walking down the street when she was suddenl...
4.2M 193K 61
GIFTED SERIES #1 Their eyes are different. It changes. It can turn blue like the ocean and gray like a smoke. It can burn like a fire and have letter...
4.5M 112K 46
Wild, untamed and fierce- that's Tatiana Faith Follosco. Para sa kanya, chill lang ang buhay. She loves to party with her friends and make crazy dare...