VIII

64K 3.1K 726
                                    

VIII

NAKATINGALA ANG ISANG detective sa kisame at masinsinang pinagmamasdan ang mga bakas ng mga paa na naroroon. Nilapitan ito ng isang pulis.

"Detective Bart, anong oras na ho, eh... bakit narito pa kayo?" puna nito sa matanda habang nakatingin sa sariling wrist watch.

Nanatili lang nakatingala ang detective. "Fifty years..."

"Ho?"

Tinanggal ng matanda ang suot nitong salamin at saka tumingin sa pulis. "Fifty years na ako sa serbisyong ito pero – " at saka tumingala ulit. "–ngayon lang ako nakakita ng ganito."

Napatingala na rin ang pulis. "Totoo ho bang mga bakas ng mga paa iyang nariyan?"

"Pagmasdan mong mabuti," utos nito sa lalaki.

Ginawa naman nito ang inutos ng matanda.

"Magaspang ang natuyong putik, hindi ba?"

Napatango ang pulis na halata sa mukha nito ang pagtataka.

"Kung gawa-gawa lamang iyan ay hindi dapat ganyan kagaspang iyan."

"Hindi ko ho maintindihan, Detective." Napakamot ito.

Lumuhod ang matanda at may kinapa sa sahig. "Ang gravity, " anito. "Ang tumapak diyan ay kita namang putikan ang mga paa. At kung sino man iyon, hindi siya agad humakbang. Nagtagal siya ng humigit kumulang limang segundo sa isang pwesto bago siya muling humakbang. Hindi lang ang paa niya ang bumakat, kundi maging ang kanyang bigat. Tingnan mo ang sahig, walang patak ng putik na tumulo mula sa kisame. Hindi rin masasabing pinunasan ang pumatak na putik dahil kung titingnan mo sa liwanag at pagmamasdan ang repleksyon nito, apat na araw nang hindi nalilinisan ang sahig na ito."

"Eh may tao bang nakakalakad sa kisame, Detective?" nakangisi pang tanong ng pulis. "Pasensya na ho, ah. Pero may palagay akong alibi lang ito niyong Cristina para hindi siya mapagbintangan sa pagkawala ng kanyang asawa."

Napabuga ng hangin ang matanda. "Bakit narito ka pa, Officer? Malalim na ang gabi, ah? Umuwi na rin ang mga kasama mong pulis."

"Tanong ko nga rin yan sa inyo, 'di ba, ho? Wala nang ibang tao rito kundi tayo na lang."

"Nasaan sina Cristina at ang dalawa niyang anak?" tanong ng matanda na nakamasid pa rin sa sahig.

"Nasa kustodiya ho sila ng mga awtoridad ngayon. Under investigation ho ang bahay na ito."

Napailing ang matandang detective. Nang tumayo ay pawisan na ito. "May kargada ka ba diyan, Officer?"

"Bakit ho?" Kinabahan ito bigla.

"Masama ito." Nakatingin ito sa sahig. "Sinasabi ko na nga ba."

"Ano hong nangyari?" Napahawak na ang pulis sa nakasukbit nitong baril sa tagiliran.

Humugot naman ng papel sa bulsa ang detective at tinupi ang bawat isa sa magkakaibang bilang. Pagkatapos ay itinapon niya iyon sa kung saan.

"Ano hong ginagawa nyo?"

"Nag-iiwan ako ng mensahe." Humugot muli ito ng papel at tinupi. Panglima na iyon at mukhang iyon na ang huli. Tinapon muli nito iyon sa kung saan. "Dahil baka mamatay ako ngayon."

"Ho?" Namutla ang pulis sa sinabi nito. "Wag naman ho kayong magbiro ng ganyan..."

"Tingnan mo iyon." Itinuro nito ang likuran ng pulis.

Nilingon naman iyon ng lalaki. "Ano ho iyan? Tao ho ba yan?" Sinisipat nito ng tingin ang madilim na bakuran.

"M-mamamatay tayo ngayon." Napaantanda pa ang detective.

Naglabas na ng baril ang pulis. "H-hindi ho tayo mamamatay."

"Wag mo nang subukan, hijo. Hindi kaya ng baril iyan."

Napalunok ang pulis at kita sa mukha nito ang takot. "Hindi ko ho kayo hahayaang mamatay. Kayo lang ho ang kilala kong pinakamahusay na detective. Kapag nasawi kayo, hindi na malulutas ang kasong ito."

"Meron pang isang makakalutas ng kasong ito. Mas magaling siya sa akin." Nagsindi ng sigarilyo ang matanda. "At nag-iwan na ako ng palatandaan para sa kanya."

"S-sino ho?"

Humithit ito at bumuga. "Si Isaac."

"Kung ganun ho, may hekkkkkkk!!!" hindi na naituloy ng pulis ang nais sabihin nito nang bigla na lang pumihit ang ulo nito.

Nagulat man ang matandang detective sa nakita, pero pinilit na lang nitong itago ang pagkasindak sa nangyari. Bumuga muli ito ng usok mula sa hinihithit nitong sigarilyo na para bang kampante lang kahit kaharap na nito ang taong pumilipit sa leeg ng pulis. "Sabi ko na nga ba eh –

ikaw."

JF

InsanusUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum