Chapter 1

85 6 7
                                    

ERZA

"Bitawan mo 'ko. Uuwi na 'ko. Magagalit 'yung girlfriend ko."



Napabuntong hininga ako habang nakatingin kay Gray na ngayon ay inaalis 'yung kamay ko sa mga braso niya.



"Sino bang girlfriend mo?" Walang emosyon na tanong ko habang nakatitig pa rin sa mukha niyang kanina pa naiinis.



Tss. Kung 'di ba naman kasi naglasing.



"Tangina. Hindi ka ba talaga bibitaw!? Kanina pa naghihintay 'yung girlfriend ko! Kailangan ko na talagang umuwi kay Erza!"



"Oh? Nakauwi ka na. Ano pang inaarte mo?"



Nakita kong nanlaki ang mga mata niya bago siya lumingon sa'kin at kumurap nang tatlong beses na para bang hindi siya makapaniwala sa nakikita. Tinaasan ko siya ng kilay at nagulat na lamang ako nang bigla siyang napangiti nang malawak at yumakap sa'kin.



"Bakit gising ka pa?" Ani niya habang nakayakap pa rin sa'kin at sinusuklay ang buhok ko gamit 'yung mga daliri niya. "Namiss kita, Erza."



"Katatapos ko lang mag-aral at saka hinihintay kitang makauwi." mahinang sambit ko bago tanggalin 'yung pagkakayapos niya sa'kin. "Tss. Nangangamoy sigarilyo't alak ka. Hubarin mo nga muna 'yung t-shirt mo."



"Erza, hindi ba masyado pang maaga para dun?" Nakangising tanong ni Gray dahilan ng pamumula ng buong mukha ko.



A-ano daw? Kahit kailan talaga 'to!



Agad ko siyang binatukan nang malakas at tumingin sa ibang direksiyon para iwasan 'yung mga titig niya.



"P-puro ka talaga katarantaduhan! Pupunasan kita kaya hubarin mo 'yang damit mo!"



Mahina siyang tumawa bago lumapit sa'kin at hinawakan ang magkabilang pisngi 'ko para halikan ako sa noo.



"Parang nahimasmasan ako sa lakas ng batok mo." Sabi niya habang nakahawak pa rin sa magkabilang pisngi ko at nakatingin sa'kin nang diretso. Matagal siyang nakatingin sa mga mata ko bago yumuko at muli akong niyapos. "Sorry, Erza...Sorry."



Hindi ko mapigilang mainis nang humingi siya bigla ng tawad.



Hindi ko maintindihan. Para saan? Dahil ba sa umuwi siyang lasing o dahil may kagaguhan nanaman siyang ginawa habang nakatalikod ako?



Napailing nalang ako dahil ayaw ko nang masyadong isipin ang mga bagay na iyon. May iba pang dapat kong mas pagtuunan ng atensyon dahil wala akong panahon para pasakitin ang ulo ko sa mga bagay na paulit ulit namang nangyayari.



Sanay na ako. Wala namang bago eh.



"Tss. Tigil mo nga 'ya---"



"Maliligo na muna ako. Magpahinga ka na." Bulong niya bago ako iwanang nakakunot ang noo.



Pupunta na sana ako ng kusina para initin 'yung mga iniluto kong panghapunan nang makakain naman si Gray kaso nabaling 'yung atensyon ko sa cellphone niya na ipinatong ko sa sofa kanina. Agad kong inabot 'yun at bumungad sa akin 'yung wallpaper niya na litrato ko kasama si tita Mika. Bahagya akong napangiti habang nakatitig sa mama ni Gray.



Magda-dalawang taon na magmula nang iwan niya kami...



Ang mama ni Gray ang tumayong nanay ko simula nung pitong taong gulang pa lamang ako. Tandang-tanda ko pa kung paano kami unang nagkakilala at kung paano niya ako inalagaan kahit na hindi niya ako tunay na anak. Nakakita ako ng liwanag sa kaniya at sa pamilya niya nung mga panahong malungkot ako at kinakailangan ng tulong. Siya ang nagligtas sa'kin sa mga paghihirap na naranasan ko nu'ng maliit pa lamang ako kung kaya't malaki talaga ang utang na loob at pagpapasalamat ko sa kaniya.



Sana masaya ka kung nasaan ka man ngayon, tita.



Napangiti ako nang matandaan ko ang lahat ng alaala na mayroon ako kasama siya ngunit napawi ang ngiting 'yun nang tumunog ang cellphone ni Gray at may lumabas na text message galing sa hindi pamilyar na number.



Pabagsak kong inilagay sa sofa ang cellphone niya nang mabasa ang text na 'yun at dumiretso na agad ako sa kwarto ko para magpahinga.



Hahayaan ko 'yang mga kagaguhan na ginagawa mo ngayon pero huwag mo akong sisisihin kapag umabot na sa limitasyon ang pasensya ko.

















































"Good morning, Erz--- oh!? Bakit namamaga 'yang mata mo?" Nag-aalalang tanong ni Lucy. Magpapatuloy nalang sana ako sa paglalakad nang biglang hawakan ni Natsu ang pulsuhan ko at iniharap ako sakanya. Inilapit niya ang mukha niya sa'kin at tinitigan ako habang nakakunot ang noo.



"Umiyak ka ba?" 'Yun ang unang lumabas na mga salita nang ibuka ni Natsu 'yung bibig niya.



Napailing ako bago tanggalin 'yung pagkakahawak niya sa pulsuhan ko at tiningnan silang dalawa. Hindi ko batid kung bakit madalas na silang nababahala eh wala namang nangyaring masama sa'kin. Ngayon ngang pagpasok ko ay nagulat ako kasi ang aga nila at pareho nila akong hinintay sa tapat ng gate.



Huminga ako nang malalim bago muling nagsalita. "Puyat lang ako."



"Hindi ko alam kung may kinalaman ba 'yan sa away niyo ni Gray kahapon pero..." Lumapit sa'kin si Lucy at hinawakan ang dalawang kamay ko. "Pwede kang magsabi sa'kin kapag may problema, Erza. Makikinig ako. Magkaibigan na tayo diba?"



Nakita nila na nag-away kami ni Gray kahapon? May narinig kaya sila?



"Salamat Lucy pero ayos lang talaga ako..." Saad ko at nagpatuloy na ulit sa paglalakad. Sumunod na lamang sa'kin si Lucy at ang isang tahimik na Natsu.



Inilagay ko nalang ang paningin ko sa bawat room na dinadaanan namin. Wala pang masyadong estudyante dahil mamayang 7:30 pa ang start ng klase at maga-alas-sais pa lang ngayon. May iba naman na talagang maaagang magsipasok--- 'yung iba gumigising nang maaga para mag-aral sa library bago magsimula ang klase habang 'yung iba gusto lamang maglibot sa loob ng campus. Karamihan naman sa kanila ay nagdodorm sa Fairy Hills kaya walang problema sa pagpasok nang maaga.



Napasulyap ako sa dalawang kasama ko ngayon. Nakatitig sa kawalan at mukhang malalim ang iniisip ni Lucy habang si Natsu naman ay diretsong nakatingin sa daan. Sobrang tahimik nilang dalawa kaya hindi ko maiwasang mailang. Mas sanay pa akong naririnig sa umaga na naghahamon ng away si Natsu sa kung sino sino tapos bubungangaan siya ni Lucy pagkatapos.



Hanggang saan ba kasi 'yung narinig nila kahapon!? Alam na kaya nila 'yung tungkol sa'min ni Gray?



Ang tanging alam lang nila ay magkasama kami ni Gray sa iisang bahay dahil kinupkop ako ng mama niya pero walang nakakaalam sa kanila na may namamagitan sa'ming dalawa.



Hindi ko ikinahihiya na magkarelasyon kami. May balak naman kaming sabihin sa kanila pero...hindi ko alam kung ano pwedeng mangyari lalo na't magulo ang sitwasyon namin ngayon.



"Ah...ano--- Erza, huwag ka na kaya munang pumasok sa trabaho ngayon? Magsasabi nalang ulit ako kay manager. Mukha kasing masama 'yung pakiramdam mo. Mas okay na magpahinga ka na muna. Masyado ka rin kasing babad sa pag-aaral..." pambabasag ni Lucy sa katahimikan.



Napatingin ako sakanya at nagpakawala ng buntong hininga. "Hindi pwede, Lucy. Um-absent na ako ng limang araw nung nakaraang linggo kaya kailangan kong bumawi ngayon. Malaki na 'yung mababawasan sa sweldo ko kung magpapaliban nanaman ako."



"Pinapagod mo nanaman nang sobra ang sarili mo, Erza. Sinusuportahan naman kayo ng papa ni Gray diba?" aniya.



"Nahihiya na akong humingi nang humingi kay tito. At saka...ginagawa ko rin naman 'to para sa sarili ko." mahinang sabi ko at tumingin sa sahig.



"Anong ibig mong sabihin?" nanghihinayang na tanong naman ni Natsu.



Napatigil ako sa paglalakad at napasinghap. Tiningnan ko silang dalawa sa mga mata at bahagyang ngumiti. "Aalis ako..."



Kapag naubos ako, aalis ako.

Chasing Through Storms (A Grayza Fanfiction)On viuen les histories. Descobreix ara