Ngunit imbes na sagutin ang tanong niya, tila balewalang nilampasan lang siya ni Brent. Dumiretso ito sa kama at pabagsak na humiga roon. Hinintay niyang magsalita ito, pero ipinikit lang nito ang mga mata at tuluyan siyang inignora.

     Ay, gano’n? Nagpakawala si Ada ng isang buntong-hininga. Nakaharap ang mukha ni Brent sa kaniya kaya malaya niya itong napagmamasdan.

     Nakakairita. Bakit ba paguwapo ka nang paguwapo, ha? himutok niya sa kaniyang isip.

     “Don’t just stand there,” maya-maya’y usal ni Brent, pero nakapikit pa rin. “Gawin mo na ang trabaho mo. I don’t have all day.”

     Muling nabuhay ang inis sa dibdib ni Ada. Heto na naman siya. Pasalamat ka talaga’t mahal kita kahit ang sama-sama ng ugali mo. Bubulong-bulong na tinalikuran niya ang binata at saka sumalampak sa isa sa mga sofa na naroon.

     Gets niya naman na saksakan ng laki ang kuwarto ni Brent—lahat naman yata ng parte ng mansion ay malaki—pero kailangan ba talaga tatlo-tatlo ang sofa nito? Aanhin ni Brent ‘tong mga ‘to? Ni hindi nga siya nagpapapasok ng ibang tao sa kuwarto niya.

     Ikinibit niya ang mga balikat at saka nagsimula nang magtrabaho. Habang nagpapalit ng mga punda, panaka-naka niyang tinatapunan ng tingin si Brent. Lihim siyang napapalatak at napabusangot. Ano kaya’ng problema ng lalaking ‘to sa kaniya? Ba’t hindi na lang siya tapatin nang hindi na siya nahihirapan, ‘di ba?

     Mabilis siyang natapos dahil iilan lang naman ang throw pillow na naroon. Bitbit ang mga natitirang sapin, humakbang siya palapit kay Brent. Nakagat niya ang ibabang labi nang mapuna ang hitsura nito. Nakatulog kaya siya?

     “Señorito,” tawag niya rito sa marahan na boses.

     Hindi ito sumagot; pero pumihit ito sa kabilang panig ng higaan. Napakamot si Ada sa ulo. Nilapag niya sa gilid ng kama ang mga sapin at saka umikot kung saan ito nakaharap.

     “Señorito,” untag niya kay Brent sa ikalawang pagkakataon.

     Ngunit ‘tulad kanina, imbes na imikin siya, muli itong tumalikod sa kaniya at humarap sa kaninang direksiyon. Napatanga si Ada sa likod nito. Natutulog ba talaga siya o pinagti-trip-an niya na lang ako? naisaloob niya. Nakapamaywang na umikot ulit siya sa kabila.

     Dumukwang ang dalaga. Kaysa tawagin si Brent, tinapik niya ito sa pisngi. Sunod-sunod. Nagtagumpay naman siya dahil agad itong nagmulat. Nang mag-angat ito ng mukha, lumitaw ang pilyong kislap sa mga mata nito pati ang ngiti na itinatago nito sa unan. Nagpapanggap lang palang tulog ang hudyo.

     Dumiretso si Ada ng tayo. Oh, ta’s biglang ngingiti? Tsk, ito yatang lalaking ‘to ang may sapak, eh.

     Umupo ito sa gilid ng kama. “Tapos ka na sa mga throw pillow?”

     Tinanguan niya ito bilang sagot. Hindi ito sumagot. Akmang kikilos na si Ada para kunin ang mga sapin sa gilid ni Brent nang bigla siya nitong haklitin sa laylayan ng suot niyang blouse at yakapin sa baywang. Hindi agad siya nakabawi sa labis na pagkagulat. Napatda siya’t natulos sa kinatatayuan. 

     Pigil-pigil ang paghingang ibinaba niya ang tingin kay Brent. Nakasubsob ang mukha nito sa kaniyang tiyan. Napalunok siya. Pakiwari niya’y may malakas na bagyong dumadagundong sa loob ng kaniyang dibdib. Sinubukan niyang magsalita pero puro hangin lang ang lumabas sa kaniyang bibig. Hangin na amoy lugaw.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن