Seoulmate

361 11 10
                                    

1

MASARAP MALUNGKOT SA SEOUL, at kung may lasa man ang kanyang lungkot, ito iyon: macademia nut sa Häagen-Dazs ice cream.

Mahal. Kailangan pa niyang mapunta sa Seoul para malaman na malungkot siya. Isang hapon iyon ng Sabado ng Oktubre, taong 2009. Umaakyat siya palabas sa istasyon ng tren sa Myeongdong. Naka-trench coat siya ng beige, nasa mga bulsa ang mga kamay. Thought balloon niya: bibili siya mamaya ng gloves. Naroon na ang kanyang Seoulmate sa paborito nilang ice cream house. Nang maupo siya sa harap nito pagkaraan ng halos sampung minuto, doon at napansin niya ang malaking puno ng gingko sa harapan ng ice cream house, sa labas ng salaming bintana. Hubad ito, walang mga dahon. Nanginginig ang mga tangkay. Grey, naisip niya, isa itong kulay. Ito ang kulay ng lungkot sa bansang ito, hindi na ang asul na dagat ng Filipinas na dinadayo ngayon ng mga Koreano, at gustong angkinin ng iba at marami pang banyaga.

Ngunit mahirap maging malungkot sa Filipinas, lalo na sa Manila. Kulang ang tren at nagkaka-aberya. Nagkukumahog ang mga umaga at gabi; kulang ang oras para malungkot. Nasa TV ang kanilang mga tawa at iyak, sa mga teleserye. Napakaraming tao sa loob at labas ng bahay. Bakit napakaraming tao sa mall, kahit office hours? Pagtataka ng kanyang Seoulmate sa una nitong pagbisita sa Manila pagkalipas ng limang taon. Natawa lamang siya. Mahabang kuwento. Mahirap ipaliwanag. Katumbas ito ng isang libo at isa pang tanong, tulad ng bakit napakaraming bata sa Filipinas? Bakit napakaraming pulubi sa Manila?

Bakit hindi tayo magpapakasal?

2

MAY IPIS AT DAGA sa kanyang apartment sa Paco sa Manila ngunit hindi siya nag-metamorphose sa isang ipis tulad ni Gregor Samsa, karakter ng isa sa paborito niyang manunulat na si Franz Kafka. German. Naging si Samsa (lamang) ito sa isang kuwento naman ni Haruki Murakami, isang Japanese at paborito niya ring manunulat. Bumalik sa pagiging tao si (Gregor) Samsa at na-inlove sa isang kuba. Nangyari ito dahil wala na, wala pa siyang prejudice.

Hindi rin siya naging isang koi sa isa sa mga pond sa Greenbelt sa mga hapon ng Sabado ng kanyang pagwi-window shopping pagkatapos ng trabaho. Pagod ang kilala niya noon, hindi pa ang lungkot na nagbabalat ng kanyang mga labi at nagbibiyak ng kanyang sikmura ngayon para isigaw ang sinigang, fried chicken, tuyo’t dilis, manggang hilaw sa bagoong.

Ngunit ito ang importante ngayon, narito (na) siya sa Seoul, isang bida sa pelikula ng kanyang buhay, dahil ano ba naman itong ating aklat na siya ang Dakilang Mangingibig (DM), ang ating Ultimate Pinay Lover (UPL), kundi isang GPS, isang modern-day fairy tale. Matatawa ka, pero huwag. Kailangan pa rin nating maintindihan na nabubuhay sa pag-ibig ang Filipino. At ano ba ang pag-ibig? Hindi ba isang pag-asa, isang paniniwala, isang pangarap, isang pantasya?

Tungkol naman sa katauhan ng kanyang tinatawag na Seoulmate, isikreto muna natin kung look-a-like ba o doppelganger ni Lee Min Ho. Sa ngayon, ito ang alam natin sa kanya: inabutan niya itong ating bida ng isang paper bag noong Sabado ng hapon na iyon sa ice cream house kung saan nakilala ng ating bida ang kanyang lungkot sa hubad na puno ng gingko sa labas ng salaming bintana.

Isang medium-size ziplock ang laman ng paper bag na ito. At limang maliliit na tangerine. ‘Orange,’ thought balloon niya, ‘ponkan.’  Sweet.

My Life Bilang KoreanobelaWhere stories live. Discover now