A 10-Minute Love Story (Vince One-Shot Story)

887 38 1
                                    

"Shit! 6:40PM... 20 minutes and I am late..." Ani Vince sa sarili na ganoon na lamang ang buntong hininga matapos makita ang oras sa suot na wristwatch. Dali-dali siyang umakyat ng hagdan sa MRT. Mabuti na lamang at meron siyang stored value card kaya hindi na niya kinakailangang pumila para bumili pa nito. Hinding-hindi siya maaaring mahuli sa klase ngayon dahil noong nakaraang linggo ng huli siyang nalate sa klase ay binigyan na siya ng ultimatum ng kanilang propesor at bakas sa mukha nitong hindi ito nagbibiro. Kaya kung sakaling malate siya ngayon, alam na niya ang kahihinatnan niya.

Kasalanang lahat ito ni Jenny. Sisi niya sa kaibigan. Kung naging responsable lamang sana ito, hindi na niya kailangan pang dumaan ng Mall para lang bumili ng mga gagamitin nila sa project nila sa Home Economics.

Last week pa sinabi ni Mr. Luistro na kakailanganin nila ng mga cartolina at illustration boards ngayon pero tila hindi ito sineryoso ni Jenny. Kung hindi nga niya ito ipinaalala dito ngayon hindi pa niya malalaman na nakalimutan ito ng kaibigan. At kung hindi sila bibili ngayon malamang na sermon bukod pa sa pulang marka ang aabutin nilang dalawa. Minsan nga ay naiisip na niyang pumareha sa iba tuwing merong project sa mga klase nila pero hindi niya kayang iwanang mag-isa ang matalik na kaibigan bukod pa sa kadahilanang walang gustong pumareha sa kanilang dalawa dahil tumatak na sa isipan ng mga classmates nila na sila parati ang mag-partner sa anumang projects na gagawin nila.

Ngayon tuloy magkahalong pagod at kaba ang nararamdaman niya habang naghihintay sa pagdating ng tren bitbit ang mga pinamili. Mabuti na lamang Sabado at hindi eksaherado sa dami ang mga pasahero gayunpaman marami pa rin ang mga ito.

Makalipas ang dalawang minuto ay narinig na niya ang tunog ng makina ng tren senyales ng pagdating nito at ilang sandali pa ay nasa harapan na niya ito.

Kasabay ng ibang mga pasahero ay dali-daling nakipagsiksikan papasok si Vince sa tren ng bumukas ang pinto nito. At dahil na rin sa pag-uunahan ay hindi sinasadyang maitulak siya ng mga pasahero sa kanyang likuran dahilan upang matapakan niya sa paa ang lalaking pasahero sa kanyang harapan.

"I'm sorry." Agad niyang bulalas na hindi tumitingin sa naapakan. Nasa isip niya kasi ang maghanap ng mauupuan kaya naman diretso siyang nilampasan ito.

"It's okay." Matipid na sagot nito.

Tila may kung anong naramdaman si Vince matapos marinig ang boses nito dahilan upang tingnan ang hitsura ng lalaki. Ngunit ng lingunin niya ay wala ng tao sa kanyang likuran. Iniligid-ligid niya ang kanyang mga mata upang hanapin ito ngunit bigo siya. Paano nga naman niya ito mahahanap, hindi naman niya alam ang hitsura nito. Muli niyang ibinaling ang sarili sa paghahanap ng mauupuan ngunit bigo rin siya. Lahat ay okupado na. Naisip niyang tumayo na lamang sa gilid kung saan meron siyang posteng mahahawakan habang bitbit ang mga pinamili.

"Mukhang mabigat yang dala-dala mo ah?"

Muling nakaramdam ng kilig si Vince matapos marinig muli ang boses ng lalaki. Merong timbre ang mababang boses nito na nakahuhumaling sa kanyang pandinig. Agad niyang nilingon ang pinanggalingan ng boses na nasa kanyang tagiliran. At doon niya nakita ang lalaking hinahanap kanina.

"Ikaw na lang umupo dito." Nakangiting alok sa kanya ng lalaki sa inuupuan nito.

"I'm okay, but thank you." Nakangiti niyang tanggi.

"Okay." Muling nakangiting sagot ng lalaki.

Binalikan ng ngiti ni Vince ang lalaki. Saglit na nagkasalubong ang kanilang mga mata bago umiwas ng tingin si Vince. Nang muli niyang tingnan ito'y nakayuko na at nakapako ang mga mata nito sa hawak na cellphone.

Pinagmasdan niya ito. Papaanong magkakaroon ang isang lalaki ng mahahabang pilikmatang tulad ng meron ito. At ang mga labi nito, bakit kumpara sa kanyang pink at natutuyo ay mapupula ang mga ito na bumagay sa makinis nitong mukha. Hindi niya mapigilang humanga sa maganda nitong mukha.

Nasa ganoon siyang estado ng huminto ang tren at masanggi siya ng nagmamadaling lumabas na pasahero. Dahilan ito upang mabitawan niya ang mga bitbit at kumalat sa sahig. Hindi na nagdalawang-isip, napapailing na dinampot isa-isa ni Vince ang gamit. Hanggang sa may makita siyang kamay na tumulong damputin ang ilan pa sa mga ito. Nagdikit ang mga kamay nila ng iabot ng lalaki ang mga ito sa kanya. Ewan ba niya ngunit ang damping iyon ay nagdulot ng init sa kanyang katawan.

"Salamat, ulit."

"Sabi ko naman sa'yo ikaw na ang umupo dito, wala naman akong dala."

"Nakakahiya naman." Nahihiyang sabi ni Vince.

"Sus, yun lang." Ani ng lalaki at kinuha ang mga hawak niyang gamit sabay senyas sa kanyang maupo na.

"Salamat." Ani Vince na wala ng nagawa kung hindi ang sumunod sa alok ng lalaki.

Nang makaupo ay kinuha niya sa lalaki ang mga gamit at binigyan ito ng ngiti. Muling nagkatagpo ang kanilang mga mata. Pagkaraan ay ito naman ang ngumiti sa kanya. Muling nakaramdam ng pagkailang si Vince sa tinuran nito kaya naman napayuko siya. Nakatingin na ito sa kanyang cellphone na nasa kanang kamay habang nakakapit sa poste ang kaliwa.

Palihim na pinagmasdan ni Vince ang kabuuan ng lalaki. Maganda ang hubog ng katawan nito. Hindi man kalakihan ngunit bakas ang mga maskuladong braso nito sa suot nitong muscle shirt. Doon niya rin napansin ang suot nitong ID. Pilit niyang binasa ang pangalang nakasulat doon ngunit bigo siya. Masyado itong maliit para sa may kalabuan na niyang mga mata. Tanging logo lang ng University ang nakilala niya sapagkat pamilyar ito. Biglang pumasok sa kanyang isipan na ang Unibersidad na ito ay nakatayo sa tapat ng kasunod na istasyon ng tren. Tumingin siya sa labas at natanaw nga niya ito. At ilang sandali pa ay huminto na ang tren at narinig niyang bumukas ang pinto nito.

Isang tapik sa balikat ang naramdaman ni Vince dahilan upang ialis niya ang mga mata sa labas at muling ibaling ang mga ito sa lalaki ngunit wala na ito sa kanyang kinatatayuan. Pilit niya itong hinanap ngunit tila natabunan ito ng mga taong nagmamadaling lumabas ng tren. Muling ibinaling ni Vince ang mga mata sa labas at doon niya nakita ang lalaki. Hindi na niya inalis pa ang mga mata dito hanggang sa makita niyang nakatingin na rin ito sa kanya. Ngumiti ito at kumaway. Bilang ganti ay ngumiti rin siya. Aktong kakawayan niya ang lalaki ng makita niyang may isang balingkinitang babae ang lumapit dito. Agad itong yumakap sa lalaki na ginantihan naman nito ng halik sa pisngi.

Ang pakaway na kamay ni Vince ay agad niyang ibinaba. Napayuko siya at nangiti sa sarili. Umandar na ang tren ng muli niyang ibaling ang mga mata sa labas. Nakatalikod na ang dalawa at naglalakad na pababa ng hagdan. Pinagmasdan lang ito ni Vince hanggang sa ang tinatanaw ay papaliit na ng papaliit at mawala na sa kanyang paningin..

My Romantic Textmate (Message Sent)Where stories live. Discover now