Wattpad Original
Mayroong 3 pang mga libreng parte

Kabanata IV - Ang Nakaraan

356K 9.1K 644
                                    

"Anak, hindi ka pwedeng pumasok sa loob ha. Maraming bisita at halos naroroon ang lahat ng mga Montemayor. Hindi mo basta makikita ang Lolo Gabriel mo ngayon," malungkot na sabi sa akin ni nanay habang hawak niya ako sa magkabila kong balikat.

Patuloy naman ang pagtakas ng luha mula sa mga mata ko. Gustong-gusto ko nang makita si Lolo Gabriel pero hindi pwede dahil naroroon ang mga Montemayor. Ilang araw na akong umiiyak sa tuwing naaalala ko ang kalagayan ni Lolo Gabriel. Mahinang-mahina na siya at sinabi sa akin ni nanay na anumang oras ay kukuhanin na siya ng Panginoon.

"Nanay, sige na po. Kahit saglit lang po, gusto ko lang po siyang makita," humihikbing sabi ko sa nanay ko.

"Anak, gustuhin mo mang makita siya, hindi talaga pwede dahil pamilya niya lang ang pwede niyang kausapin ngayon," mahinang sabi sa akin ni nanay habang pilit na ipinapaitindi ang sitwasyon sa akin. Mas lalo lamang akong naiyak tuwing naiisip ko na hindi ko na makakausap pa si Lolo Gabriel. Simula nang makilala ko si Lolo Gabriel, siya na ang lagi kong kausap tuwing nasa mansyon ako ng mga Montemayor. Walang araw na hindi ko siya kinausap at dinalhan ng bulaklak na pasimple ko lamang na kinukuha sa malawak na hardin ng mansyon. Noong nakaraang araw, isinugod siya sa ospital at kanina lamang siya inuwi. Ang pagkakaalam ko, hindi na tinatanggap ng kanyang katawan ang mga gamot na ibinibigay sa kanya kaya napagdesisyunan na iuwi na lamang siya dito sa mansyon.

"Sige po, 'nay. Uuwi na po ako," dismayado kong sabi at lumabas ng kusina ng mansyon. Doon kasi siya ngayon nagtatrabaho at lagi niya akong isinasama dahil bakasyon naman at hindi naman ako gaanong malikot.

Bagsak ang mga balikat ko habang naglalakad papunta sa likuran ng mansyon. Umupo ako sa damuhan at doon umiyak.

Gustong-gusto ko nang makita si Lolo Gabriel, kahit saglit lang. Gusto ko siyang makausap at gusto ko siyang pangitiin kahit sa huling saglit. Gusto ko siyang bigyan ng bulaklak at gusto kong laruin ang mapuputi niyang buhok. Gusto ko siyang makita at gusto kong makita niya ako na naririto lamang ako para sa kanya.

"Hoy bata, bakit ka umiiyak d'yan sa damuhan namin? Alam mo bang may bayad ang umiyak dito?" Bigla akong napalingon sa boses na nanggagaling sa likuran ko. Marahan kong pinahid ang pisngi ko na basa na ng mga luha ko.

"Sino ka? At tsaka sino ang may sabi sa 'yo na may bayad umiiyak dito?" nakanguso kong tanong sa batang lalaking kausap ko. Humalukipkip siya at nagsalubong ang kanyang mga kilay habang nakatingin sa akin. Ang sungit naman ng batang 'to!

"You don't know who I am? Ako si Aivan Vinn Montemayor, may-ari ng inuupuan mo," mayabang niyang sagot sa akin.

"Ano naman ngayon kung ikaw si Aivan Vinn Montemayor? May pangalan mo ba 'tong inuupuan ko? Wala naman!" Ginaya ko pa ang tono ng kanyang pananalita nang sabihin niya sa akin ang kanyang buong pangalan.

"Ang tapang mo ha! Gusto mo bang paalisin kita sa kinauupuan mo ngayon?" sabi niya at sa palagay ko ay galit na siya ngayon. Mas lalo kasing nagsalubong ang makakapal niyang mga kilay.

"Paalisin mo! Isusumbong naman kita kay Lolo Gabriel!" ganting sigaw ko sa kanya. Kahit kailan, walang nagtangkang magpaalis sa akin dito sa mansyon dahil na rin sa utos ni Lolo Gabriel.

"Sumbong mo, samahan pa kita d'yan! Ang pangit mo naman, tulo pa uhog mo!" Sinigawan niya ako. Napasimangot naman ako sa sinabi niyang iyon. Bakit sabi ni Lolo Gabriel mababait ang mga apo niya? Bakit itong isang 'to ay ganito na lamang kagaspang ang ugali? Montemayor ba talaga siya?

"Ano? Crush mo ako 'no?" sabi pa niya sa akin. Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi niya.

"Ang kapal mo naman, bata! Hindi ka naman pogi! Mayabang ka nga tapos ang sama pa ng ugali mo!" sabi ko sa kanya.

Tell Me Where It HurtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon