Wattpad Original
Mayroong 7 pang mga libreng parte

Bachelor Stories Series 5: Tell Me Where It Hurts

1.2M 14.5K 1.2K
                                    

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Do not distribute, publish, transmit, modify, display or create derivative works from or exploit the contents of this in any way. Please obtain permission from the author.

Started: December 2014-May 2015 (COMPLETED) 

***

Prologo

"Isda kayo d'yan! Isda! Sariwa pa 'to, kadarating lang galing sa pantalan!" sigaw ko sa mga taong dumadaan na tila ba naghahanap ng kanilang bibilhin dito sa palengke. Wala pa sa kota ko ang kita ko ngayong araw kaya kailangan kong kumayod at magtinda nang magtinda. Ayoko namang mabungangaan pa ako ni Aling Flora kung sakaling wala kaming benta ngayong araw. Hindi naman kasi pwedeng tumunganga lang ako magdamag dahil hindi naman ako ipinanganak na mayroong gintong kutsara sa bibig. Ipinanganak akong mahirap at hindi ko naman hahayaan ang sarili kong mamatay na lang na mahirap. Kaya pipilitin ko ang sarili kong umangat sa buhay kahit na ano pa mang mangyari.

"Ara, magkano ang kilo ng bangus ngayon?" tanong ni Aling Lora, masugid kong suki simula pa noon. Ngumiti ako nang abot tenga katulad ng nakagawian ko.

"Isang daan na lang ho 'yan, Aling Lora. Ilang kilo ho ba ang sa inyo?"

"O siya sige, bigyan mo ako ng dalawang kilo. Dadaanan ko na lang mamaya at bibili pa ako ng rekado para sa lulutuin ko," saad ni Aling Lora.

"O sige ho, para saan ho ba? Daing?" kaswal kong tanong habang kinakaliskisan ang mga isdang nakilo ko na.

"Iyong isang kilo pang daing, 'yong isa naman pampaksiw. Basta ikaw na bahala, dadaanan ko na lang maya-maya," nakangiting tugon sa akin ni Aling Lora bago umalis sa harapan ko.

Buong buhay ko ay sa palengke at bukid na ako lumaki. Bata pa lang ako ay natuto na akong kumayod upang mabuhay. Dito sa Cuenca, hindi pupwedeng tumunganga ka lang, dahil hangga't bata ka ay dapat na marunong ka nang tumayo sa sarili mong mga paa. Iyon ang kailangan mo para mabuhay, hindi ka lang basta dapat umaasa sa mga taong nasa paligid mo. Dapat mo rin na asahan ang sarili mo.

"Ara, ano ba?! Bilisan mo na at mahuhuli na tayo sa mansyon!" reklamo ni Glenda sa akin. Agad ko namang tinanggal ang aking suot na apron at nagmadaling naghugas ng kamay. Inabot ko kay Tinay ang apron dahil siya naman ngayon ang nakatoka sa pagtitinda sa palengke.

"Bakit ka ba nagmamadali?" iritable kong tanong sa kanya. Agad niya akong hinatak papalabas sa palengke na para bang mayroong hinahabol.

"Basta, mamaya ko na lang ipapaliwanag sa 'yo! Maligo ka na muna, hindi ka naman maaaring humarap sa mga Montemayor na ganyan ang itsura't amoy mo! Ano na lang ang sasabihin nila? Alam mo naman ang mga 'yon, mayayaman at maaarte!" giit niya. Sinimangutan ko naman siya. Kung hindi ko lang kaibigan ang babaeng 'to, malamang ay sinabunutan ko na siya at kinaladkad sa kalsada. Maayos naman kasi ang itsura ko at hindi naman ako mukhang gusgusin. Sa katunayan nga ay morena ako at matangos ang ilong. At hindi rin naman ako kinulang sa tangkad. Hindi nga raw ako mukhang nakatira sa bukid at kung magbibihis lang ako nang maganda, magmumukha na rin akong mayaman tulad ng mga Montemayor.

"Oo na!" sagot ko sa kanya. Sumakay agad kami sa tricycle at wala pang ilang minuto ay nakarating din kami sa kanto malapit sa bahay.

"Bilisan mo ha! Hihintayin kita sa may tindahan ni Aling Narda. Nasa nanay mo na rin 'yong unipormeng susuotin mo. Hindi tayo pwedeng mahuli roon! Maliwanag?" sunod-sunod niyang sabi.

"Oo na, oo na! Kuha ko na! Sige na at lumayas ka na!" pagtataboy ko sa kanya bago ako pumasok sa loob ng bahay namin. Agad naman akong nagmano sa nanay ko nang makita ko siyang nagluluto.

"'Nay, may trabaho kami sa mansyon ngayon. Kakauwi n'yo lang ba galing doon?" magalang kong tanong sa nanay ko. Karamihan naman kasi rito sa Cuenca ay pulos mga nagtatrabaho sa rancho. Maganda kasi magpasweldo ang mga Montemayor at mayroon pa silang mga benepisyo sa kanilang mga manggagawa kaya halos lahat ay pinipilit na makapagtrabaho sa kanila. Pinag-aaral din ng mga Montemayor ang mga anak ng kanilang manggagawa na sampung taon nang naninilbihan sa kanila kaya libre na ang pag-aaral ko ng kolehiyo dahil sa kanila.

"Oo, kagagaling ko lang doon. Ang tatay mo ay naroroon pa sa rancho at tag-ani ngayon ng mangga kaya kailangan siya roon," ani nanay. Tumango lamang ako at pinanood ang niluluto niyang sinigang na paa ng manok. Kung may pera lang sana kami, hindi sana ganoon ang niluluto niya. Konti na lang naman at magtatapos na ako sa kursong business administration. Iyon kasi ang gusto ni tatay para daw makapasok ako sa kompanya ng mga Montemayor sa Maynila.

"O siya sige, maligo ka na at kumain ka muna bago ka pumunta sa rancho," ani nanay. Tumango lamang ako at nagmadaling pumunta sa kwarto namin ng kapatid ko. Kumuha lang ako saglit ng tuwalya at tsaka pumasok sa banyo upang maligo. Nang matapos, isinuot ko agad ang unipormeng sinasabi ni Glenda. Ito kasi ang kailangan naming suotin para mamaya dahil mayroong malaking handaan sa mansyon ngayon. Hindi ko naman alam kung ano ang okasyon pero sigurado akong malaki 'yon at engrande. Madalas naman kasing magkaroon ng magarbong handaan ang mga Montemayor.

"O ano, handa ka na?" Sinalubong ako ni Glenda habang naglalagay pa siya ng pulbo sa mukha. Tumango naman ako at sabay kaming tumungo sa rancho. Alas tres pa lang ng hapon pero marami na kaming dapat gawin. Marami na rin ang sasakyan sa mansyon at mukhang marami rin ang bisita.

"Dito tayo sa kusina, nakausap ko na si Klara at sinabi niyang dito tayo kailangan," sabi sa akin ni Glenda. Tumango lamang ako bilang sagot. Buong hapon kaming nagtrabaho roon at hindi kami maaaring pumalpak dahil una sa lahat ay binabayaran kami rito at pangalawa, wala kaming karapatang magreklamo. Trabaho namin ito at dapat kaming maging responsable.

"Ano, tapos na kayo? Mag-uumpisa na ang party!" anunsyo ng isang katulong sa amin. Isa-isa naman kaming lumabas para masilayan ang paunang seremonya. Napag-alaman ko sa isang katulong na birthday party ito ng mga anak ng presidente ng Montemayor Empire na si Sir Levinn. Ano pa nga ba ang dapat na asahan ko? Sabi ko sa isip nang makita ko kung gaano kagarbo ang ayos ng buong mansyon. Puno kasi ng iba't ibang kulay ng mga bulaklak ang paligid na terno sa kulay ng mga lamesa at upuan na maayos namang nakasalansan. Maliwanag din ang buong mansyon kahit pa gabi na dahil sa sandamakmak na ilaw sa paligid. Nakadagdag din ang mga lanterns na nakalutang sa swimming pool sa ganda ng paligid at para bang nasa iba akong lugar dahil sa nakikita ko ngayon.

Lahat kami ay napatunganga nang magsimula na ang party. Ang daming bisita at sigurado akong halos lahat ng mga iyon ay mayayaman, batay na rin sa kanilang mga magagarang kasuotan. Halos lahat kasi ng mga babae ay nakasuot ng mga magagarbong gown at ang mga lalaki naman ay tuxedo.

"Grabe 'no? Ang sarap lang maging mayaman," maang ng katabi kong katulong. Hindi ko naman siya pinansin dahil nakapako sa entablado ang aking atensyon.

"And now without further ado, let us all rise and give a warm round of applause..." pag-uumpisa ng babaeng emcee sa unahan. Bigla namang binalot ng tanong ang buong sistema ko. Bihira lang namin makita ang mga Montemayor at kalimitan ay sa siyudad sila naglalagi. Si Sir Levinn lang ang lagi kong nakikita rito kasama ang asawa niya kaya wala akong ideya kung sino ba ang magdiriwang ng kaarawan ngayon.

"Ladies and gentlemen, the birthday celebrants, Axcel Vinn and Aivan Vinn Montemayor!" Lahat ay tumayo at nagpalakpakan nang inanunsyo ng emcee ang kanilang mga pangalan. Magkasunod na umakyat sa entablado ang dalawang matangkad na lalaki. Kambal sila batay na rin sa itsura nila at halos magkamukha ang dalawa pero tanging iisang lalaki lang ang nakakuha ng buo kong atensyon.

"Aivan..."

****

Copyright © Marco Jose (SiMarcoJoseAko)

Tell Me Where It HurtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon